Mabuting araw! Qualified po ba ako sa Non-Working Spouse category ng SSS? Nag-aalaga ako ng aking dalawang anak at bedridden na kapatid. Wala akong trabaho sa kasalukuyan pero ang mister ko ay supervisor sa isang restaurant. Buwan buwan siyang kinakaltasan ng kaniyang employer para sa kaniyang SSS contribution. Gusto ko rin po sanang maghulog sa SSS para kahit papano ay may matatanggap din ako pagtanda ko. Pakipaliwanag nga po itong Non-Working Spouse program ninyo. Salamat! – Aida ng Tuba, Benguet.
Ang Non-Working Spouse (NWS) ay isa sa mga membership category ng SSS. Sila ang mga ligal na asawa at walang ibang pinagkakakitaan o negosyo. Subalit, sila ang namamahala sa loob ng bahay at nag-aalaga ng kaniyang mga anak. Nais kong linawin na hindi lang limitado ang NWS membership sa mga kababaihan dahil sa panahong ito may mga kalalakihan na ring maituturing na homemaker.
Para makapasok sa kategoryang ito, dapat ay kasalukuyang nagtatrabaho ang asawa nito at aktibong nagbabayad ng SSS contribution. Ang edad ng NWS ay hindi rin pa dapat lagpas sa 60 taon.
Kung pasok ka sa mga nabanggit na kwalipikasyon Aida, kinakailangan mo nang magrehistro at kumuha ng SS number online. Narito ang link para sa online registration: https://portal.sss.gov.ph/become-an-sss-member/. Para kumpletuhin ang iyong registration, kailangan mong magsumite ng fully filled out na Personal Record Form (SSS Form E1). Kung dati ng may SS Number at nais maging NWS, Member Data Change Request (SSS Form E4) naman ang kailangang fill-outan. Bukod sa mga nabanggit na forms, kailangan ding magsubmit ng Marriage Certificate. Huwag mo ring kakalimutang papirmahan sa iyong asawa ang SSS E1 or E4 Form dahil ito ang pagpapatunay ng kaniyang pagpayag na maging miyembro ka ng SSS.
Ang Monthly Salary Credit (MSC) ng NWS ay base sa kalahati o 50% ng buwanang sahod ng asawa niyang SSS member ngunit hindi dapat mas mababa sa minimum MSC ng NWS na P2,250. Halimbawa, kung ang idineklarang sahod ng asawa ni Aida ay P35,000 kada buwan, ang MSC ni Aida bilang NWS ay ibabase sa 17,500 MSC o P2,275 kada buwan ng kontribusyon. Kung sakaling ang 50% ng idineklarang buwanang sahod ay walang katumbas na anumang MSC base sa contribution schedule, ang susunod na pinakamataas na MSC ang magiging basehan para sa NWS contribution.
Maaari siyang magbayad sa mga tellering facilities ng anumang SSS branches nationwide, o OTC o online payments sa mga partner banks at non-bank collecting partners o sa SSS Mobile App. Narito ang link ng payment channels na accredited ng SSS: https://portal.sss.gov.ph/wp-content/uploads/2022/03/Payment-Channels-March2022.pdf.
Tulad ng mga voluntary at self-employed members, hindi na maaaring bayaran ng NWS ang mga nakalipas ng buwanang kontribusyon dahil prospective lamang ang pagbabayad ng SSS kontribusyon. Sa sitwasyon ni Aida, kung siya ay makokonsiderang NWS member ngayong buwan ng Agosto, maaari niyang bayaran ang kaniyang SSS contribution quarterly mula July hanggang September 2022 o kada semester mula July 2022 hanggang December 2022.
Kagaya ng iba pang SSS members mula sa magkaibang membership category, ang aktibong NWS na regular na nagbabayad ng kontribusyon ay makakatanggap ng iba’t ibang benepisyo sa SSS tulad ng Sickness, Maternity, Disability, Retirement, Death, at Funeral. Maaari ring makapag- avail ng Salary o Calamity Loans. Kung sakaling ang NWS ay naging employed ang SSS membership status at sa di inaasahan ay imboluntaryong natanggal sa trabaho, maaari itong makakuha ng unempoyment benefit. Kailangang tandaan na ang pagtanggap ng benepisyo at pribilehiyo ay base pa rin sa mga qualifying conditions na itinalaga ng SSS.
Kaya naman si Aida at iba pang mga asawa na maaaring qualified na maging NWS, huwag ninyong balewalain ang pagkakataong maging miyembro ng SSS. Ang kontribusyong inyong inihuhulog ay may katumbas na proteksyon hindi lamang sa inyong sarili kundi pati na rin sa inyong pamilyang inaalagan.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. ###