Kontribusyon sa SSS ni Yaya o Inday Wag Kalimutang Bayaran

Pagkatapos ng mahabang kainan kumusta naman ang mga ilaw ng tahanan lalo na yung mag-isang gumalaw dahil nakaleave ang Inday ng tahanan? Kadalasan ang mga ina at mga babae ang naatasan tuwing holiday, mula pamamalengke, pagluluto, paghuhugas ng pinggan at maging paghahain ng masasarap na pagkain kada Noche Buena at Media Noche. Pagkatapos ng kasiyahan, andyan na ang realidad ng santambak na kalat at labahin sa bahay.  Marami ang makakarelate na mga amo sa hirap ng gawaing bahay lalo at ang kanilang kasambahay ay nagdedemand ng bakasyon tuwing kapaskuhan at bumabalik lamang sa kalagitnaan na ng Enero. Pero kung nag-enjoy ng husto ang kasambahay sa engrandeng bakasyon, baka hindi na talaga bumalik.  Kaya sa mga gaya kong pahirapan kumuha ng katulong at kinakailangang magleave sa opisina dahil nakabakasyon si yaya, pinapaalala po muli ng Social Security System (SSS) na kailangang magbayad ng SSS contributions ni yaya, tagaluto, tagalaba, hardinero o sinumang sinasahuran sa trabahong bahay, basta sila ay regular at hindi pasulpot sulpot lamang para magtrabaho sa ating mga tahanan.

Tama ang sinasabi ng mga post sa Facebook na kung pag-uusapan ang kita ng mga kasambahay eh tiyak sasama ang loob ng boss lalo na kung tatamad tamad ang nakuhang katulong.  Libre na nga sa  pagkain at lahat ng gamit sa bahay mula shampoo hanggang toothpaste, may wifi, cellphone na bigay ni boss,  walang tax, pwedeng humilata sa maghapon habang wala ang mga amo at manood ng TV kung kailan gusto,  buo ang sahod pagdating ng  sweldo at dapat may kaukulan pang hulog sa SSS.

Bago pa man naisabatas ang Kasambahay Law o RA 10361 nasa RA 8282 o SS Act of 1997 na ang sapilitang pagbabayad ng kontribusyon ng mga katulong. Hindi totoong dapat bayaran lamang ang SSS contribution ng katulong noong naisabatas na ang Kasambahay Law nitong 2013 dahil ang batas ng SSS ay nag-oobliga na ng kontribusyon para sa mga katulong simula pa 1997. Ang amyendang maituturing lamang ay  tanging ang mga may sweldo lamang na limang libo pataas ang magkakaroon ng employer-employee share sa pagbabayad ng SSS. Sa lahat ng mga kasambahay na may sweldong mas mababa sa limang libo, tanging ang amo o employer lamang ang dapat magbayad ng buong hulog.  Dahil ang mga amo ang may obligasyong magbayad, mas makakabuting bantayan pa rin natin kung ang perang iniaabot natin sa mga katulong ay kanila ngang ihinuhulog lalo kung iniaasa natin sa ang pagbabayad ng SSS sa ating mga katulong. Maraming pagkakataong hindi ito ihinuhulog ng pinag-utusan at madalas ang katulong pa ang galit at nagrereklamong hindi ito nahulugan maski ibinigay na sa kanya ang bayad.

Hindi lahat ng mga amo ay gaya ni Annaliza Marzan, na nahatulan ng reclusion perpetua noong nakaraang taon sa pang-aabuso nito sa katulong na si Bonita Baran. Si Baran ang katulong na nabulag matapos tusukin ng among babae ang mga mata, pinlantsa ang likod, pinakain ng ipis,  binugbog at tinataya ng PAO Forensic Laboratory na nagkasugat at pasa ng mahigit kulang 200 sa buong katawan.  Kadalasang biruan naming mga abogado rito sa Baguio, mas madaling kumuha ng abogado kesa sa katulong kaya maraming amo ang nakikisama sa kanilang mga katulong maski umaabuso na ang mga ito dahil mahirap talagang kumuha ng kasama sa bahay.

Pero sa mga among hindi nagreremit ng kontribusyon ng kanilang katulong, lalo na para sa mga loyal nating kasambahay na tumayong parang pangalawang magulang na ng ating mga anak, paalala lang po, bayaran natin ang kanilang kontribusyon para maenjoy naman nila ang SSS pension pagdating ng edad na 60. Sa oras na hindi natin naihulog ang nararapat sa kanila, maaari silang magreklamo sa SSS at maaaring mademanda ang mga amo. Ang pagbabayad ng buong kontribusyon ng katulong ay may kasama pang penalty sa kada buwang madelay ang paghulog. At kung hindi talaga naireport ang katulong para masakop ng SSS membership o kaya’y di nahulugan bago may mangyaring contingency gaya ng pagkakasakit, pagreretiro o pagkamatay, may kaukulan ding danyos na maipapataw sa employer.

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa pagpaparehistro ng mga kasambahay sa SSS, maaring bumisita sa SSS Bldg., Harrison Road, Baguio City.  Inaanyayahan din ang ating mga readers na magkumento, magtanong o sumulat sa SSS sa pamamagitan ng heraldexpress@yahoo.com o mag-email sa akin sa russmao@yahoo.com.

Behold, as the eyes of servants look to the hand of their master, As the eyes of a maid to the hand of her mistress, So our eyes look to the LORD our God, Until He is gracious to us. Psalm 123:2

Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published.

*

code