Naglabas ang SSS ng bagong panuntunan sa aplikasyon ng short term loans tulad ng Salary at Calamity. Ayon sa bagong guidelines, lahat ng individually paying members tulad ng Self-Employed, Voluntary, Non-Working Spouse at land-based OFW ay kinakailangang may anim na buwang kontribusyon sa ilalim ng bagong coverage o membership type bago ang buwan ng pag-apply ng loan.
Halimbawa, kung ikaw ay nagresign sa trabaho at nagpalit ng membership type sa SSS mula employed to voluntary member ngayong buwan ng Agosto, ikaw ay maaaring mag-file ng Salary Loan o anumang loan sa February 2023, basta’t regular ang paghuhulog mo ng iyong kontribusyon. Kailangan na may hulog muna ang miyembro sa kaniyang bagong membership type mula August 2022 hanggang January 2023.
Bukod sa nabanggit na bagong panuntunan sa contribution requirement, dapat ay may kabuuang 36 months contribution ang miyembro, anim rito ay dapat naihulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon.
***
Sa mga nais mag-file ng Salary Loan, kinakailangang may sarili silang My.SSS account dahil online na ang aplikasyon nito. Dapat ay may naka-enrol ding bank account na accredited ng PesoNet sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM).
Hindi pa dapat tumatanggap ng anumang final claim sa SSS ang aplikante tulad ng retirement, death, at funeral; wala pa sa edad 65 taong gulang sa panahon na nag-apply ng Salary Loan; at hindi nadiskwalipika sa SSS dahil sa panloloko o panlilinlang para mag-qualify sa salary loan.
***
Parehas naman ang contribution requirement ng Calamity at Salary Loan. Ang pagkakaiba lamang nito ay kailangang kasama sa idineklarang nasa state of calamity ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang lugar ng tinitirhan o pinagtatrabahuan ng miyembro dahil sa mga sakuna tulad ng bagyo, lindol, armed conflict o gyera, at pandemya.
Sa nakaraang lindol dito sa Northern Luzon, hinihintay pa ng SSS ang deklarasyon ng NDRRMC bago ilabas ang Calamity Loan Assistance Program o CLAP. Sa kasalukuyan, tanging provincial resolution ng lalawigan ng Abra pa lamang ang naisapubliko. Nauna nang sinabi ng SSS na nakahanda itong maglabas ng panuntunan ng CLAP sa oras na ideklara ng NDRRMC na State of Calamity ang mga nasalantang lugar.
Para sa iba pang impormasyon para sa Salary Loan at Calamity Loan, hanapin ang kopya ng ating kolum noong July 3, 2022 o i-click ang link ng online copy https://www.baguioheraldexpressonline.com/sss-salary-loan-at-calamity-loan/ o mula sa ating opisyal na website: https://portal.sss.gov.ph/salary-loan/ at https://portal.sss.gov.ph/calamity-loan/
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.