Patok ngayon sa ating mga miyembro ang paggamit ng SSS Mobile App. Patunay rito ang higit 7.49 milyong downloads ng nasabing mobile application sa Google Play Store, Apple App Store, at sa Huawei AppGallery. Samantala, higit 22 milyong transaksyon sa SSS Mobile App ang naitala ng aming ahensya sa unang bahagi pa lamang ng 2020. Sa panahon ng pandemya, mapapansin na lubusan nang tinatangkilik ng ating mga miyembro ang mobile application na ito dahil hindi na nila kailangang lumabas ng bahay para pumunta sa SSS branches. Basta’t may mobile phone, internet connection, at nai-download na ang SSS Mobile App ay pwedeng puwede nang makipagtransaksyon sa SSS.
Inilunsad noong 2018 ang SSS Mobile App para makita ng miyembro ang kaniyang contribution at loan records, membership information, at lokasyon ng iba’t-ibang SSS branches sa buong bansa. Maaari rin silang magpasa ng salary loan application at maternity notification, i-check ang status ng kanilang benefit claims, at mag-update ng kanilang contact information tulad ng mobile number at e-mail address.
Pwede na ring makuha ng miyembro ang kaniyang PRN o Payment Reference Number sa SSS Mobile App. Ginagamit kasi ang PRN sa pagbabayad ng kontribusyon para siguradong posted kaagad sa aming system ang ibinayad na kontribusyon. Sa tulong ng PayMaya, pwede na rin magbayad ng kontribusyon ang miyembro gamit ang SSS Mobile App.
Sadyang madali, mabilis, at ligtas gamitin ang SSS Mobile App. Kaya naman hinihikayat namin ang mga miyembro na i-download ito sa kanilang mga smartphones para maranasan niyo ang ginhawang dulot ng makabagong teknolohiya.
===
Noong nakaraang linggo ay nasaksihan ng inyong lingkod ang pagpirma ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng SSS at ng Old Central Multi-Purpose Cooperative ng Sudipen, La Union bilang bagong Partner Agent (PA) ng ahensya.
Bilang isang PA, pinapahintulutan ng SSS ang kooperatiba na mangolekta ng SSS contribution, loan amortizations at iba pang miscellaneous payments mula sa kanilang mga miyembro na miyembro rin ng SSS. Pinapayagan din ang kooperatiba na tanggapin at suriin ang mga registration forms, member loan application forms, funeral claim application forms, at iba pang dokumento na kinakailangan sa pagfa-file ng mga benepisyo sa SSS. Nakapaloob din sa kasunduan na ang kooperatiba ay maaaring magbigay ng Certificate of Fact of Death para sa mga death claim application na isunumite sa kanila.
Ang Old Central Multi-Purpose Cooperative ay ang ika-32 Partner Agent ng SSS dito sa Luzon. Sa mga kooperatiba na nais maging kabalikat ng SSS sa ilalim ng programang ito, bisitahin o tawagan ang pinakamalapit na sangay ng SSS sa inyong lugar para sa karagdagang impormasyon.
Congratulations sa mga namumuno at miyembro ng Old Central Multi-Purpose Cooperative!
===
Kung may paksa o tanong tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph