Malinaw ang mandato ng SSS – ang magkaroon ng social security coverage at proteksyon ang lahat ng manggagawa sa pribadong sektor, gayundin ang self-employed members na kabilang sa informal economy.
Subalit, isa sa mga suliranin na kinakaharap ng ating manggagawa sa informal economy ay ang perang pambayad nila para sa kanilang kontribusyon kada buwan. Bilang mga “seasonal workers”, hindi regular ang kanilang kita kagaya ng mga empleyado sa pribadong sektor na may inaasahang sahod tuwing kinsenas at katapusan. Kadalasan, tulad ng mga magsasaka at mangingisda, tuwing may ani o huli lamang sila may kita na kadalasang napupunta sa pang-araw araw nilang gastusin at puhunan para sa susunod na anihan. Maswerte na lamang at kung may maisusubi pa sila para sa kanilang SSS contribution. Kaya sadyang mahirap bunuin ang kanilang kontribusyon dahil mayroong buwan na wala silang kita at walang kapasidad na hulugan ang kanilang kontribusyon kada buwan.
Sa pagnanais ng SSS na mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro nitong nasa informal economy na makapagbayad ng kanilang kontribusyon ay pinalawak ng ahensiya ang nakatakdang schedule ng kanilang pagbabayad.
Base sa inilabas na SSS Circular 2022-028, ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang self-employed ay pinapayagan ng SSS na bayaran ang kanilang kontribusyon sa huling 12 buwan o alin man sa huling labindalawang buwan mula sa kasalukuyang buwan. Halimbawa, ngayong April 2025, maaari pa nilang bayaran ang kanilang kontribusyon mula April 2024 hanggang March 2025. Sa kasalukuyang payment schedule kasi, ang maaari na lamang bayaran na kontribusyon ngayong April 2025 ay January to March 2025.
Sa tulong ng flexible payment schedule, may pagkakataon pa ang ating self-employed members na pagipunan ang kanilang kontribusyon at humabol sa pagbabayad. Tulad nang mga magsasaka at mangingisda, dalawa o tatlong beses sa isang taon lamang sila nagkakaroon ng kita, kaya naman iniurong ng SSS ang payment schedule para sa kanila. Magandang inisyatibo din ito ng dahil maiiwasan ang gaps sa kanilang contribution records. Mas malaki ang tsansang magkaroon sila ng sapat na kontribusyon upang maging qualified sila sa social security benefits tulad ng Sickness, Maternity, Disability, Retirement, Death at Funeral. Maaari rin silang umutang sa ilalim ng Salary, Calamity at Pension Loan. Maliban sa regular na SSS programs, sila rin ay maaaring makatanggap ng benepisyo sa ilalim ng Employees’ Compensation (EC) Program kung work-related ang kanilang pagkakasakit, natamong pinsala o pagkamatay.
Kaya naman sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang mga self-employed na kabilang sa informal economy, siguruhin na idineklara ninyo sa SSS records ang inyong hanapbuhay upang maging kwalipikado kayo sa flexible payment schedule. Kung sakaling nais ninyong ipa-update ang inyong self-employment records, maaari kayong magsadya sa pinakamalapit na sangay ng SSS at mag-fill out ng Member Data Change Request at ipabago ang mga dapat ipa-update.
***
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber, hanapin lang ang MYSSSPH.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.