Noong October 2021, naglabas ang SSS ng panuntunan sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) na kung saan lahat ng Retiree Pensioners na naninirahan sa ibang bansa, Total Disability Pensioners, at Survivor Pensioners kasama ang mga dependent children at kanilang mga guardian na naninirahan dito sa Pilipinas at sa ibang bansa ay kinakailangang mag-comply sa ACOP hanggang March 31, 2022 upang hindi matigil ang kanilang buwanang pension. Samantala, ang Retiree Pensioners naman na naninirahan dito sa bansa at edad 85 years old pababa ay hindi na kinakailangang mag-comply sa ACOP.
Ang special schedule sa ACOP ay isinagawa ng SSS matapos ang mahigit dalawang taong pagkakasuspinde nito dahil na rin sa pandemya. Para sa kaalaman ng publiko, ang ACOP ay isa sa mga programang sinimulan ng SSS noong 2012 upang masigurong naibibigay ang pensyon sa mga karapat-dapat na pensyonado at benepisyaryo. Maliban dito, nais din masiguro ng SSS na patuloy nilang natatanggap ang kanilang buwanang pension. May iilan kasi na patuloy pa ring tumatanggap ng benepisyo kahit yumao na ang miyembro o nakapagangasawa na muli ang mga surviving spouse. Kaya naman ipinatutupad ng SSS ang programang ito para maiwasan ang mga ganitong insidente at para maprotektahan na rin ang pondo ng SSS laban sa mga posibleng fraudulent claims.
Para sa mga hindi pa nag-ACOP para sa taong 2021, narito ang mga panuntunan ng SSS:
Para sa mga Retiree Pensioners, Disability Pensioners at mga Survivor Pensioners na naninirahan abroad, maaari silang mag-comply sa ACOP sa pamamagitan ng video conference gamit ang Microsoft Teams. Maaaring magpadala ng request for appointment sa pamamagitan ng email sa ofw.relations@sss.gov.ph at hintayin ang e-mail confirmation mula sa SSS na naglalaman ng kanilang transaction reference number at link sa Microsoft Teams. Sa kanilang video conference, kinakailangan magpakita ang pensyonado ng isang primary ID o dalawang secondary ID.
Para naman sa mga Survivor Pensioners at dependent children at kanilang mga guardians na naninirahan dito sa bansa, maaari silang magpadala ng kanilang dokumento sa pamamagitan ng corporate email ng SSS branch. Bisitahin ang aming website www.sss.gov.ph para alamin ang corporate email ng pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar at ipadala ang mga sumusunod na dokumento: Nasagutang ACOP Form (downloadable sa sss.gov.ph), isang kopya ng primary ID – dalawa kung secondary ID, pirmadong Self-Declaration Form of Non-Marriage/ Non-Cohabitation (para sa mga survivor pensioners, downloadable din sa sss.gov.ph) at half-body picture ng pensioner na may hawak na kasalukuyang diyaryo o may background na TV news program kung saan kita ang date nito. Kapag magpapadala ng e-mail, sundin ang format na ito sa e-mail subject: ACOP Compliance, Pensioner’s Name, SS number. Halimbawa: ACOP Compliance, Juan dela Cruz, 01-12345678-9.
Ang isa pang option ay ang pagpapadala ng mga dokumento sa pinakamalapit na branch sa pamamagitan ng courier service. Ang mga pensioner na nasa abroad ay maaari rin piliin ang option na ito at i-address sa SSS OFW-Contact Services Section, SSS Main Office, Quezon City o kaya sa pinakamalapit ng SSS foreign office.
Para naman sa mga Total Disability Pensioners, maaaring magsadya sa SSS branches ang mga kaanak nila upang iiwan ang envelope na naglalaman ng kanilang dokumento sa mga drop boxes. Siguruhin lamang na kumpleto ang inyong contact details sa inyong form para matatawagan kayo ng ating branch personnel para sa inyong appointment. Karagdagang dokumento para sa mga Total Disability Pensioner ay ang medical certificate na nagmula sa kanilang doktor. Kailangan din nilang magpakita ng certified true copy ng kanilang laboratory result na nakuha sa loob ng isang taon mula sa kanilang birth month.
Ang huling option para sa mga Disability Pensioner ay ang pag-request ng pamilya nito ng Domiciliary Medical Service o home visit. Mismong SSS employee ang bibisita sa Total Disability Pensioner. Maaari silang magpadala ng request sa pamamagitan ng e-mail o mag-iwan ng sulat sa drop box sa pinakamalapit na SSS branch.
Marahil ay nais kumpirmahin ng ating mga pensyonado kung naiproseso na ba ang kanilang ipinasang ACOP compliance. Para sa mga nagsumite via dropbox, huwag mag-alala dahil kokontakin naman kayo ng ating branch personnel. Samantala, makakatanggap naman ng email ang mga nagpadala sa pamamagitan ng mail/courier or corporate email. Subalit, kung nalalapit na ang deadline at nag-aalala kayo dahil wala pang natatanggap na kumpirmasyon mula sa ating branch, maaari kayong tumawag sa ating SSS branch. Bisitahin lamang ang aming SSS website para sa branch directory.
Sino man na hindi makapag-comply sa ACOP hanggang Marso 31, 2022 ay matitigil ang pagtanggap ng kanilang pensyon sa May 2022 (para sa kanilang April 2022 pension).
Simula April 2022 ay ipagpapatuloy na ang ACOP base sa itinakdang schedule. Ang mga retirement pensioners na nasa abroad at total disability pensioners ay kailangan nang magreport sa SSS tuwing sasapit ang kanilang buwan ng kapanganakan. Samantala, ang mga survivor pensioners, dependent children at kanilang guardians naman ay magrereport sa SSS tuwing sasapit ang birth month ng namatay na miyembro.
Para sa mga karagdagang impormasyon, sundan lamang ang SSS sa aming opisyal na Facebook page at YouTube channel sa “Philippine Social Security System,” sa Instagram sa “mysssph”, Twitter sa “PHLSSS,” bisitahin ang USSSap Tayo Portal crms.sss.gov.ph o sumali sa aming SSS Viber Community sa “MYSSSPH UPDATES.” Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.