Lumapit ang isang SSS member sa akin at nagpapatulong kung paano siya magfa-file ng kaniyang Retirement Benefit. Matapos ang pagpapaliwanag at pagtuturo sa proseso, nakita namin na may outstanding loan balance pa siya mula sa kaniyang pagkaka-utang noon pang taong 2001. Nakaligtaan na niya itong bayaran at dahil diyan ay lumobo na ang interest at penalty nito.
Bago pa man siya manlumo, ipinakilala ko sa kaniya ang bagong programa ng SSS kung saan ay maaaring ma-condone ang penalty at tanging ang principal at interest na lang ang babayaran.
Kaya bago niya i-file ang kaniyang Retirement Benefit, pinayuhan ko na mag-apply muna siya sa bagong programa – ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty o Consoloan.
Sa ilalim ng bagong programa, pag-iisahin ang lahat na principal at interest ng past-due short-term member loans sa iisang loan (consolidated loan) habang ang nabuong penalty ang siyang maco-condone kapag nabayaran na nang buo ang consolidated loan.
Ang mga halimbawa ng short-term member loans ay Salary Loan, Calamity Loan, Emergency Loan maging ang mga nakasama sa Salary Loan Early Renewal Program o SLERP at iba pang Restructured Loan Programs. Ibig sabihin naman ng past-due ay hindi nabayaran ang pagkaka-utang sa nakalipas na tatlong buwan na binubuo ng principal amount, interes at penalty.
May dalawang opsyon ang miyembro para bayaran ang natitirang principal at interest. Maaaring one time payment o installment scheme. Sa one-time payment, kailangang bayaran ng miyembro ang principal at interest sa loob ng 30 calendar days mula matanggap ang approval notice. Kung ang halaga ng Consolidated Loan ay P5,000.00, babayaran ito ng One-Time lamang. Kapag installment payment naman ang pipiliin ng miyembro, kailangang bayaran muna ang downpayment na 10% o higit pa ng Consolidated Loan amount sa loob ng 30 calendar days mula nang matanggap ang approval notice at ang balanse ay maaaring bayaran mula anim hanggang 60 months depende sa halaga nito.
Kung sakaling nakaligtaan pa rin bayaran ang utang base sa kasunduan sa consolidated loan, may kapangyarihan ang SSS na ibawas o ikaltas ang outstanding balance mula sa mga short -term benefits na maaaring aplayan ng miyembro tulad ng sickness, maternity o partial disability claims o kaya naman sa final benefits tulad nang permanent total disability, death o retirement.
Ang mga interesadong miyembro ay kinakailangang masunod ang mga susumusunod na requirements:
- Walang past-due short-term member loan sa panahon ng aplikasyon
- Hindi pa tumatanggap ng anumang final benefit tulad ng permanent total disability o retirement;
- Walang naihaing diskwalipikasyon dahil sa panloloko laban sa SSS; at
- Mayroong aktibong My.SSS account
Online ang aplikasyon sa programang ito kaya mahalagang mayroong My.SSS account ang sinumang miyembro na nais mag-avail ng Consoloan. Ang programang ito ay sinimulang ipatupad noong September 30, 2022.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.