Sa pagpapatuloy ng ating pagdiriwang ng ika-67th taon ng SSS ngayong buwan ng Setyembre, marapat lamang na pag-usapan natin ang kabuuang mga benepisyo na natatanggap ng mga miyembro ng SSS.
Pitong benepisyo ang nakalaan para sa mga miyembro ng SSS. Ito ay ang Maternity o benepisyo sa panganganak, Sickness o benepisyo sa pagkakasakit, Disability o benepisyo sa pagkabalda, Unemployment o benepisyo sa pagkawalan ng trabaho, Retirement o benepisyo sa pagkakahiwalay sa trabaho o pagreretiro, Death o benepisyo sa pagkamatay, at Funeral o benepisyo sa pagpapalibing. Ito ay mga social security protection na nakasaad sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 kung saan nakabase rin ang mga kondisyon para makatanggap ng mga nasabing benepisyo.
Ang Maternity Benefit ay cash benefit na ibinibigay sa mga babaeng miyembro na nanganak o nakunan. Upang ma-qualify sa benepisyong ito, dapat ay hindi bababa sa tatlong buwan ang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng panganganak. Halimbawa, kung nanganak ang miyembro ngayong buwan ng September 2024, kinakailangang may hindi bababa sa 3 buwang hulog mula April 2023 hanggang March 2024.
Ang halaga ng Maternity Benefit ay katumbas ng Average Daily Salary Credit o ADSC ng miyembro. Ang ADSC ay makukuha sa pamamagitan ng pagkuha ng Average Monthly Salary Credit nung tatlong buwang hulog sa loob ng 12 months, at i-divide ito sa 180. Ang lalabas na halaga ay i-multiply sa 60 araw kung miscarriage o emergency termination of pregnancy; 105 days kung live childbirth (mapa normal man o Ceasarian) o 120 days kung solo parent sa ilalim ng RA 8972 o Solo Parents’ Welfare Act of 2000.
Dapat tandaan na ang Maternity Benefit ng mga employed members ay ina-advance ng mga employers. Kaya importante ang Maternity Notification na siyang isinusumite ng employed member sa kaniyang employer sa panahon na nalaman niyang siya ay nagdadalang tao na. Online ang Maternity Notification. Kung Self-employed o Voluntary member naman, direkta na nilang ipapasa ang aplikasyon sa kanilang My.SSS account. Ihanda lamang ang mga dokumento na kailangan i-upload.
Ang Sickness Benefit ay cash allowance na ibinibigay sa mga miyembrong hindi nakapagtrabaho dahil sa pagkakasakit o natamong pinsala sa katawan. Makatanggap ng Sickness Benefit ang miyembro kung nasunod ang mga qualifying conditions. Una, ang miyembro ay hindi dapat nakapagtrabaho dahil sa sakit o injury at na-confine sa ospital o sa bahay nang hindi bababa sa apat na araw. Ikalawa, hindi dapat bababa sa tatlong buwang hulog na kontribusyon ng miyembro sa loob ng 12-month period bago ang semester ng pagkakasakit o injury. Ikatlo, kung employed ang member, dapat ay nagamit na niya lahat ng kanyang current company sick leave with pay. Ika-apat, dapat ay nakapagbigay ng Sickness Notification ang miyembro sa kanyang employer, kung siya ay employed member. Tulad nang sa Maternity Benefit, ia-advance muna ng employer ang benepisyo sa kanyang empleyado saka ito magpapasa ng Sickness Benefit Reimbursement Application sa kanilang My.SSS Employer account. Bago ito gawin ng employer, ang employee ay dapat makapagsumite ng kanyang Sickness Notification sa loob ng limang araw ng kanilang pagkakasakit. Kung hindi nila ito nagawa sa takdang panahon, makaka-apekto ito sa compensable days ng empleyado o yung araw na babayaran ng SSS. At tulad din ng Maternity Benefit, ang mga Self-employed o Voluntary member ay direkta ng magpapasa ng aplikasyon sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account.
Ang SSS Disability Benefit ay cash benefit na para sa mga miyembrong may anumang kawalan o kakulangan ng kakayahang gampanan ang isang gawain, sanhi ng pinsala o impairment, sa paraang angkop sa isang indibidwal. May dalawang uri ang SSS Disability – ito ay ang Permanent Partial Disability at Permanent Total Disability. Ang Permanent Partial Disability ay ang bahagya at permanenteng pagkawala ng kakayahang gamitin o lubusang pagkawala ng alinmang bahagi ng katawan. Samantala, ang Permanent Total Disability namang ay ang ganap o permanenteng pagkabalda ng miyembro tulad ng pagkabulag ng dalawang mata, pagkaputol ng dalawang braso o dalawang binti, permanente at ganap na pagkaparalisa ng dalawang braso o dalawang binti at o pagkapinsala ng utak na naging sanhi ng pagkasira ng pag-iisip.
Ang Unemployment Benefit ay cash allowance na ibinibigay sa mga employed, Overseas Filipino Workers (OFWs), pati na rin sa mga kasambahay na inboluntaryong natanggal sa trabaho. Halimbawa nito ay retrenchment, redundancy ng posisyon sa trabaho, downsizing ng mga empleyado, paghinto ng operasyon ng kumpanya dahil sa pandemya, pagkalugi, kalamidad o ano pa mang natural na dahilan.
Ang Retirement Benefit ay para naman sa mga miyembrong at least 60 years old, huminto na sa pagta-trabaho o sa pagiging self-employed o 65 years old pataas, may trabaho man o self-employed. Maliban na lamang sa mga minero at hinete na mas mababa ang retirement age. Ang optional at technical retirement age ng underground at surface miners ay 50 at 60 years old. Samantala, ang technical retirement ng mga hinete ay 55 years old at ang miyembro ay dapat mayroong 120 monthly contributions bago ang semester ng kanyang retirement, kahit hindi sunod-sunod.
Ang Death Benefit ay cash benefit na ibinibigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng isang yumaong SSS member samantalang ang Funeral Benefit ay para naman sa kung sino ang gumastos sa pagpapalibing sa namatay na SSS member.
Bilang bahagi ng digitalization efforts ng SSS, lahat ng aplikasyon ng nabanggit na benepisyo ay sa pamamagitan ng online. Mas mabilis, mas madali at mas ligtas na transaksyon ang sinisigurado ng SSS para sa mga miyembro sa tuwing sila ay magfa-file ng anumang benepisyo.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.