Sa makabagong panahon, makikita pa rin ang diwa ng bayanihan sa ating mga Pilipino. Buhay na buhay pa rin ang tradisyon ng pagpapakita ng malasakit at pagtulong sa kapwa sa panahon ng pangangailangan. Nariyan ang community pantry noong panahon ng pandemya pati na rin ang relief operations sa tuwing may kalamidad.
Pagdating sa bayanihan, hindi magpapahuli ang SSS. Ang mga indibidwal o grupo na nais makatulong upang magkaroon ng social security protection ang kanilang mga kababayang salat sa buhay ay maaaring sumali sa Contribution Subsidy Provider Program (CSPP).
Sa ilalim ng programang ito, ang mga Contribution Subsidy Provider (CSP) ang sasagot sa buong SSS contribution ng mga Contribution Subsidy Recipients (CSRs) sa loob ng anim na magkakasunod na buwan o higit pa. Wala namang limitasyon sa bilang ng Contribution Subsidy Recipient (CSR) kada CSP.
Ang mga CSP ay asosasyon, organisasyon o indibidwal mula sa gobyerno o pribadong sektor. Samantala, ang CSR naman ay maaaring Self-employed, land-based Overseas Filipino Workers (OFWs), at Voluntary members ng SSS.
Para sa mga interesadong maging CSP, maaaring magsagawa ng Online Certification with Undertaking sa Coverage and Collection Portal (CCP) na makikita sa landing page ng SSS Website www.sss.gov.ph. Maaari rin silang lumagda sa isang Memorandum of Agreement sa SSS para mapagtibay ang kanilang partisipasyon sa programa.
Matapos nito, ang CSP ay mag-ge-generate ng Payment Reference Number sa kanilang My.SSS Portal. Babayaran nila ang kontribusyon ng kanilang recipients sa alinmang sangay ng SSS na may Tellering Section o sa mga SSS accredited collection partner. Kapag nabayaran na, otomatikong maipopost ang kontribusyon sa record ng CSR. Sa parte naman ng CSR, kailangan nilang ibigay ang kanilang buong pangalan, Social Security number, at sulat pahintulot (Consent Form).
Maganda ang CSPP para sa mga asosasyon o organisasyon na naghahanap ng proyekto para sa kanilang Corporate Social Responsibility Program. Marami na ang nag-aadopt ng programang ito para makatulong sa kanilang kapwa.
Ang bayanihan ay hindi lamang nagpapakita ng pwersa at lakas ng katawan. Naipapakita rin nito ang pagmamalasakit, pagtutulungan at pagkakaisa ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng CSPP, ang SSS at subsidy provider ay nagsanib puwersa upang bumuo ng isang “siguradong bukas” para sa ating mga recipient. Ang pagiging miyembro ng SSS ang magbibigay sa kanila ng kapanatagan sa oras ng kanilang pangangailangan.
Bukas ang alinmang sangay ng SSS para sa anumang katanungan o paglilinaw tungkol sa CSPP.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.