Nagsimula na naman ang tag-ulan. Kasabay nito ay ang posibleng pagtaas ng kaso ng mga nagkakasakit lalo na ang mga manggagawang araw araw pumapasok sa trabaho. Exposed kasi sila sa pabago-bagong panahon, polusyon at ilang indibidwal na may iniinda na ring nakakahawang sakit. Dahil dito, kinakailangan ng ating manggagawa na lumiban sa pagtatrabaho upang magpagaling.
Sa panahon ng pagkakasakit, nakahandang umalalay ang SSS. May cash benefit na ibinibigay sa mga miyembrong hindi nakapagtrabaho dahil sa natamong pagkakasakit o pinsala. Hindi lang employed member ang qualified sa SSS Sickness Benefit. Maging ang mga self-employed, voluntary, Overseas Filipino Worker (OFW), at non-working spouse ay maaari ring makapag-avail ng sickness benefit basta’t masunod ang mga qualifying condition.
Una, hindi dapat nakapagtrabaho ng apat na araw o higit pa ang miyembro dahil sa sakit o pinsala at naconfine sa ospital o nagpahinga sa bahay. Pangalawa, kung employed member, dapat ay na-consume o naubos na ang lahat ng company sick leave with pay nito. Pangatlo, dapat ay may hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit. Halimbawa, nagkasakit ka ngayong buwan. Dahil ang Hulyo 2024 ay kabilang sa semestre ng iyong pagkakasakit (Abril 2024-Setyember 2024), dapat ay hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon ang nakatala sa iyong records mula Abril 2023 hanggang Marso 2024.
Pangapat, kung ang miyembro ay employed, kinakailangan i-notify ang kaniyang employer tungkol sa kaniyang pagkakasakit gamit ang sarili niyang My.SSS account. Kung self-employed, voluntary, OFW o non-working spouse, diretcho nang ipapasa ang aplikasyon sa My.SSS account. Online na ang pagpapasa ng aplikasyon kaya mahalaga na ang isang miyembro ay mayroong My.SSS account. Ihanda lamang ang medical certificate at iba pang supporting documents para i-upload.
Ang halaga ng sickness benefit ay katumbas ng 90 porsyento ng Average Daily Salary Credit (ADSC) ng miyembro. Dapat ding malaman ng mga miyembro na ang Monthly Salary Credit o MSC ay isa sa mga batayan sa pag-compute ng kanilang Sickness Benefit. Ang MSC ay ang compensation base para sa kontribusyon at mga benepisyo na batay sa buwanang kita ng isang SSS member. Simula January 2023, ang maximum MSC ay P30,000 mula sa dating maximum MSC na P20,000.00.
Sa paglalarawan ng Sickness Benefit, gamitin natin ang kaso ng isang miyembrong pangalanan nating Alice. Nagkasakit siya at naospital ng 10 araw. Subalit, dahil may limang araw siyang company sick leave with pay, limang araw na lamang ang compensable period o babayaran sa kaniya ng SSS. Dahil naospital siya ngayong Hulyo 2024, ang 12-month period na titignan ng SSS ay mula Abril 2023 hanggang Marso 2024. Ipagpalagay natin na sa loob ng isang taon na iyon ay kumpleto ang hulog ni Alice sa SSS. Susumahin ni SSS ang anim na buwang pinakamataas na Monthly Salary Credit at babahagiin ito sa standard unit na 180 days. Halimbawa, P16,000 ang anim na pinakamataas na MSC (P16,000 x 6 = P96,000). I-divide ito sa 180 days kaya lalabas na P533.33 ang ADSC. I-mutiply ito sa 90% para makuha ang daily sickness allowance. Lumalabas na P480.00 ang daily sickness allowance ni Alice. Para malaman ang kabuuang halaga ng sickness benefit batay sa number of compensable days, i-multiply ito sa kung ilan ang compensable days: P480.00 x 5 days = P2,400 and Sickness Benefit na matatanggap ni Alice. Muli, ito ay pagsasalarawan lamang. Maaaring bumisita sa anumang sangay ng SSS kung may katanungan o nais ng paglilinaw tungkol sa halagang matatanggap sa Sickness Benefit.
Matapos aprubahan ang sickness benefit, iki-credit ito sa rehistradong disbursement account ng miyembro sa My.SSS account.
Nais din naming paalalahanan ang lahat ng employed members na responsibilidad ng kanilang employers na i-advance ang kanilang sickness benefit at magpasa ng reimbursement application sa SSS. May ilang employers kasi na hindi inaadvance ang benepisyo at inuuna munang magsumite ng reimbursement application sa SSS kaya nadedelay ang pagbibigay nila ng benepisyo sa miyembro. Kaya magsilbing babala na rin ito sa employers na itigil ang maling sistema at sumunod sa patakaran ng SSS.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.