Noong nakaraang kolumn, napag-usapan natin ang tungkol sa mga qualifying conditions upang makapag-claim ng SSS Death Benefit at order of priority pagdating sa mga benepisyaryo ng yumaong SSS member. Ngayon, pag-uusapan naman natin ang proseso ng pagsusumite ng SSS Death Benefit Claim.
Kung ang claimant ay dependent legal spouse at isang SSS member. maaari na niyang isumite ang kanyang application online. Siguraduhin na may sariling My.SSS account ang legal spouse at may aprubadong bank account sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module (DAEM). I-click ang “Benefits” at piliin ang “Apply for Death Benefits.” Ilagay lamang ang mga kinakailangang impormasyon sa aplikasyon.
Para naman sa mga claimant na legal spouse pero hindi SSS member o kaya naman ang claimant ay hindi dependent legal spouse, i-file lamang ang aplikasyon sa alin mang sangay ng SSS. Ang mga primary documents na kailangang isumite ay ang SSS Death Claim application form na downloadable sa SSS Website www.sss.gov.ph, death certificate, ID ng namatay na miyembro, ID ng claimant, at proof of account nito. Ang proof of account ay maaaring photocopy ng ATM o passbook ng claimant na naglalaman ng kanyang savings account number.
May mga pagkakataon na humihingi ang SSS ng mga karagdagang dokumento tulad ng marriage certificate bilang patunay ng pagiging dependent legal spouse ng claimant, birth certificate ng namatay na miyembro para maipakita ang pangalan ng mga magulang nito bilang secondary beneficiary o kaya naman ang birth certificate ng dependent minor children para makatanggap sila ng dependent’s allowance. Minsan ay humihingi rin ng SSS ng kopya ng birth certificate para i-verify kung tama ang pangalan at date of birth ng namatay na miyembro, pati na rin affidavits o legal certificates para masiguro ng SSS na lehitimong benepisyaryo ang makakatanggap ng benepisyo.
Dahil dito, pinapayuhan namin ang lahat ng claimants na siguruhing tama at updated ang bawat detalyeng ng mga ipinasang dokumento sa SSS para hindi maantala ang pagpoproseso ng kanilang claim. Minsan kasi ay hindi naaaprubahan ang death benefit claims dahil hindi nagtutugma ang mga detalye ng namatay na miyembro sa isinumiteng dokumento at rekords sa SSS tulad ng pangalan ng yumaong miyembro at araw ng kanyang kapanganakan/pagkamatay. Maliban riyan, nagiging problema din ang mga detalye ng claimant na nagiging sanhi rin ng pagkakaantala ng pagpoproseso ng claim.
Maliban sa mga ipinasang dokumento ng claimants, nagsasagawa din ang SSS ng Field Investigation para idouble-check kung nagtutugma ba ang impormasyong ibinigay ng claimant at makumpirma ang pagkamatay ng miyembro.
Muling pinapaalalahanan ng SSS ang claimants na magfa-file ng death benefit na siguraduhing kumpleto ang mga dokumentong dadalhin sa branch upang hindi maaantala ang pagpoproseso ng kanilang claim. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa SSS Death benefit at proseso ng online filing, i-click lamang ang mga sumusunod na link https://bit.ly/3DRRY6r at https://bit.ly/3FzSF5A.
Pinapayuhan rin natin ang ating mga members at claimants na huwag magtiwala sa mga nag-aalok ng online assistance dahil maaaring makompromiso ang inyong record at maging biktima kayo ng fraud. Magtransact lamang sa ating mga SSS branches o kaya’y sa pamamagitan ng inyong My.SSS account.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.