Noong nakaraang linggo ay naipakita natin kung paano ang computation ang SSS Sickness Benefit. Ngayon naman ay maternity benefit computation ang ating pag-uusapan.
Ibinibigay ang Maternity Benefit sa mga babaeng miyembro na nanganak o nakunan. Upang ma-qualify sa benepisyong ito, dapat ay hindi bababa sa tatlong buwan ang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng panganganak.
Gawin nating halimbawa ang kaso ng isang SSS member na nanganak noong November 2024. Ang itinuturing na semester of contingency o panganganak/ pagkakunan ay mula July 2024 hanggang December 2024. Mula July 2024, magbibilang tayo ng 12 months paatras (July 2023-June 2024). Samakatuwid, mula July 2023 hanggang June 2024, dapat ay mayroong hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon ang miyembro para mag-qualify sa maternity benefit.
Ang halaga ng Maternity Benefit ay katumbas ng Average Daily Salary Credit (ADSC) ng miyembro. Para malaman ang ADSC, kukunin ang Average Monthly Salary Credit (AMSC) ng tatlong buwang hulog sa loob ng 12 months, at i-divide ito sa 180. Ang lalabas na halaga ay i-multiply sa 60 araw kung miscarriage o emergency termination of pregnancy, o 105 days naman kung live childbirth (maging ito normal birth o Caesarian section). Imu-multiply naman sa 120 days kung solo parent sa ilalim ng Republic Act No. 8972 o Solo Parents’ Welfare Act of 2000.
Ipagpalagay natin na ang SSS member ay may Average Monthly Salary Credit na P25,000. Magiging ganito ang computation ng kaniyang benepisyo: 25,000/180 = 138.88. P138.88 x 105 days = P14,583.33. Samakatuwid, ang SSS Maternity Benefit na matatangap ng miyembro ay P14,583.33. Ang halagang ito ay ipapasok ng SSS sa inirehistrong disbursement account ng miyembro sa My.SSS Portal.
Dapat tandaan na ang Maternity Benefit ng employed members ay ina-advance ng employers. Kaya importante ang Maternity Notification na siyang isinusumite ng employed member sa kaniyang employer sa panahon na nalaman niyang siya ay nagdadalang tao na. Ipinapasa ang Maternity Notification online gamit ang kanilang My.SSS account.
Para sa iba pang detalye ukol sa Maternity Benefit, maaari ninyong panoorin ang video tungkol sa SSS Maternity Benefit sa aming opisyal na YouTube channel gamit ang link na ito: https://bit.ly/3NW2tHN o kaya i-click ang link na ito para basahin ang karagdagang impormasyon sa aming SSS Website: https://portal.sss.gov.ph/maternity-benefit/
Good news sa ating Retiree at Survivor Pensioners dahil inilabas na ng SSS ang 13th month bonus kasabay ng inyong December pension. Naipamahagi na ang unang batch noong December 1 para sa mga tumatanggap ng regular pension tuwing ika isa hanggang ika-15 araw ng buwan. Samantala, ang second batch ay naipamahagi na noong December 4 sa mga pensyonado na tumatanggap ng kanilang SSS pension tuwing ika-16 hanggang katapusan ng buwan, pati na rin ang mga nag-avail ng advance 18th month pension. Kung naipon ang kanilang pension dahil sa hindi pag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP), sa December 16 naman nila matatanggap ng kanilang 13th month pension.
Mula sa inyong Social Security System, Maligayang Pasko po sa inyong lahat!
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.