Dear SSS,
Ako po si Conrado, 62 taong gulang at residente dito sa Baguio City. Ako po ay nagsimulang tumanggap ng SSS Pension noon lamang October 2023. Ngayong darating ng Agosto po ay ang aking ika 63rd birthday. May nabanggit po ang aking kapatid tungkol sa ACOP. Ano po ito at kailangan ko daw po mag-comply para dito? Salamat po.
Magandang araw sayo Ginoong Conrado. Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan ngayon. Salamat po sa inyong katanungan. Tiyak ko na marami ring mga nagbabasa ng ating kolumn ang may kaparehas ring katanungan.
Taon-taon, ang mga SSS pensioners ay kailangang magreport sa pinakamalapit na sangay ng SSS para matiyak ang patuloy na pagtanggap ng kanilang buwanang pension. Ito ang Annual Confirmation of Pensioners o mas pina-ikli sa tawag na ACOP program. Ito ay isa ring paraan upang masiguro na ang SSS pension ay napupunta sa karapatdapat na tumanggap nito.
Noong March 2024, base sa inilabas na bagong guidelines, inilatag ng SSS kung sinu-sino ang sakop ng ACOP compliance: Sila ay mga retiree pensioners na naninirahan dito sa bansa na may edad 80 taon gulang pataas; retiree pensioners na naninirahan sa ibang bansa; total disability pensioners; death o survivor pensioners; at dependent children sa ilalim ng guardianship.
Ang retiree pensioners na naninirahan sa Pilipinas na wala pang 80 taong gulang ay hindi kailangang magcomply sa ACOP. Subalit, maaari pa ring i-require na magcomply sa ilang pagkakataon at kung may natanggap na notipikasyon mula SSS.
Kasama sa bagong guidelines ay ang pagkakaroon dapat ng Social Security (SS) Number ang surviving spouse-pensioners at dependent children nasa ilalim ng guardianshi. Mandatory silang kukuha ng SS number bilang pensioner. Tandaan po na ang pagkuha ng SS number ay sa pamamagitan na ng online o sa sss.gov.ph.
Kailan ang compliance sa ACOP? Ang ACOP compliance ng retiree at total disability pensioners ay tuwing sa buwan ng kanilang kapanganakan. Samantala, ang mga death survivor pensioner at dependent children na nasa ilalim ng guardianship ay tuwing sa buwan ng kapanganakan ng namatay na pensioner ang kanilang ACOP compliance.
Maraming paraan para mag-comply sa ACOP. Maaaring personal appearance o visual confirmation na ginagawa sa pamamagitan ng personal na pagbisita sa SSS branch o sa pamamagitan ng video conferencing. Maaari ring sa pamamagitan ng pagpapadala sa koreo o email ng mga dokumentong nagpapatunay na buhay pa ang pensioner, o iba pang pamamaraan na pinahihintulutan ng SSS tulad nang pagsumite ng ACOP form ng otorisadong representative ng piling bangko. Pwede rin ang domiciliary visit o pagpunta ng SSS personnel sa bahay ng pensioner kung walang kakayahan ang pensioner na gawin ang mga nabanggit na paraan.
Kung pipiliin ang opsyon na personal appearance, kailangang isumite ng pensioner, guardian at dependent children sa alin mang SSS branch ang ACOP Form (Pensioner’s Reply), kopya ng medical document para sa mga total disability pensioners, at magpakita ng isang primary ID o dalawang secondary ID. Kung video conferencing naman ang gustong pamamaraan, kontakin ang SSS branch sa pamamagitan ng email at magset ng appointment. Ang interview ay gagawin sa SSS-prescribed platform na Microsoft (MS) Teams. Ihanda ang supporting documents sakaling hingin ng branch sa oras ng video conference.
Kung magpapadala na lamang ng dokumento sa pamamagitan ng koreo o email, siguraduhing kumpleto ang mga dokumento tulad ng ACOP Form, photocopy ng isang primary o dalawang secondary ID, chest level na litrato ng pensioner na may hawak na diyaryo na malinaw ang petsa, pangalan ng pahayagan at headline. Kung walang available na diyaryo, maaaring tumabi sa TV na may ongoing na programa at kita ang headline at petsa. Kung total disability pensioner, isama din sa supporting documents ang latest medical records.
Pinapayuhan ang lahat na magcomply sa ACOP base sa itinakdang schedule upang maiwasan na masuspinde ang kanilang pension. Ang lahat ng buwanang pension na hindi nakuha mula nang ito ay masuspinde ay matatanggap pa rin naman simula sa buwan ng inyong compliance sa ACOP. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa revised guidelines ng ACOP, basahin ang SSS Circular 2023-013 sa SSS Website https://www.sss.gov.ph/sss/DownloadContent?fileName=CI2023-013.pdf.
Laging tandaan na ACOP ang pangunahing basehan ng SSS kung kwalipikado pa rin bang makatanggap ng buwanang pension ang ating mga retirement, disability, dependent children at survivor spouse spouse-pensioners.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.