Paano ba magkakaroon ng retirement savings?
“Sana mas maaga akong nagsimulang mag-ipon,” iyan ang madalas kong naririnig sa mga umaattend ng aking talk patungkol sa SSS. Andoon ang kanilang pagsisisi dahil kung ginawa sana nilang “habit” ang pag-iipon, may sapat o may malaki na silang pondo para sa kanilang pagreretiro.
Sa kasamaang palad, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong 2020, mga 80 porsyento o walo sa sampung Pilipino na 60 taong gulang pataas, ay hindi
nakakatanggap ng sapat na pensyon para maitawid nila ang pang-araw araw nilang pangangailangan.
Sa naitalang 7.6 milyong Pilipino na 60 taong gulang pataas, 20 porsyento lang sa kanila ang covered ng Social Security System (SSS) o Government Service Insurance System (GSIS).
Hindi lingid sa karamihan na mahirap talaga ang makapag-ipon, lalong lalo na sa mga manggagawa na hindi sapat ang kanilang kinikita sa pang-araw araw. Kasama pa rito ang mga maling pananaw tungkol sa pag-iipon o pag-iinvest. Mahal daw ang pag-iinvest at para lang daw ito sa mayayaman. Bata pa naman sila at kaya pa nilang kumita ng pera. May ilan sa ating mga kababayan ang kulang sa disiplina pagdating sa paggastos at pangungutang. Ang masama pa nito, may ilan na gumagastos ng higit sa kanilang kinikita.
Kung ipagpapatuloy natin ang nakaugalian at naninindigan tayo sa maling pananaw, patuloy na maghihirap ang ating mga kababayan kapag sila ay nagretiro na at kalaunan ay magsisisi din sila sa huli. Bilang kawani ng gobyerno, masasabi kong ngayon na ang tamang oras para magipon. Hindi ito dapat ipagpabukas o maghintay pang may dumating na bonus para makapagtabi para sa kinabukasan mo. Habang tayo ay bata pa, malakas at kumikita, gawin nating regular habit ang magtabi ng bahagi ng ating suweldo para naman makapag-ipon paunti unti. Napakahalaga ang disiplina at sakripisyo para gawin ang mga ito.
Ang ipinapayo ng ilan sa ating financial planning experts, laging unahin ang pag-iipon. Matutong magbudget ng inyong kinikita kada buwan para maiwasang gumastos ng higit sa inyong kinikita. Iwasan ang mga tukso sa paggastos at gawing prayoridad kung ano lang ang kailangan imbis na luho.
Ang susunod na tanong, saan naman natin ilalagay ang ating inipon? Mayroong mga legit at pinagkakatiwalaang government at private financial institutions kung saan maaaring ipagkatiwala ang ating pondo. Nariyan ang mga bangko at insurance companies na nag-ooffer ng iba’t ibang financial products at services na pasok sa inyong kita.
May ipon din kayo sa SSS and GSIS dahil sa buwanang kontribusyong hinuhulog ninyo. Kaakibat nito ang makabuluhang mga benepisyo gaya ng sickness, maternity, disability, retirement, unemployment, retirement at funeral. Kung mayroon kayong panandaliang pangangailangang pinansyal, maaari rin kayong umutang sa SSS. Sabi rin ng ilang financial planning experts, hindi sapat na umasa lang sa matatanggap na pensyon galing sa gobyerno. Dapat ay maging parte ng ating pension goals na palaguin o iboost ang ating inipong pondo para sa ating pagreretiro. Sa panahon ngayon kung saan maraming lumalabas na mga opurtunidad para palaguhin ang pera, mas maiging tignan at pag-aralan ng husto ang mga ito. Alam ng SSS ang kahalagahan ng bawat pinagpagurang pera kaya naman inaayos at patuloy na sinisiguro nito ang mga investment programs para sa mga miyembro. Abangan sa mga darating na araw kung paano i-boost ang inyong pension sa tulong ng SSS.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.