Isa sa pinakamalungkot na mangyayari sa buhay ng isang manggagawang Pilipino ay ang mawalan siya ng trabaho higit lalo sa mga pamilyado na kung saan napakabigat ng kanilang responsibilidad upang tustusan ang gastos ng kanyang pamilya lalo na ang mga anak na kasalukuyang nag-aaral.
Sa mga employers naman na may-ari ng isang kumpanya, isang napalaking kawalan naman kung ang kanilang negosyo ay malugi at tuluyang magsara.
Sa panahong ito, ang SSS ay katuwang natin sa oras ng ating pangangailangan sapagkat simula Marso 5, 2019 sa pagkakaapruba ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 ay nagbigay ang SSS ng pinakabagong benepisyo nito ang Unemployment Insurance Benefit bilang tulong sa ating mga manggagawa sa pribadong sektor na inboluntaryong nahiwalay sa kanilang trabaho.
Katulad ng mayayamang bansa sa Europa na nagpapatupad ng ganitong uri ng benepisyo, isa itong milestone para sa Social Security System (SSS) na makapagbigay ng ganitong benepisyo sa mga kadahilanan tulad ng mga sumusunod: paglalagay ng labor-saving devices ng kumpanya, redundancy, retrenchment, pagsasara o pagtigil ng operasyon ng kumpanya, at pagkakaroon ng sakit o karamdaman na hindi na pinahihintulutan ng batas na makapagtrabaho pa. Gayundin, ang pagkakatanggal sa trabaho bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya, pagtama ng kalamidad at iba pang kahalintulad na kadahilanan na maaaring tukuyin ng SSS at Department of Labor and Employment.
Ang Unemployment Benefit ay ang ikapitong benepisyo ng SSS kabilang ang benepisyo sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing o pagkamatay. Ito ay cash allowance na ibinibigay katumbas ng kalahati ng kanilang average monthly salary credit (MSC) sa loob ng dalawang buwan. Isang beses lamang kada tatlong taon maaaring mag-apply sa benepisyong ito. Kung sakaling magkaroon ng magkasabay na dalawa o higit pa na pagkawala sa trabaho sa parehong panahon, ang pinakamataas na benepisyo lamang ang babayaran ng SSS.
Upang ma-qualify sa benepisyong ito, kinakailangan na ang miyembro ay hindi hihigit sa 60 taong gulang. Para naman sa underground at surface mineworkers, hindi dapat higit sa 50 taong gulang at 55 taong gulang naman sa mga racehorse jockeys. Dapat ay nakapagbayad din ng hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon kung saan ang 12 kontribusyon ay naibayad sa loob ng 18 buwan bago ang buwan na siya ay nawalan ng trabaho.
Halimbawa, ang isang miyembro na naghuhulog sa P16,000 na monthly salary credit kada buwan, ang kalahati ng kanyang MSCay P8,000. Sa loob ng dalawang buwan ay makakatanggap siya ng P16,000 (P8,000 x 2).
Sa datos ng SSS Luzon North 1 Division, 257 empleyado ang nakatanggap na ng unemployment benefit na umabot sa kabuuang P2.9 milyon mula Agosto hanggang Disyembre 2019. Ang SSS Baguio Branch naman ang may pinakamataas na bilang ng miyembrong nabiyayaan ng naturang programa. Karamihan sa kanila ay mga manggagawa mula sa mga nagsarang minahan sa Benguet Province.
Samantala, hindi naman tatanggapin ang aplikasyon kung ang kaso ng pagkakahiwalay sa trabaho ay dahil sa serious misconduct, willful disobedience to lawful orders, gross at habitual neglect of duties, fraud or will breach of trust/loss of confidence, commission of a crime or offense at iba pang rason tulad ng abandonment, gross inefficiency, disloyalty, conflict of interest at dishonesty.
.
Sa mga kwalipikadong miyembro, maaaring mag-file sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar dito sa Pilipinas. May prescriptive period ito na kailangang mai-file lamang sa loob ng isang taon mula sa petsa ng pagkawala ng kanyang trabaho. Kinakailangang magpasa ng orihinal at photocopy ng dalawang (2) valid IDs, sertipikasyon na magpapatunay ng dahilan at araw ng pagkatanggal sa trabaho mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) o regional offices nito, kung OFW ang miyembro. Kalakip din ng sertipikasyon ang Notice of Termination mula sa Employer o Affidavit of Termination of Employment.
Mula sa ating inbox:
Good pm po. Ako po ay isang OFW dito sa Alkhobar, KSA. Pwede po ba akong mag-loan kahit hindi pa ako nagbabayad ng aking SSS contributions? – Jennilyn Panilagan
Mabuting araw sa’yo, Jennilyn,
Ang salary loan ay isang pribilehiyo ng bawat SSS member, employed, voluntary, self-employed o Overseas Filipino Worker (OFW) man. Upang ma-qualify sa programang ito, kinakailangan na ikaw ay may 36 buwang kontribusyon kung saan anim dito ay nakatala sa record ng miyembro sa loob ng labindalawang buwan bago ang filing ng iyong salary loan application.
Magandang balita naman sa mga OFWs na katulad mo dahil ang iyong kontribusyon para sa buong taon ng 2020 ay maaari mo ng bayaran kahit anumang buwan. Kinakailangan lamang na ikaw ay nakarehistro sa My.SSS Facility para sa generation ng iyong Payment Reference Number (PRN) na kinakailangan sa pagbabayad ng iyong mga kontribusyon sa SSS.
Maaari mo pang habulin ang pagbabayad ng iyong October-December 2019 na kontribusyon hanggang January 31, 2020. Samantala, may opisina din ang SSS sa Al Khobar na matatagpuan sa Philippine Overseas Labor Office (POLO), G/F, Gulf Center Building para sa mga karagdagang detalye ng iyong membership.
====
Magpadala lamang ng-email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang aking tanggapan ay matatagpuan sa 2/F, SSS Baguio Branch, SSS Bldg., Harrison Road, Baguio City.