“What a great achievement!”
Ganito binati ni Senador Alan Peter Cayetano ang Alas Pilipinas Women’s National Volleyball Team sa kanilang makasaysayang pagkapanalo ng bronze medal sa 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenger Cup nitong Miyerkules, May 29, 2024.
“Thank you Lord God for this sweet victory! For the whole team and everyone who supported them,” wika niya sa isang Facebook post mula sa Rizal Memorial Sports Complex kung saan ginaganap ang kabuuan ng paligsahan.
Ito ang unang pagkakataon sa loob ng 63 taon na nakamit ng Pilipinas ang podium finish sa AVC.
“My salute to Alas Pilipinas for bringing honor to the country, happiness to the volleyball community, and unity among Filipinos,” wika ni Cayetano, na siyang chairman emeritus ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
Sa kabila ng pagkatalo sa Kazakhstan noong Martes para sa pagkakataong manalo ng gold medal, nagpakita ng kahanga-hangang determinasyon ang Alas Pilipinas upang mangibabaw sa Australian team sa kanilang pagtatapat para sa bronze medal.
Sa set scores na 25-23, 25-15, at 25-7, matagumpay na naipanalong muli ng mga Pilipino ang laban sa Australia, na nauna na nilang natalo sa pag-uumpisa ng palaro.
Sa pagtatapos ng women’s leg ng AVC Challenger Cup, ipinahayag din ni Cayetano ang kanyang suporta para sa Alas Pilipinas Men’s National Volleyball Team na sasabak sa Bahrain sa susunod na buwan. Sisimulan nila ang kanilang kampanya laban sa China bago harapin ang host team sa June 3.