Para sa mga Social Security System (SSS) member na may past-due loans o may utang na matagal nang hindi nababayaran, maaari pa rin sila mag-avail ng Consolidated Loan Program with Condonation of Penalty o mas kilala bilang Conso Loan.
Sa ilalim ng Conso Loan, pagsasamahin lahat ang loan principal at interes ng lahat nang past-due short-term member loans, tulad nang Salary, Salary Loan Early Renewal, Calamity, Emergency at Restructured Loan, ng isang miyembro – para isahan na lang ang pagbabayad nito. Samantala, pagsasamahin din ang naipong penalty at mabubura ito matapos bayaran ang kabuuang loan principal at interes.
Tanging online lang ang submission ng Conso Loan application. Kinakailangan na mayroong My.SSS account ang miyembro. Para gawin ito, mag-login sa My.SSS Portal ang miyembro.
Pumili ng opsyon sa pagbabayad sa ilalim ng Consoloan. Maaaring i-avail ng miyembro ang one-time payment basta’t mabayaran nang buo ang consolidated loan sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ang Notice of Approval ng aplikasyon. Kung nasa P5,000.00 o mas mababa pa ang babayaran ng miyembro, one-time payment ang payment option para rito.
Maaari ring bayaran nang installment ang Conso Loan. Nasa 10% muna ng Conso Loan ang babayaran sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ang Notice of Approval, saka huhulugan ang natitirang balanse kada buwan. Ang halaga ng babayaran kada buwan ay nakabase sa kabuuang consolidated loan amount. Halimbawa, kung higit ito sa P5,000 hanggang P10,000, babayaran ito sa loob ng anim buwan; P10,001 hanggang P18,000 ay babayaran sa loob ng 12 buwan; P18,001 hanggang P36,000 ay babayaran sa loob ng 24 buwan; P36,001 hanggang P54,000 ay babayaran sa loob ng 36 buwan; P54,001 hanggang P72,000 ay babayaran sa loob ng 48 buwan at kung higit sa P72,000 ay babayaran ito sa loob ng 60 buwan o limang taon.
May ipinapataw ang SSS na 10% interest rate kada taon kung pinili ang installment plan. Kaya’t siguraduhing mabayaran ang monthly amortization bago o sa mismong araw ng deadline upang walang ipapataw na 1% penalty kada buwan kapag nahuhuli sa pagbabayad. Kung natapos na ang payment term at may natitira pa ring balanse sa Conso Loan Account, magkakaroon muli ng panibagong interes at penalty. Anumang naiwang halaga ay ibabawas sa mga darating na SSS short-term benefit proceeds ng miyembro tulad ng sickness, maternity, partial disability at final benefit tulad ng retirement, disability o death.
Nais ng SSS na magkaroon ng malinis na loan records ang ating mga miyembro para makuha nila nang buo ang kanilang benefit proceeds sa hinaharap. Kaya naman habang maaga pa, mag-apply na agad sa Conso Loan kung napag-alaman ninyong may natitira pa rin kayong balance sa inyong utang. Makikita sa SSS Circular 2022-022 para sa karagdagang detalye.
***
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber, hanapin lang ang MYSSSPH.
***
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.