Taon-taon ay kailangang mag-comply ang ating SSS pensioners sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program upang patuloy silang makatanggap ng buwanang pensyon. Ipinatutupad ng SSS ang ACOP upang masiguro na ang SSS monthly pension ay tinatanggap ng mga nararapat na benepisyaryo nito.
Batay sa SSS Circular No. 2023-013, ang mga uri ng pensyonado na required na magsagawa ng ACOP compliance ay ang mga sumusunod:
- mga retiree pensioner na naninirahan sa Pilipinas na may edad 80 taon pataas;
- mga retiree pensioner na naninirahan sa ibang bansa;
- mga total disability pensioner;
- mga death o survivor pensioner; at
- mga dependent children na nasa ilalim ng guardianship o tagapagalaga.
Sa kabilang dako, ang mga retiree pensioner na naninirahan sa Pilipinas na wala pang 80 taong gulang ay hindi kinakailangan magcomply sa ACOP. Subalit, maaari pa rin silang i-require ng SSS na magcomply sa ACOP sa ilang pagkakataon kung sila ay nakatanggap ng notipikasyon ukol dito mula SSS.
Dagdag pa dito, nakasaad sa ACOP guidelines na kinakailangang magkaroon ng Social Security (SS) number ang surviving spouse-pensioners at dependent children na ang edad ay 18 years old pataas kahit ang dependent children ay nasa ilalim ng guardianship. Maaari silang makakuha ng SS number online. Magtunog lamang sa SSS website, www.sss.gov.ph. Hinihimok din naming sila na magcreate ng kanilang online account sa sa My.SSS Portal para sa online transactions nila sa SSS.
Ang pag-comply sa ACOP ay batay sa schedule na nauukol sa bawat uri ng pensyonado. Para sa mga retiree pensioner na nakatira sa Pilipinas at sa abroad at sa mga total disability pensioner, ang schedule ng kanilang ACOP compliance ay tuwing buwan ng kanilang kapanganakan.
Ang ACOP compliance naman ng mga death o survivor pensioner ay tuwing buwan ng kapanganakan ng namatay na miyembro. Sa mga dependent children na nasa ilalim ng guardianship, ang kanilang schedule at tuwing buwan ng kapanganakan ng miyembro o ng namayapang miyembro.
Para magcomply sa ACOP, ihanda ang mga sumusunod na documentary requirements. Una, idownload ang angkop na SSS ACOP Form sa anumang SSS branch. Ang form ay depende kung para sa Retirement o Permanent Total Disability Pensioner, Surviving Legal Spouse Pensioner o Representative Payee of Dependent (Minor/Incapacitated) Child.
Maliban sa mga ACOP Form, kailangan ring ihanda ang mga pangunahing documentary requirements tulad nang isang primary o dalawang secondary ID card ng pensioner o guardian at opisyal ng medical record ng pensionado kung total disability pensioner para masuportahan ang claim na benepisyo sa pagkabalda.
Kung magsusumite ng ACOP compliance sa pamamagitan ng representative, mail o e-mail, kailangan Samahan ang ACOP form ng chest-level picture ng pensionado hawak ang latest na diyaryo kung saan malinaw na nakikita ang headline at petsa nito, o kaya ay nasa harap siya ng telebisyon na nagpapalabas ng balita na kita rin nang malinaw ang news crawler o ticker at headline.
Kung naka-confine ang pensioner sa isang institusyon tulad nang hospital, retirement home, penitentiary, nursing facility, correctional institute o rehabilitation center, kailangan magsumite ng sertipikasyon na nagpapatunay na nasa institusyon nga ang pensioner.
Maaring mag-comply sa ACOP sa pamamagitan ng personal appearance, sa pamamagitan ng representative, via e-mail, traditional mail o video conferencing.
Pinapayuhan ang lahat na magcomply sa ACOP base sa itinakdang schedule upang maiwasan na masuspinde ang kanilang pension. Ang lahat ng buwanang pension na hindi nakuha mula nang ito ay masuspinde ay matatanggap pa rin naman simula sa buwan ng inyong compliance sa ACOP. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa revised guidelines ng ACOP, basahin ang SSS Circular 2023-013 sa SSS Website https://www.sss.gov.ph/sss/DownloadContent?fileName=CI2023-013.pdf.
Laging tandaan na ACOP ang pangunahing basehan ng SSS kung kwalipikado pa rin bang makatanggap ng buwanang pension ang ating mga retirement, disability, dependent children at survivor spouse spouse-pensioners.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber, hanapin lang ang MYSSSPH.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.