Ngayong buwan ng Setyembre ay ipinagdiriwang ang ika-62 anibersaryo ng Social Security System na may temang “SSS @ your fingertips: We connect and protect”. Akma ito sa hakbangin ng ahensya tungo sa digitalization ng mga proseso para sa mabilis na transakyon sa SSS gamit ang iba’t-ibang teknolohiya tulad ng internet, SMS, at electronic payment centers. Ini-enjoy na ngayon ng members ang iba’t-ibang pamamaraan ng transaksyon sa SSS tulad ng paggamit ng My.SSS sa SSS Website, SSS Mobile App, Self-Service Information Terminal, Interactive Voice Response System at Text-SSS.
====
Binuksan ng SSS ang kanyang pintuan noong 1957 upang magbigay ng social security protection sa mga manggagawang Pilipino sa pribadong sektor. Pero bago pa man maitaguyod ang institusyong ito, dumaan ito sa samu’t-saring debate, pag-aaral, at pagsusuri hindi lamang sa kamay ng mga namumuno noon kundi maging sa mga negosyante at labor groups.
Nagsimula ang lahat nang inatasan ni dating Pangulong Manuel Roxas ang kongreso noong 1948 na bumuo ng social security program upang matulungan ang mga Pilipinong dumanas ng hirap sa noo’y katatapos lamang na himagsikang pandaigdig. Sa kasamaang palad, namatay si Pangulong Roxas bago pa man maisakatuparan ang kanyang mga plano.
Subalit, ipinagpatuloy naman ni Pangulong Elpidio Quirino ang utos ng dating pangulo. Noong July 7, 1948, nilagdaan ni Pangulong Quirino ang EO 150 para bumuo ng Social Security Study Commission. Ang komisyong ito ang naglabas at bumalangkas ng Social Security Act na siya namang isinumite sa kongreso. Noong 1954, sa pangunguna nina Representative Floro Crisologo at sina Senador Cipriano Primicias at Manuel Briones, naipasa ang panukala sa kongreso at kinalaunan ay pinirmahan ni Pangulong Ramon Magsaysay para maging ganap na batas ang Republic Act 1161 o ang Social Security Act of 1954.
Kahit naisabatas na ang Social Security Act, hindi ito agad agad naipatupad dahil tinutulan ito ng mga negosyante at labor groups. Makalipas ng ilang taong debate ay napirmahan na rin sa wakas ang RA 1792 noong 1957 na siyang nag-amyenda sa orihinal na Social Security Act. Noong September 1, 1957, tuluyan nang ipinatupad ang Social Security Act of 1954 sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Carlos Garcia.
May idinagdag na mga panukala ang mga sumunod na administrasyon upang palawakin ang pagbibigay ng social security protection sa mga manggagawang Pilipino. Noong September 7, 1979, pinirmahan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos ang PD 1636 na siyang sasakop sa mga self-employed members. Kinalaunan, isanama na rin ang mga magsasaka at mangingisda bilang miyembro ng SSS.
Pinirmahan ni Pangulong Fidel Ramos noong 1997 ang RA 8282 o Social Security Act of 1997. Dala ng bagong batas ang mas magandang benepisyo, pinalawak na SSS coverage, pinahusay na investment programs, mas mabigat na parusa para sa mga lumalabag na employers, contribution penalty condonation program, at voluntary provident fund para sa mga miyembro.
At ngayong 2019, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11199 o ang pinakabagong Social Security Act of 2018 na nagbibigay ng kapangyarihan sa Social Security Commission (SSC) para mag-condone ng penalty at mag-adjust ng kontribusyon. Idinagdag din ang Unemployment Insurance bilang pang-pitong benepisyo para sa mga miyembro at nariyan rin ang mandatory coverage para sa mga Overseas Filipino Workers.
====
Sa pinakahuling tala, umaabot na sa halos 36 milyon ang miyembro ng SSS. Katumbas ng napakalaking numerong ito ang napakalaking responsibilidad na naka-atang sa aming mga balikat bilang empleyado ng SSS. Subalit, ipinapangako ng buong pamunuan ng SSS sa pangunguna ni SSS PCEO Aurora Ignacio kabilang ang anim na libong kawani sa buong mundo, na mas magiging masigasig kami sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyo at sapat na benepisyo sa ating mga miyembro, pensyonado, at kanilang mga benepisyaryo.
====
Umakyat ng 15% ang bilang ng naaprubahang SSS maternity benefit claims sa unang anim na taon ng 2019. Batay sa datos ng SSS, umabot as 180,000 maternity benefit claims ang naaprubahan nitong unang bahagi ng 2019. Katumbas ito ng P4.13 bilyong maternity benefit para sa mga nanganak na miyembro ng SSS.
Good news ito dahil mas marami na ang nakikinabang sa pagsasabatas ng Expanded Maternity Leave Law o EMLL. Inaasahang aakyat pa ang bilang na ito dahil marami ang naengganyo sa mas malaki at unlimited na benepisyo. Sa January 2020 ay matitikman na ng mga miyembro natin ang maximum benefit na aabot sa P70,000 kung sila ay naghuhulog ng maximum contribution.
====
Tuloy-tuloy pa rin po ang Pension Loan Program para sa ating mga retiree pensioners. Lima hanggang pitong araw lamang ay matatanggap na ninyo ang inyong loan proceeds. Mababa ang interest at walang kinakailangang collateral. Tandaan lamang na kwalipikado lamang sa programang ito ang mga retiree pensioners na 80 taon gulang pababa sa huling buwan ng termino ng utang; walang utang at benefit overpayment na kailangang bayaran sa SSS; at walang nakuhang paunang pensyon sa ilalim ng SSS Calamity Package. Magsadya sa pinakamalapit na SSS sa inyong lugar kung interesado sa programang ito.
====
Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa SSS, mag-log in lamang sa sss.gov.ph o kaya ay mag-email sa member_relations@sss.gov.ph. Tumawag sa numerong (02) 920-6446 hanggang 55 at sundan at i-like ang aming FB page sa SSSph. Maaari rin po kayong magpadala ng e-mail sa akin sa rillortac@sss.gov.ph kung kayo ay may katanungan, paglilinaw o suhestiyon sa paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.