Dear Sir/Ma’am,
Matagal na po akong may utang sa SSS. Taong 2013 pa noong ako ay nag-avail ng Salary Loan. Nakabayad naman ako ng apat na buwan pero dahil nagsara ang pinagta-trabahuang kong coffee shop, hindi ko na rin natuloy bayaran ang aking loan. Nabanggit mo minsan sa iyong interview ang tungkol sa condonation program pero hindi ko nakuha ang buong detalye dahil pababa na ako sa jeep. May condonation program po ba ang SSS at pwede na ba akong mag-avail nito?
– Leah, Puguis, La Trinidad
Magandang araw sa iyo, Leah! Tama ka na on-going pa ang Consolidated Loan Program with Condonation of Penalty o Conso Loan. Para ito sa mga miyembrong katulad mo na may past-due loans o hindi nabayarang utang. Maituturing na past-due ang isang loan kung hindi nabayaran ang loan amortization sa nakalipas na tatlong buwan o higit pa. Kaya naman pasok dito ang iyong loan noong 2013 na hindi mo na nabayaran.
Sa ilalim ng programang ito, pagsasamahin lahat ng natitirang balanse ng past-due short-term loans tulad nang Salary, Salary Loan Early Renewal, Calamity, Emergency at Restructured Loan para isahan na lang ang pagbabayad nito. Samantala, pagsasamahin din ang naipong penalty at mabubura ito matapos mong bayaran ang kabuuang loan principal at interes.
Maliban sa pagkakaroon ng past-due loans sa panahon ng pagpafile ng Conso Loan application, dapat ay hindi ka pa nakakatanggap ng anumang final claim tulad ng permanent total disability o retirement benefit, at wala kang kaso ng panlilinlang o fraud laban sa SSS para magqualify sa Conso Loan.
Online ang application para dito kaya kinakailangang may My.SSS account ka.
May dalawang paraan sa pagbabayad ng pagkaka-utang sa ilalim ng ConsoLoan program. Maaari mong i-avail ang one-time payment basta’t mabayaran mo nang buo ang consolidated loan sa loob ng 30 araw mula nang matanggap mo ang Notice of Approval ng Conso Loan application. Kung ang babayaran mo ay P5,000.00 o mas mababa pa, one-time payment ang payment option para rito.
Maaari mo rin ito bayaran nang installment. Babayaran mo muna ang 10% ng Conso Loan amount sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ang Notice of Approval saka mo huhulugan ang natitirang balanse kada buwan. Ang halaga ng bayarin kada buwan ay nakabase sa kabuuang consolidated loan amount. Halimbawa, kung higit ito sa P5,000 hanggang P10,000, babayaran ito sa loob ng anim buwan; P10,001 hanggang P18,000 ay babayaran sa loob ng 12 buwan; P18,001 hanggang P36,000 ay babayaran sa loob ng 24 buwan; P36,001 hanggang P54,000 ay babayaran sa loob ng 36 buwan; P54,001 hanggang P72,000 ay babayaran sa loob ng 48 buwan at kung higit sa P72,000 ay babayaran ito sa loob ng 60 buwan o limang taon.
May ipinapataw na 10% interest rate kada taon ang SSS kung pinili mo ang installment plan. Siguraduhin lamang na sundin mo ang itinakdang payment schedule. May ipinapataw kasi na 1% penalty kada buwan kapag nahuhuli ka sa pagbabayad. Kung natapos mo ang payment term at may natitira ka pang balanse sa Conso Loan Account, magkakaroon ka muli ng panibagong interes at penalty. Anumang naiwang halaga ay ibabawas sa mga darating na SSS short-term benefit proceeds gaya ng sickness, maternity, at partial disability at final benefit tulad ng retirement, disability o death.
May sistema ang SSS sa condonation ng penalty. Sa ilalim ng one-time payment, hindi na sisingilin ng SSS ang kabuuang halaga ng multa kapag nabayaran na nang buo ang Consolidated Loan sa loob ng ibinigay na panahon.
Kung installment payment naman, proporsyonal na ikocondone ang penalty. Matapos bayaran ang paunang 10% downpayment sa loob ng aprubadong payment term, ico-condone na ang 10% ng kabuuang penalty ng Consolidated Loan. Samantala, ang natitirang halaga ng penalty ay unti-unting maco-condone base sa porsyento ng nabayarang monthly amortization hanggang sa makumpleto na itong bayaran.
Sa tulong ng programang ito, malilinis na ang loan records mo Leah at hindi na apektado ang iyong benefit claims sa hinaharap. Anumang pagkaka-utang kasi na hindi nabayaran ng isang miyembro sa SSS ay ibabawas sa kabuuang halaga ng kanilang benepisyo kapag siya ay nagretiro o mamatay.
Kaya naman sa mga aktulad ni Leah na may past-due short-term loans, ito na ang pagkakataon niyo na linisin ang inyong loan records sa SSS. Buong buo niyong makukuha ang benepisyo kung wala kayong maiiwang utang sa SSS.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.