Sa isang huntahan ng mga taxi drivers dito sa lungsod, sentro ng kanilang kwentuhan ang tungkol sa digitalization ng SSS. Ibinida ng isa sa kanila na 20 taon na siyang miyembro ng SSS at dalawang araw lang ang kaniyang hinintay para matanggap ang kaniyang Salary Loan proceeds. Kwento naman ng isa, tinulungan daw siya ng kaniyang anak na mag-upload ng kaniyang bank details sa Disbursement Account Enrolment Module bilang paghahanda sa kaniyang pagreretiro sa Hulyo. Sabat naman ng isa na ginamit niya ang Text-SSS para malaman niya kung ilan na ang inihulog niyang kontribusyon sa SSS. Sa tagal tagal ng kaniyang pagmamaneho ng sarili niyang taxi ay nais niyang ipagpatuloy ang paghuhulog ng kaniyang kontribusyon bilang Self-Employed member.
Iisa lang naman ang pinupunto ng grupong ito, tinatangkilik nila ang mga programa ng SSS tungo sa digitalization para sa mas mabilis, madali, ligtas at komportableng transaksyon lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.
Sa ngayon, ang My.SSS ang pinakamainam na pamamaraan para magsagawa ng transaksyon sa SSS. Halos lahat kasi ng mga application at transaksyon sa SSS ay makikita na rito. Sa ilalim ng My. SSS account, maaari nang makita ng miyembro ang kanyang member details at employment history, mag-update ng contact information, mag-request ng membership records, at mag-request ng appointment. May Inquiry Tab din dito kung saan makikita ng miyembro ang kaniyang SSS contribution, loan records, at UMID application status; eligibility sa mga benepisyo at loan, Payment Reference Number (PRN) para sa contribution at loans, at Sickness/Maternity Inquiries.
Makikita naman sa E-Services Tab ang Benefit Re-disbursement Module para sa pag-uupdate ng Disbursement Module, Disbursement Account Enrollment Module para sa pag-eenrol ng inyong bank account, online application ng salary loan, calamity Loan, pension loan, unemployment benefit, retirement benefit, at funeral benefit, pagsusumite ng maternity notification, Request for Member Data Change para sa simpleng correction, request records, Simulated Retirement Calculator, at PESO Fund at Flexi Fund (para sa OFWs) enrolment. Samantala, maaaring isagawa ang web registration at pag-iisue ng Social Security (SS) number sa homepage ng SSS website www.sss.gov.ph na kung saan pupwede na ring mag-upload ang miyembro ng kanilang supporting documents.
Maliban naman sa My. SSS, nariyan pa rin ang Text-SSS para mapadalhan ka ng Payment Reference Number (PRN), membership registration, at rekord ng miyembro; magtanong malaman kung saan ang pinakamalapit na SSS branch, magbigay ng feedback, magtanong tungkol sa iba pang impormasyon tungkol sa SSS gaya ng membership, contributions, claims information, loan status, at benefit application requirements. Para magrehistro, i-text ang SSS REG <10-digit SSS number><Bdaymm/dd/yyyy> at ipadala sa 2600.
Para sa mga miyembrong may smart phone at tablet, pwede na rin nilang gamitin ang SSS Mobile App para makita ang kanilang contribution at loan records, membership information, at lokasyon ng iba’t-ibang SSS branches sa buong bansa. Maaari rin silang magpasa ng salary loan application para sa employed at individual members at maternity notification para sa individual members, i-check ang status ng kanilang benefit claims, mag-update ng kanilang contact information tulad ng mobile number at e-mail address, mag-generate ng PRN at magdownload ng PDF file na kung saan nakasaad ang PRN, pati na rin ang pagbabayad ng SSS contribution sa tulong ng PayMaya at BPI. Libre ang pagdownload ng SSS Mobile App sa Google Play Store, Apple App Store, at sa Huawei AppGallery.
Bukas din ang aming mga e-mail addresses para sa iba pang mga katanungan ukol sa SSS. Ipadala lamang ito sa member_relations@sss.gov.ph o ofw.relations@sss.gov.ph.
Sa mga ipinatutupad na programa ng SSS para maisakatuparan ang digitalization ng mga proseso at serbisyo ng SSS, sana ay tangkilin ito ng ating mga miyembro para sa mas ligtas, mas mabilis at mas maginhawang pamamaraan ng pakikipagtransaksyon sa SSS.
===
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.