Buti Na Lang May SSS

Marahil nakapamili na ang mga lolo at lola ng regalo para sa pasko dahil naibigay na ng SSS ang kani-kanilang 13 month pay para sa taong 2017. Dobleng halaga ng pension ang natatanggap ng ating mga pensyonadao tuwing sasapit ang pasko bilang dagdag benepisyo.

Di miminsang minaliit ang pension sa SSS na kadalasang kinukumpara sa mas malalaking natatanggap sa GSIS. Dapat malaman ng ating mga myembro na ang hulog nila kada buwan ay di hamak na mas mababa sa GSIS kung saan 11 percent lamang ng kabuuang sweldo ng manggagawa ang naihuhulog. Sa GSIS, 21 percent ng sahod ang kinakaltas at nireremit. May ceiling din ang tinatawag na salary bracket sa SSS, kung saan 16 thousand ang maaring pinakamataas na sahod. Sa GSIS, ang kaltas na 21 percent ay base sa aktwal na sweldo ng empleyado kaya di hamak na mas mataas ang naireremit ng mga nasa serbisyo sibil.

Di lingid ang kadalasang insulto at sinisitang pension sa SSS. Pero sa mga nakakaalam ng tunay na benepisyo ng SSS, marami ang tahimik lang na nagpapasalamat na buti na lang may SSS. Hindi lang minsan na may mga pensyonado tayong nagtagal sa abroad at nakalikom ng milyong pension sa SSS. Ito’y sa kabila ng napakaliit na punuhang kontribusyon na ibinayad lamang sa loob ng 36 buwan o tatlong taon. Ayon sa batas, ang maiiwang asawa ng namatay na myembro na nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon ay pwedeng tumanggap ng pension habang sya ay nabubuhay, wag lamang mag-aasawa muli o makikipagrelasyon muli. Ang pinakamaliit na kontribusyong naihulog sa loob ng tatlong tao na nakita ko ay halos P300 lamang pero tumanggap ng benepisyong halos kalahating milyon ang naiwanan nitong misis. At maaari pa itong lumaki dahil tatanggap pa sya ng pension sa buong buhay nya.

Marahil ay hindi naiintidihan ng iba nating myembro na ang mababa nilang kontribusyon ay katumbas din ng mababang pensyon. Mali namang ikumpara ang pension ng isang nagbayad ng maximum sa loob ng 30 taon sa isang nagbayad lang ng minimum sa loob ng sampung taon. Kung sinasabi nating hindi kayang bumuhay ng isang pamilya ang pinakamababang pension ng SSS, isipin po natin kung magkano rin ang naihulog sa SSS kapalit ng tinatamasang kita. Ang hulog po sa SSS ay 11 percent lamang ng sweldo ng bawat manggagawa. Sa kasawiang palad, hindi lahat ng mga myembro ay naghuhulog ng tama o nagbabantay na mahulugan ng tama ang kanilang buwanang kontribusyon. Ilan na ba ang nagreklamo sa System na di nahulugan ang kontribusyon o kulang ang naihulog? Kadalasan hinintay pa ang panahong sila’y magreretiro na bago sila magreklamo. Saan pa po kukuha ng impormasyon ang SSS lalo na kung nagsara na ang kumpanya?

Mali ring ikumpara ang hulog sa SSS sa kung ano mang kikitain sa insurance. Alam ng lahat na napakalaki ng hulog sa insurance at lahat ng naihulog na ay maaring mawala kung makakaligtaang bayaran. Sa SSS, ang hulog maski noon dekada 70 at hindi mawawala maski pa matagal ng hindi naghuhulog ang myembro. Nararapat lang na bantayan na naihulog nga ang kontribusyon dahil hindi maaring palipasin ang mahabang taon bago pa alamin kung ito’y naibayad nga.

Sa paskong ito sana bago mag-isip ng pagkakagastusan, isipin muna ang kinabukasan. Ang hulog sa SSS ay ipon na maaring magamit sa oras ng pangangailangan para pagdating ng araw pwede nating sabihing, “buti na lang may SSS”. Kaya may SSS ka na ba? Magmyembro na at siguraduhing regular ang pagreremit para mapakinabangan ang benepisyo.

Para sa mga katanungan tungkol sa SSS, maaring sumulat sa Herald Express o ipadala ang inyong mga sulat sa mismong tanggapan ng SSS sa Harrison Road, Baguio City.

Remember this: Whoever sows sparingly will also reap sparingly, and whoever sows generously will also reap generously. 2 Corinthians 9:6

Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published.

*

code