Required ang lahat ng miyembro na i-enrol ang kanilang disbursement account sa My.SSS Portal sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module (DAEM). Dito na kasi ipapasok ng SSS ang kanilang net benefit o loan proceeds.
Kinakailangang valid at aktibo ang irerehistrong bank account. Hindi maaari ang closed account, dormant account, foreign currency account, frozen account, joint at o “or” account, prepaid account, at time deposit account. Ang account name ng miyembro ay dapat tugma sa bank account name. Tandaan na ang bank account na iienrol ay mula ay mula dapat sa PESONet participating bank. Maaaring itanong sa inyong bangko kung sila ba ay kabilang sa PESONet.
Kung walang bank account ang miyembro, maaari rin nilang irehistro ang kanilang mobile number upang makuha ang proceeds sa pamamagitan ng E-Wallets, Remittance Transfer Companies (RTC) o Cash Payout Outlets (CPOs). Kung ito ang gagamitin para sa disbursement, siguraduhin na aktibo ang irerehistrong mobile number. Dito kasi ipapadala ng SSS ang reference number para ma-claim nila ang proceeds mula sa SSS. Paalala lang na may karagdagang transaction fees kung tatanggap ng proceeds sa pamamagitan ng E-Wallets, RTC o CPOs.
Para irehistro ang valid disbursement account, maglog-in sa My.SSS Portal. Magtungo sa “Services” tab at piliin ang Disbursement Account sa dropdown choices. Lalabas ang isang message box ng reminders na nagdedetalye kung anu-anong mga klaseng bank account ang maaari at hindi maaaring irehistro.
Bago mag-apply sa DAEM, kailangang handa na rin ang tatlong litrato ng miyembro na i-uupload. Ang unang litrato ay ang kaniyang government issued-ID. Ikalawang litrato ay ang kaniyang ATM or bank deposit slip o screenshot ng mobile app ng e-wallet na kung saan malinaw na nababasa ang account name, account number at bangko o pangalan ng e-wallet app. Ikatlo ay ang litrato ng miyembro na hawak ang ID at ATM/bank deposit slip o pinapakita ang mobile app mula sa gadget. Ang mga litratong ito ay ia-upload sa mismong DAEM.
Kapag natapos nang mag-upload ng mga litrato, may mga impormasyon pa na kailangan punan bago ito maaprubahan. Tandaan na ang approval ng DAEM ay nangangahulugang aprubado na ng SSS ang inirehistrong disbursement account at hindi pa ito approval ng kanilang benefit o loan application. Kapag naaprubahan na ang DAEM, maaari na silang magsubmit ng benefit o loan application gamit ang kanilang My.SSS Account.
Para sa mga miyembro at employers na nais magpatulong sa DAEM, magsadya lamang sa pinakamalapit na SSS branch upang gabayan ng aming branch personnel. Iwasang humingi ng tulong sa mga hindi kilalang indibidwal na nasa labas ng mga opisina ng SSS dahil maaaring malagay sa alanganin ang inyong account pati na rin ang inyong benepisyo at personal na impormasyon.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.