Isang maligaya at masaganang bagong taon mula sa SSS! Nawa’y patuloy kaming makapaghatid ng mas marami pang magagandang balita at dekalidad na serbisyo ngayong 2020 sa mga miyembro ng SSS. Taos puso kaming nagpapasalamat dahil sa ipinakita ninyong suporta sa ating column. Muli, sa mga nagpadala ng kanilang mga katanungan sa aking e-mail, salamat sa inyong pagtangkilik at nawa’y nabigyan kayo ng karagdagang kaalaman tungkol sa inyong SSS. Ngayong 2020, inaanyayahan ko ang ating mga tagasubaybay na patuloy na suportahan ang column para sa inyong dagdag kaalaman hinggil sa mga bagong impormasyon at programa sa SSS.
====
Pag-usapan natin ngayon ang hinggil sa Voluntary Coverage Program. Marami pa rin ang nagtatanong lalo na ang mga dating SSS members na lumipat na sa government service kung ano ang mangyayari sa kanilang SSS contributions. Isa rito ang aking kaibigan na si Fred. Mahigit anim na taon siyang nagtrabaho sa isang BPO company dito sa Baguio bilang call center agent. Sa katapusan ng Enero, magsisimula na si Fred sa bago niyang trabaho bilang Administrative Assistant sa isang government agency dito sa lungsod. Ang tanong niya sa akin, sa mahigit anim na taon niyang paghuhulog ng kontribusyon sa SSS, ano ang kailangan niyang gawin upang maipagpatuloy ito gayong siya ay magiging miyembro na ng Government Service Insurance System (GSIS)?
Bilang tugon sa kanyang katanungan, hinikayat ko siyang ipagpatuloy ang kanyang SSS membership bilang Voluntary member. Sa ilalim ng Voluntary membership, ang mga katulad ni Fred na dati ay nasa pribadong sector at lilipat na sa government sector, ay maaari pa ring magpatuloy sa pagbabayad ng kanilang SSS contributions. Kapag umabot na sa optional retirement sa edad na 60 o mandatory age of retirement na 65, nakapaghulog hindi bababa sa 120 months ang kontribusyon sa SSS, dalawa ang kanyang inaasahang matatanggap na pensyon- mula sa SSS at isa ay galing sa GSIS.
Ang nanay naman ni Fred, si Aling Carmen, ay matagal nang may puwesto sa palengke at nagtitinda ng karne ng baboy. Sa katunayan, ito ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya. Sa edad na 62, nag-apply si Aling Carmen ng SSS Retirement Benefit nitong unang linggo ng Enero. Nakarehistro siya bilang self-employed member at matiyaga niyang binayaran ang buwanang kontribusyon habang kumikita sa kanyang negosyo. Tatlong beses ding nagamit ni Aling Carmen ang kanyang maternity benefit, limang beses nakapag-avail ng salary loan, at minsan na ring nakapag-avail ng sickness benefit. Batay sa computation ng kanyang buwanang pensiyon, tatanggap siya ng halos P6,000.00 kada buwan. Pinayuhan ko si Aling Carmen na kailangan niyang i-divest o ilipat ang pangalan ng kanyang negosyo sa kanyang mga anak. Batay kasi sa batas ng SSS, ang Self-Employed member na mag-a-apply ng Retirement Pension ay kailangang hiwalay na sa trabaho o wala nang pinagkakakitaan.
Tunay ngang kabalikat ng bawat pamilya ang SSS. Kaya’t hinihikayat namin ang lahat ng mga negosyante na huwag kalimutang magbayad ng inyong SSS contributions. Sa mga government employees naman na dating nasa pribadong sector, maaari ninyong ipagpatuloy ang inyong SSS membership. Alamin sa pinakamalapit na SSS branch kung magkano ang maaari ninyong ihulog bilang monthly contribution. Pitong benepisyo at loan privileges ang naghihintay sa inyo bilang voluntary members ng SSS. Ito ay ang Sickness, Maternity, Disability Benefit, Unemployment. Retirement, at Funeral/Death Benefit. Kwalipikado rin sila sa mga loans tulad ng Salary, Calamity, Educational Assistance, Direct House Repair and Improvement Loan at marami pang iba. Sulit na sulit talaga!
====
Inaanyayahan natin ang ating mga Retiree pensioners hinggil sa SSS Pension Loan Program para sa kanilang panandaliang pangangailangang pinansyal. Makakahiram kayo hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang (2) taon. Magsadya lamang sa pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar para sa inyong mga aplikasyon.
====
Kamakailan lamang ay binuksan din ng SSS ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng bagyong Tisoy lalo na sa Bicol Region.Maaari na silang mag-apply sa lahat ng SSS Branches na pinakamalapit sa kanilang lugar simula December 20, 2019 hanggang March 19, 2020. Ito ay may tatlong kategorya: Calamity Loan Program, Three-months advance pension at ang Direct House Repair at Improvement Loan Program na tatagal naman ng isang taon. Ang CAP ay tulong ng Social Security System para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng naturang bagyo sa mga lugar na idineklarang calamity areas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
====
Tandaan po natin na mataas ang benepisyong matatanggap ng miyembro kung mas mataas din ang halaga ng kanilang inihuhulog na kontribusyon. Ang hulog sa SSS ay ating pag-iipon para sa ating sarili at sa ating pamilya. Higit sa lahat, protektado tayo sa anumang oras na may harapin gtayong pagkakasakit o aksidente. Patunay dito ang kuwento ni Aling Carmen dahil ang bawat kontribusyon na kanyang hinulog ay talaga namang sulit na sulit sa oras ng kanyang pagreretiro.
====
Magpadala lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang aking tanggapan ay matatagpuan sa 2/F, SSS Baguio Branch, SSS Bldg., Harrison Road, Baguio City.