Mahigit isang taon na ang nakakaraan nang ilunsad ng SSS ang Run After Contribution Evaders (RACE) Campaign para maitaas ang kamalayan ng employers tungkol sa kanilang ligal na obligasyon sa SSS. Isa rin itong napakalakas at napakabisang paraan para pataasin ang koleksyon ng ahensiya.
Sa ilalim ng RACE Campaign, personal na pinupuntahan ng mga opisyal ng SSS ang mga delingkwenteng employer at pinapaskilan ng Show Cause Oder ang kanilang mga establisyemento. Bukod sa mga hindi nagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado, target din ng RACE Team ang employers na hindi inirerehistro ang kanilang negosyo sa SSS, hindi nagrereport ng tamang bilang ng mga empleyado (under reporting), hindi nagrereport ng kanilang mga empleyado (non-reporting) at hindi nagsusumite ng datos ng kanilang mga empleyado.
Nakasaad sa Show Cause Order na kailangan mag-report ang delingkwenteng employer sa SSS sa loob ng labin-limang araw para sagutin ang kanilang mga obligasyon sa SSS. Kung hindi pa rin sila sumunod ay mapipilitan ang SSS na ihabla sila sa korte.
Sa tala ng SSS RACE Team noong 2018, 87 sa 115 employers na binigyan ng Show Cause Order ay agad na tumupad sa kanilang obligasyon sa SSS, samantalang ang natitirang bilang ay nagpa-abot ng kahandaan at kagustuhang ayusin ang kanilang problema sa SSS.
Inumpisahan noong 2017 ang pagiikot ng RACE Team sa Greenhills, San Juan at Cubao, Quezon City. Mula noon ay sunod-sunod na ang mga binisitang probinsya ng SSS sa buong bansa. Noong 2018, pumunta ang SSS RACE Team sa Batangas, Pangasinan, Palawan, Davao, General Santos, Bacolod, Pagadian, Laoag, Naga at Butuan.
Isa sa mga naging resulta ng RACE Campaign ay ang pagtaas ng bilang ng rehistradong employers sa ilang SSS branches kung saan isinagawa ang nasabing operasyon. Dahil dito, mas nadagdagan pa lalo ang bilang ng SSS members. Sa Puerto Princesa na lamang, tumalon sa 8,996 ang bilang ng employer registration noong nagkaroon ng RACE. Samantala, noong 2017 ay nasa 8,039 lamang ang rehistradong employers dito. Nakapagtala rin ng pagtaas ng employer registration sa Butuan (8.40% increase), Laoag (8.79% increase), Lipa (6.22%) at Dagupan (6.10%).
Ngayong 2019, hindi titigil ang SSS RACE Team sa kanilang kampanya laban sa mga mapagsamantala at pabayang employers. Siguradong patuloy nilang susuyurin ang iba panglugar sa bansa para dito. Kaya naman ito’y isang malakas na panawagan sa mga employers na huwag ninyong talikuran ang inyong obligasyon sa SSS. Ayusin ninyo agad ito kung ayaw ninyong mapaskilan ng Show Cause Order ang inyong mga establisyemento.
Isa kaya ang Baguio City sa susunod na bibisitahin ng RACE Team ngayong taon? Abangan!
====
Good news sa mga members natin na techy lalong lalo na ang mga gumagamit ng Android 4.4 Kitkat o mas mataas pa at IOS 8.0 smartphones.
Pwede n’yo na i-download sa inyong mobile phones ang SSS Mobile Application upang ma-access ang inyong Payment Reference Number o PRN. Ang PRN ay ginagamit ng mga Voluntary, Self-Employed, Overseas Filipino Workers (OFWs) at Non-Working Spouse members sa kanilang pagbabayad ng monthly o quarterly contributions.
Bukod sa PRN, maaari rin makita sa SSS Mobile App ang inyong Statement of Account, mag-apply ng Salary Loan at mag-submit ng Maternity Notification, i-update ang contact information tulad ng landline at mobile number, email address, at lokasyon ng inyong tirahan dito sa Pilipinas at sa abroad. May locator button rin sa SSS Mobile App kung saan makikita ng miyembro ang pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar at bibigyan pa kayo ng direksyon kung paano pumunta rito.
====
Bigyan tugon naman natin ngayon ang ipinadalang katanungan ng ilang miyembro tungkol sa SSS:
Good day SSS,
Pwede ko bang kausapin ang aking boss na huwag na akong kaltasan ng SSS
contribution ko kasi voluntary member na ako? Maraming salamat.
-BinibiningMestiza
BinibiningMestiza,
Hindi maaaring maging Voluntary Member ang isang employed sa private sector. Sa ilalim ng batas ng SSS, ligal na obligasyon ng employer na i-report ang kanyang empleyado sa SSS at kaltasan ito ng nararapat na halaga para sa SSS contribution nito. Sa ilalim ng bagong SS Law, paghahatian ng employer (8% ng MSC) at empleyado (4% ng MSC) ang buwanang SSS contribution. At dahil ikaw ay employed, entitled ka rin sa Employees’ Compensation – isa pang klaseng ng benepisyo na pwede mong matanggap kung ikaw ay nagkasakit, nabalda o namatay habang nasa trabaho. Sagot ng employer mo ang kontribusyon mo sa EC.
====
Magandang Araw po,
I heard may Unemployment Benefit na po sa SSS? Paano po ito i-avail? Big thanks!
-Milts2020
Milts2020,
Tama po ang balita. Sa bagong batas ng SSS, nakapaloob dito ang Unemployment Insurance kung saan makakatanggap ng dalawang buwang ayuda mula sa SSS ang mga inboluntaryong natanggal sa trabaho. Kailangang mayroon silang hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon, kung saan labin-dalawang buwan doon ay kinakailangang nakapaloob sa 18 month-period bago ang inboluntaryong pagkakatanggal sa trabaho. Hinihintay lamang natin matapos ang binubuong Implementing Rules and Regulations (IRR) ukol dito para lubusan nang matamasa ng mga kwalipikadong miyembro ang benepisyong ito.
====
Para sa anumang suhestiyon, opinyon at iba pang katanungan tungkol sa inyong SSS membership, ipadala lamang sa aking e-mail address sa rillortac@sss.gov.ph at susubukan nating pag-usapan yan sa ating susunod na column.