Ngayong buwan ng Marso ay ating ipinagdiriwang ang National Women’s Month o Buwan ng Kababaihan kung saan ating binibigyang pugay ang kanilang kahalagahan at kontribusyon sa ating lipunan. Isa nga ang SSS sa nagsusulong ng kanilang karapatan kaya napapanahon din na ating talakayin ang tungkol sa SSS Maternity Benefit Program.
Ang maternity benefit o benepisyo sa panganganak ay cash allowance na ibinabayad ng SSS sa mga kababaihang miyembro nito para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa kanyang panganganak.
Sa ilalim ng Republic Act 11210 o mas kilala sa Expanded Maternity Leave Law (EMLL) na ipinatupad noong Marso 11, 2019, 105 days na ang paid maternity leave sa isang miyembro ng SSS, maging ito ay normal o caesarian delivery. Samantala, bibigyan naman ng 60 days na paid maternity leave ang mga kababaihan na nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy (ETP).
Bukod sa 105 days, ang mga solo parent ay maaari pang makakuha ng karagdagang 15 days na paid maternity leave.
Paano nga ba maging kwalipikado sa benepisyong ito ang isang miyembro? Una, dapat alamin natin ang semestre ng kaniyang panganganak. Ang semestre ay binubuo ng dalawang magkasunod na quarter o katumbas ng anim na buwan at nagtatapos sa quarter kung saan nakapaloob ang buwan ng panganganak. Kapag alam na natin ang semestre ng kaniyang panganganak, tingnan ang 12-month period matapos ang semestre at alamin kung mayroon siyang hindi bababa sa tatlong buwan hulog sa SSS. Kung mayroon siyang tatlong hulog (o higit pa) sa loob ng nasabing period, qualified siyang makakuha ng sa maternity benefit.
Sunod, alamin ang kaniyang average daily salary credit. Kinukuwenta ang average daily salary credit (ADSC) sa pamamagitan ng pagpili ng anim na pinakamatataas na monthly salary credit (MSC) sa loob ng 12-month period. Kunin ang kabuuang halaga ng anim na MSC na ito at i-divide sa 180 (constant divisor). Anumang halaga na makuwenta dito ay ang kaniyang average daily salary credit.
Panghuli, i-multiply ang average daily salary credit sa 105 kung normal o caesarian delivery o kaya sa 60 kung nakunan o emergency termination of pregnancy upang makuha kung magkano ang maternity benefit na kaniyang matatanggap.
Para sa kaalaman ng ating mga miyembro, ang MSC ay ang batayan ng computation ng mga benepisyo at loan ng isang miyembro ng SSS.
Halimbawa, ang isang miyembro ay nanganak noong Enero 26, 2023 at sumusuweldo ng P20,000 kada buwan. Ang semester of contingency niya ay mula Oktubre 2022 hanggang Marso 2023. Kaya ang 12-month period niya ay simula Oktubre 2021 hanggang Setyembre 2022. Dito pipiliin ang anim na pinakamataas na monthly salary credit. Sa kaniyang nakatalang MSC na P20,000, kukunin natin ang total ng anim na napiling MSC at makukuha natin ang 120,000, matapos nito ay i-divide ang 120,000 sa 180. Ang lalabas na average daily salary credit ay P666.67. Ang P666.67 ay i-mu-multiply sa 105 days, kung normal o caesarian delivery at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P70,000.
Subalit kung nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy, i-multiply ang P666.67 sa 60 at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P40,000.
Siguruhin lamang ng ating mga miyembro na updated ang kanyang kontribusyon sa SSS upang maging kwalipikado sa maternity benefit program. Samantala, wala ng kaukulang limit sa pagdadalang-tao ng ating mga female members simula noong ipatupad ang EMLL.
Dagdag dito, maaari nang i-file ang Maternity Benefit Application online sa pamamagitan ng My.SSS account ng isang miyembro na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph).
***
Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Marso 31, 2023 para sa calendar year 2021.
Samantala, ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship. Kung kasalukuyang naninirahan sa Pilipinas ang isang retirement pensioner, sila naman ay exempted sa ACOP compliance.
***
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System – SSS” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.” Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
***
Makinig sa ating lingguhang programa ang “Usapang SSS” tuwing Lunes, 10:30AM-11:30AM sa DZWT 540 kHz. Mapapanood rin ito sa live FB stream ng “MPBC DZWT Kumpletos Rekados.