May housing loan ka ba sa SSS na matagal mo nang hindi nabayaran? Noong October 2022, naglabas ng sirkular ang SSS na bibigyan ng pagkakataon ang mga may pagkakautang sa ilalim ng Housing Loan na ma-condone ang naipong penalty o multa bunsod sa hindi pagbabayad sa takdang panahon. Ito ay ang Penalty Condonation Program for Housing Loans (Circular No. 2022-026).
Layunin ng programang ito na mabayaran ng miyembro ang kanilang past-due loan obligations na walang penalty para mapanatili sa kanila ang pag-aari ng kanilang bahay at lupa. Sinasabing past-due ang isang housing loan kung hindi nabayaran ang monthly amortization sa nakalipas na anim na buwan mula sa petsa ng aplikasyon ng borrower sa loob ng condonation period.
Dahil sa marami pa ang hindi nakakapagpasa ng aplikasyon, extended muli ang programang ito hanggang February 28, 2023. Para sa kaalaman ng ating mga tagasubaybay, narito ang mga karagdagang impormasyon tungkol sa programang ito:
- Pasok sa penalty condonation program ang lahat ng may mga past-due loans sa Direct Individual Housing Loan Program kasama ang mga duplex housing loan accounts, Direct Housing Loan Facility para sa Overseas Filipino Workers (OFWs)/ Worker’s Organization Members (WOMs), at Direct House Repair at Improvement Loan Programs.
- Maaaring mag-apply ang lahat ng housing loan borrowers, kanilang duly designated successor/s-in-interest/legal heir/s na may past due housing loan obligations, kahit expired o hindi ang orihinal o dati pang restructured loan. Pasok din sa proramang ito ang housing loan borrowers na foreclosed ang property at sumailalim sa auction sale na kung saan ang SSS ang winning bidder at ang Certificate of Sale ay hindi pa nakarehistro sa mga sumusunod na SSS housing loan programs: Direct Individual Housing Loan Program kasama ang mga duplex housing accounts, at Direct Housing Loan Facility for Overseas Filipino Workers/ Worker’s Organization Members.
Sa ilalim ng programang ito, babayaran ng miyembro ang outstanding principal, interests at insurance dues, at legal expenses sa loob ng 90 calendar days mula sa araw na natanggap ang notice of approval ng application. Matapos itong bayaran sa loob ng aprubadong payment period, lahat ng unpaid penalties ay maco-condone na.
Sa mga interesado o apektadong SSS members na nais mag-avail ng programang ito, kinakailangang magsumite ng duly accomplished application form at magbayad ng processing fee na P500.00. Kailangan din bayaran nang buo ang lahat ng pagkakautang mula sa outstanding principal, interest, insurance dues, at legal expenses sa loob ng 90 calendar days mula sa araw na natanggap ang notice of approval.
Kung sakaling hindi ito mabayaran sa loob ng 90 days, ang nartitirang balance ay magiging due and demandable na. Ang anumang partial payments na naibayad sa loob ng 90 calendar-day period ay magiging regular payment. Dahil dito, pinapayuhan namin ang lahat ng aplikante na siguruhing bayaran ang kanilang monthly amortization sa takdang oras para mapakinabangan nila ang benepisyong hatid ng programang ito. Malaking halaga rin ng penalty ang matatanggal kung susundin nila ang terms and conditions ng programang ito, lalo na ang pagbabayad ng kabuuang utang bago matapos ang aprubadong payment period.
Sa mga aplikante dito sa Hilagang Luzon, maaari kayong makipag-ugnayan sa Housing and Asset Management Section sa ikalawang palapag ng SSS Bldg., na matatagpuan sa Harisson Rd., Baguio City.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Inaanyayahan din naming kayong makinig sa “Usapang SSS” tuwing Lunes, 10:30AM-11:30AM sa DZWT 540 kHz at manood sa FB livestream ng “MPBC DZWT Kumpletos Rekados.”