Dahil kakapasok pa lamang ng bagong taon, pag-usapan muna natin ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS.
Marahil marami ang nagtatanong kung bakit nga ba kailangan magpamiyembro sa SSS.
Sa tuwing ako ay naiimbitahang magsalita tungkol sa SSS sa harap ng mga organisasyon o pagpupulong ng mga pribadong sektor, palagi kong tinatanong ito sa kanila “Bakit sa tingin ninyo ay kailangan ninyo ang SSS?” Dahil requirement ito sa pagpasok sa trabaho? Dahil minamandato ng gobyerno ang mga pribadong sektor na lahat ng mga empleyado nito ay dapat may SSS?
Bukod pa riyan, may mas malalim pa na dahilan kung bakit mahalaga sa lahat ang SSS dahil karapatan ng bawat isa ang magkaroon ng Social Security protection. Opo, karapatan nating lahat na mabigyan ng proteksyon sa oras ng peligro o ano mang hindi inaasahan na pangyayari.
May karampatang benepisyo ang aktibong SSS membership gaya ng sickness o pagkakasakit, maternity o panganganak, disability o pagkabalda, unemployment o inboluntaryong pagkakahiwalay sa trabaho, retirement o pagreretiro, death o pagkamatay, at funeral o pagpapalibing. Sa panahon ng pangangailangan, hindi na sila mababahala dahil kaagapay nila ang SSS sa tulong ng mga benepisyong ito.
Ang aktibong SSS member ay maaari ring umutang sa SSS. May iba’t-ibang loan programs gaya ng Salary, Calamity, at Educational Loan.
Isang Defined-Benefit scheme ang SSS. Ibig sabihin, ang halaga ng benepisyong matatanggap ay nakadepende sa halaga ng ibinabayad na kontribusyon. Kung mas mataas at mas marami ang kontribusyong ibinayad sa SSS, asahan na mas mataas din ang benepisyo na matatanggap ng miyembro.
Bukod sa mga mga nabanggit na benepisyo at pribilehiyo, ang SSS members ay may pagkakataon ding mag-impok at kumita para sa kanilang kinabukasan. May SSS Mandatory Provident Fund at MySSS Pension Booster.
Ang SSS Mandatory Provident Fund ay isang retirement savings scheme para sa SSS members upang makatanggap ng karagdagang benepisyo bukod sa regular Social Security (SS) benefits. Sakop nito ang lahat ng SSS members na hindi pa tumatanggap ng final claim sa SSS tulad nang Total Disability, Retirement at Death Benefit at lagpas sa P20,000 ang Monthly Salary Credit (MSC). Automatic ang MPF para sa mga miyembrong naghuhulog ng contributions base sa MSC na lagpas sa P20,000 MSC-automatic silang gagawan ng sarili nilang MPF account.
Sa kabilang banda, ang MySSS Pension Booster ay para sa kahit sinong miyembro na nais palaguin pa lalo ang kanilang pera. Sa minimum contribution na P500.00 o higit pa, unti-unti silang makakaipon habang pinalalago ni SSS ang kanilang pera. Ang mga kontribusyon ay i-invest ng SSS alinsunod sa requirements nito ng liquidity, safety, security, at yield. Sa katapusan ng taon, magkakaroon ito ng investment income base sa interest rate na idineklara ng SSS. Mga 6.9% ang interes noong 2023 at mga 7.2% naman ang interes noong 2024.
Ang maganda pa rito, tax-free ang MySSS Pension Booster o walang ikakaltas na tax charges mula sa inyong ipon at kita.
Tandaan na kaakibat ng pagiging aktibong miyembro ng SSS ang regular na paghuhulog ng kontribusyon at paglalagak ng extrang kita sa MySSS Pension Booster. Sa ganitong paraan, siguradong qualified kayo sa mga benepisyo at pribilehiyo na lubusan niyo itong mapapakinabangan.
Kaya’t para sa mga hindi pa miyembro ng SSS o kaya naman hindi na aktibo ang SSS membership, ngayong 2025 na ang pagkakataon para bigyang prayoridad ang inyong seguridad bilang isang manggagawa. Magpa-miyembro sa SSS o ipagpatuloy ang pagbabayad ng inyong SSS contribution.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.