Good day, SSS! Namatay po ang aking kapatid noong January. May pinakasalan po siya pero hindi sila nagka-anak. Ngayon po, yung pinakasalan ng kapatid ko ay medyo malayo ang loob sa pamilya namin. Ngayong namatay ang kapatid ko, kinukuha niya sa amin ang death certificate ng kapatid ko dahil siya raw ang may karapatan na mag-claim sa SSS death benefit. Ayaw pong ibigay ng pamilya namin kasi gusto sana namin na si mama ang maging beneficiary. Kung sakali, magkano po ba ang maaaring matanggap na death benefit? Tulungan niyo po sana kami para mabigyan ito ng linaw. Salamat po! – Greggy, La Union
Mabuting araw sa’yo, Greggy! Nakasaad sa Sec. 8.4 (k) ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 ang tinatawag na order of priority na siyang magiging batayan ng SSS sa pagdedesisyon kung sino ang legal na benepisyaryo ng isang SSS member. Ito ay base rin sa Family Code of the Philippines,
Base sa iyong salaysay, kasal ang kapatid mo. Kahit na malayo ang loob niyo sa kanyang asawa, siya pa rin ang itinuturing na primary beneficiary. Ayon sa batas ng SSS, ang primary beneficiary ay ang ligal na asawa at anak na menor de edad o 21 taong gulang pababa, sila man ay lehitimo, pinalehitimo, ligal na ampon at maging mga anak mula sa pagkadalaga/pagkabinata. Samantala, ang mga anak na may congenital disease na napatunayang na-acquire noong menor de edad pa sila, pati ang mga physically at mentally incapacitated na anak na lagpas 21 taong gulang ay kinikilala rin bilang primary beneficiary.
Kung walang primary beneficiary, saka lamang natin ikokonsidera ang secondary beneficiary. Sila ay ang mga magulang ng namatay na miyembro. Sa katunayan, sila ang itinuturing na benepisyaryo ng mga single na miyembro at walang anak.
Kung halimabawang single ang miyembro at wala na ring mga magulang, kailangan nilang magtalaga ng designated beneficiary. Sila ang mga malalapit na kamag-anak o kaibigan. Ang ika-apat at huli sa order of priority ay ang tinatawag na legal heirs o ang legal na tagapagmana.
Pagdating naman sa halaga ng matatanggap na death benefit, nakadepende kasi ito sa halaga at bilang ng kontribusyon, gayundin ang Credited Years of Service (CYS) ng namatay na miyembro. Kung nakapaghulog ang miyembro ng 36 buwang kontribusyon bago ang semestre ng kanyang pagkamatay, makatatanggap ng death pension ang kanyang beneficiaries. Sa kaso ng ligal na asawa, makatatanggap siya ng panghabambuhay na pensyon hangga’t hindi siya nag-aasawang muli kasal man o hindi.
Makatatanggap din ng dependent’s pension ang mga menor de edad na anak ng namatay na miyembro. Ito ay katumbas ng 10% ng monthly pension o kaya naman P250, alinman ang mas mataas. Ang benepisyong ito ay para lamang sa limang dependent children. Kung sakaling mayroong lehitimo at ilehitimong anak ang namatay na miyembro, mas binibigyang prayoridad ang lehitimong anak.
Kung walang primary beneficiary ang namatay na miyembro, lumpsum naman ang matatanggap ng kanyang secondary, designated o legal heirs.
Para naman sa mga miyembrong namatay ng wala pang 36 buwan ang naihulog na kontribusyon sa SSS, ang kanyang primary, secondary, designated o legal heirs ay makatatanggap ng lump sum benefit.
Ngayon, kung pagbabasehan natin ang order of priority, ang iyong hipag ang primary beneficiary ng death benefit. Kung siya naman ay nagkaroon na ng ibang pamilya o nag-asawang muli, kasal man o hindi, ay hindi na siya kwalipikado bilang primary beneficiary. Maaari na lamang siyang magfile ng death benefit bilang guardian kung sila ay may menor de edad na anak na nasa kanyang pangagalaga.
Ito ang mga panuntunan na sinusunod sa pagbabayad ng death benefit sa mga benepisaryong naiwanan ng namatay na miyembro. Sana ay natugunan namin ang iyong mga katanungan at ikaw ay naliwaganagan.
Magpadala lamang ng email sa –HYPERLINK “mailto:rillortac@sss.gov.ph” —rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.
###