Magandang araw, SSS!
Nais ko lang po sanang mag-inquire tungkol sa Unemployment Benefit. Nagsara kasi ang pinapasukan kong canteen dahil nalugi ito. Baka po qualified ako sa benefit na ito. SSS member po ako since 2011. Salamat! – Rebecca
Mabuting araw sa’yo, Rebecca. Ang SSS Unemployment Benefit ay cash allowance na ibinibigay sa mga employed members tulad mo, mga Sea-based Overseas Filipino Workers (OFWs), pati na rin mga kasambahay na imboluntaryong natanggal sa trabaho. Ang keyword dito ay inboluntaryong natanggal ng trabaho, o sa madaling salita – hindi kagustuhan ng miyembro na mahiwalay siya sa trabaho. Ilan sa mga rason ng imboluntaryong pagkakahiwalay sa trabaho ay retrenchments, redundancy ng posisyon sa trabaho, downsizing ng mga empleyado, paghinto ng operasyon ng kumpanya dahil sa pandemya, kalamidad o katulad ng nangyari sa iyong pinapasukang canteen, ang pagkakalugi nila sa negosyo.
Para mag-qualify sa benepisyong ito, kinakailangan ang apat na kondisyon.
Una, hindi dapat hihigit sa 60 taong gulang ang edad ng miyembro nung siya ay mawalan nang trabaho. Sa underground o surface mineworker, higit sa 50 taong gulang. Sa isang racehorse jockey o hinete naman, dapat ay 55 taong gulang siya o pababa.
Pangalawa, tinitignan ang bilang ng kontributsyon. Dapat may 36 monthly contributions man lang ang miyembro, kung saan ang 12 months dito ay nai-post sa loob ng 18 months bago ang buwan ng inboluntaryong pagkakahiwalay sa trabaho. Halimbawa, kung ngayong buwan ng January 2025 nahiwalay sa trabaho ang miyembro, dapat ay may naitala ng 36 monthly contributions ang miyembo. Bukod pa rito, kinakailangang may 12 months na posted contribution ang miyembro sa pagitan ng July 2023 hanggang December 2024.
Ikatlo, dapat ay wala pang settled na unemployment benefit ang miyembro sa loob ng tatlong taon bago ang date ng kanyang pagkakahiwalay sa trabaho.
Panghuli, ang dahilan ng pagkakahiwalay sa trabaho ay imboluntaryo. Hindi ito aplikable sa employed members na nag-resign sa trabaho o nahiwalay sa trabaho dahil kinasuhan ng kumpanya o employer ng serious misconduct, willfull disobedience to lawful orders, gross at habitual neglect of duties, fraud at willful breach ng trust o loss of confidence, pagsasagawa ng krimen o offense, at iba pang kahalintulad na kaso gaya ng abandonment, gross inefficiency, disloyalty, conflict of interest at dishonesty.
Katulad ng iba pang mga benefit application, online na rin o sa pamamagitan ng My.SSS account ang pagsusumite ng aplikasyon para sa Unemployment Benefit. Ibig sabihin nito, dapat ay may sariling account sa My.SSS Member Portal ang miyembro at may nakarehistrong disbursement account bago makapagpasa ng aplikasyon online.
Alinsunod sa inilabas na SSS Circular No. 2023-012, dapat i-confirm ng certifying employer gamit ang kanilang account sa My.SSS Employer Portal ang petsa at rason ng inboluntaryong pagkakahiwalay sa trabaho. Ito ay dapat gawin sa loob ng seven calendar days mula nang ipadala ng SSS ang notification sa kanilang email o inbox.
Pagkatapos ng online certification ng employer, ang final step sa aplikasyon ng miyembro ay ang pag-aaply ng Electronic Certification of Involuntary Separation sa Department of Labor and Employment (DOLE). Sila ang magpoproseso nito gamit ang claim information na kinolekta at kinumprima ng SSS. Hihintayin na lamang matapos ang validation ng DOLE para i-credit ng SSS ang unemployment benefit sa rehistradong disbursement account ng miyembro.
Ang halaga ng Unemployment Benefit ay katumbas ng dalawang buwan na 50% ng Average Monthly Salary Credit (AMSC). Halimbawa, kung ang isang miyembro ay may AMSC na P20,000, makakatanggap siya ng Unemployment Benefit na nagkakahalaga ng P20,000 para sa dalawang buwan.
Isang beses lamang maaaring i-claim sa loob ng tatlong taon ang unemployment benefit. Subalit, binibigyan ng isang taong palugit ang isang miyembro para i-file ang aplikasyon.
Nawa’y naging malinaw sa iyo, Rebecca ang tungkol sa SSS Unemployment Benefit. Sabihan mo na rin ang iyong mga kasamahan sa canteen na natanggal din sa trabaho para makapg-file ng benepisyong ito.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.