Malapit na naman ang katapusan ng buwan. Ibig sabihin nito, nalalapit na rin ang deadline ng pagbabayad ng SSS contribution.
Para sa mga Self-Employed o Voluntary member na nagbabayad quarterly, tuwing last working day ng kasunod na buwan ng applicable quarter ang inyong deadline.
Halimbawa, sa darating na April 30 ay ang contribution payment deadline para sa inyong kontribusyon sa 1st quarter ng taon o Enero hanggang Marso 2025. Sa last working day ng Hulyo at Oktubre 2025 naman ang deadline para sa 2nd at 3rd quarter ng 2025 (Abril hanggang Hunyo 2025 at Hulyo hanggang Setyembre 2025) at last working day naman ng Enero 2026 ang ang contribution payment deadline para sa huling quarter ng 2025 (Oktubre hanggan Disyembre 2025).
Para naman sa mga nagbabayad ng kontribusyon kada buwan, tuwing last working day ng kasunod na buwan ng applicable month ang kanilang deadline. Kung sakaling tumapat sa Sabado, Linggo o holiday ang nakatakdang payment deadline, maaari silang magbayad sa susunod na working day. Samantala, ang mga kontribusyon lamang na may payment date bago ang semester of contingency ang maisasama sa computation ng mga benepisyo.
Noong mga nakaraang linggo, napag-usapan natin ang tungkol sa pagpapalawig ng payment deadline na eksklusibo sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang self-employed members na kabilang sa informal economy. Pinapayagan ng SSS na bayaran sa kasalukuyang buwan ang kanilang kontribusyon sa nakaraang 12 buwan para bigyan sila ng pagkakataon na mabuo ang kinakailangang halaga ng kontribusyon upang sila ay mag-qualify sa iba’t-ibang benepisyo at loan.
Samantala, para sa kaalaman ng publiko, iba rin ang payment schedule ng OFW members. Para sa kanilang January to September na kontribusyon, maaari nila itong bayaran hanggang sa huling working day ng October ng kasalukuyang taon. Maaari naman nilang bayaran ang kontribusyon para sa buwan ng October hanggang December hanggang sa huling working day ng January ng sumunod na taon.
Tandaan na hindi pinahihintulutan ng SSS ang retroactive payments. Ibig sabihin nito, hindi na maaaring balikan ang contribution gaps o buwan na hindi nabayarang kontribusyon batay sa itinakdang schedule.
Kahit ikinakaltas lang sa sahod ng employed members ang kanilang SSS contribution, mahalagang malaman nila ang contribution payment deadline ng kanilang employers. Kada huling working day ng susunod na buwan ang kanilang deadline at hindi quarterly ang kanilang pagbabayad. Kaya kung sakaling sisilipin ng empleyado ng kanyang contribution records sa My.SSS Portal sa susunod na buwan, dapat ay may naitalang kontribusyon noong March 2025. Mayroon kasing 2% penalty kada buwan kung mahuhuli ang employers sa pagbabayad ng SSS contribution. Kaya ugaliin ng lahat ng miyembro na i-check ang kanilang contribution records upang masigurong posted lahat ang ibinabayad na SSS contribution. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa SSS contribution payment schedule, basahin ang SSS Circulars 2019-012 at 2022-028 na makikita sa SSS Website https://www.sss.gov.ph/sss-circulars/.
Mas pinadali na rin ng SSS ang pagbabayad ng kontribusyon na maaaring gawin sa SSS-accredited payment channels gaya ng mga bangko, payment centers, online banking, at e-wallet facilities.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber, hanapin lang ang MYSSSPH.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.