Noong 2019, naipasa at ganap na naging batas ang Republic Act No. 11210 o ang Expanded Maternity Leave Law. Pinalawig nito ang bilang ng araw ng maternity leave ng hanggang 105 at may opsyon pa na karagdagang 30 araw na walang bayad. Mayroon ding extra na araw para sa solo parent.
Ano ang epekto nang RA 11210 sa matatanggap na maternity benefit ng mga kababaihang miyembro ng SSS?
Anuman ang civil status, bilang ng pagbubuntis at legitimacy ng anak, ang SSS Maternity Benefit ay ipinagkakaloob sa babaeng miyembro sa bawat pagkakataon siya ay nagbubuntis, maging ito ay nagresulta sa panganganak o emergency termination ng pregnancy. Dahil pinalawig ang maternity leave period ng hanggang 105 araw mula sa dating 60 araw, para sa normal delivery, at 78 araw para sa Caesarian delivery, nangangahulugang mas malaki ang benepisyo na maaaring matatanggap ng isang miyembro.
Halimbawa, kung P20,000 ang monthly salary credit ng miyembrong mag-aaply ng maternity benefit, possible siyang makatanggap ng P70,000. Kung nasa P10,000 naman ang salary credit, P35,000 ang maaari niyang makuhang benepisyo.
Tandaan na ang halaga ng Maternity Benefit ay katumbas ng 100% na average salary credit multiplied sa 105 days, maging ito normal delivery o di kaya’y sa pamamagitan ng Caesarian, at 60 days naman para sa miscarriage o sumailalim sa emergency termination of pregnancy.
Isa pa sa magandang naidulot ng batas ay wala nang limitasyon sa bilang ng panganganak na maaaring makatanggap ng maternity benefit. Sa dating batas kasi, RA 8282, ang unang apat na pagbubuntis o pagkakakunan ang maaaring bayaran ng SSS.
Ang isa ring employed female member ay makakatanggap ng buong bayad ng benepisyo na binubuo ng isang regular na SSS maternity benefit na na-compute base sa Average Daily Salary Credit nito at dalawang salary differential na bubunuin ng kaniyang employer. Halimbawa, kung ang empleyadong nanganak ay sumasahod ng P1,000 kada araw at ang na-compute na SSS benefit ay P800 lamang kada araw, kailangang bayaran ng kaniyang employer ang natitirang P200 para buo pa rin ang arawan ng empleyado.
Mahalaga ring malaman ng employed female members na ang maternity benefit nila ay ina-advance ng kanilang employers. Kaya importante ang maternity notification na siyang isinusumite ng employed member sa kaniyang employer sa panahon na malaman niyang siya ay nagdadalang tao na.
Kung ikaw naman ay voluntary, self-employed at OFW member, direkta na sa SSS ang pagusumite ng maternity notification gamit ang kanilang My.SSS account.
Mayroon naman tayong kaso na kung saan nahiwalay sa trabaho ang mga miyembrong qualified na makatanggap ng maternity benefit. Kung walang pang natanggap na benepisyo mula sa dating employer, maaaring magfile ng maternity benefit ang isang separated employee direkta sa SSS. Kailangang i-update ang kanilang membership category na voluntary sa kanilang online account bago manganak. Matapos manganak, maaari nang magpasa ng maternity benefit application online sa My.SSS Portal na may kasamang certification bilang patunay na walang natanggap na advance payment ng maternity benefit mula sa kanyang employer. Kalanuan naman ay kukumpirmahin ito ng employer bago iproseso at aprubahan ng SSS.
Para sa mas detalyadong impormasyon tungkol sa online filing ng maternity benefit application sa My.SSS Portal, basahin ang SSS Circular 2021-004 https://www.sss.gov.ph/wp-content/uploads/2022/04/ci2021-004.pdf.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.