Dalawang linggo na ang nakakaraan noong tinalakay natin ang tungkol sa SSS Death Benefit at kung sino ang itinuturing na legal beneficiaries. Sa pagpapatuloy ng ating espesyal na column, pag-uusapan naman natin ngayon ang mahahalagang impormasyon tungkol sa benepisyong ito tulad ng mga dokumentong kailangang ihanda ng mga claimant at ang proseso ng pagpa-file ng aplikasyon.
Dahil sa digitalization program ng SSS, ang legal spouses na SSS member at walang dependent children ay maaari nang magpasa ng death benefit application online gamit ang kanilang My.SSS account. Kung hindi pasok sa nabanggit na kondisyon, over the counter na ang filing ng aplikasyon sa benepisyong ito. Dapat ipresenta ng claimant ang orihinal at photocopy ng mga dokumento. Ang mga basic documentary requirements ay ang mga sumusunod:
- Death Claim Application Form/ Death Claim Application under Portability Law na mada-download sa website ng SSS na sss.gov.ph.
- Kasama rin ang Member’s/Claimant’s Photo and Signature Card, kung ang claimant ay walang na-issue na UMID card
- Death Certificate ng namatay na miyembro na rehistrado sa Local Civil Registry (LCR) o nagmula sa Philippine Statistics Authority (PSA), kung wala pa o hindi pa natatanggap ang SSS Funeral Claim.
Kung ang miyembro ay namatay sa ibang bansa, ang isusumiteng Death Certificate ng namatay na miyembro ay dapat inisyu ng sa Vital Statistics Office/County of Host Country o katumbas na opisina o sangay nito o kaya ay Report of Death na nagmula sa Philippine Embassy o Consulate General.
- UMID card na na-enroll bilang ATM o disbursement account tulad nang Passbook; ATM card na may pangalan ang claimant at account number; validated initial deposit slip; duly signed Bank Certificate o Statement na inisyu sa loob ng tatlong buwan bago ang filing ng death benefit claim na nagtataglay ng mga impormasyon tulad ng kumpletong pangalan ng claimant, savings account number, sangay ng banko at kumpletong address ng bangko. Isa pang halimabawa ng disbursement account ay ang Unionbank QuickCard. Tandaan na ang mga nabanggit na disbursement account ay Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) participating banks/disbursement channels. Maaari rin ang E-Wallet tulad ng Maya at Remittance Transfer Companies o Cash Pick Up outlets gaya ng MLuillier.
- ID Card ng claimant o anumang dokumento na may litrato, pirma at biometric process. Makikita ang buong listahan ng mga primary at secondary IDs sa SSS website www.sss.gov.ph.
May mga pagkakaton na humihingi ang SSS ng mga karagdagang dokumento sa claimant lalo na kung may nakitang discrepancy o pagkakaiba sa impormasyon na nakalahad sa personal record ng namatay na miyembro. Sa mga ganitong sitwasyon, kailangang makita ng SSS ang marriage certificate ng namatay na miyembro kung may pagkakaiba sa impormasyon ng idineklarang asawa o kaya naman birth certificate ng mga bata kung kailangan suriin ang impormasyon ng dependent children.
May dokumento rin na kailangang ipasa sa SSS kung ang claimant ay ang secondary beneficiaries o mga magulang ng namatay ng miyembro. Halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
- Birth Certificate ng namatay na miyembro, pormal na nakarehistro sa LCR o PSA. Kailangan ito ng SSS kung ang mga magulang o isa sa mga magulang ay nakalagay sa Personal Record ng namatay na miyembro.
- Alinman sa mga sumusunod na LCR/PSA certified Death Certificate ng:
- asawa, kung ang namatay na miyembro ay balo na noong siya ay namatay
- dependent child/ren
- parent, kung isa sa magulang ay patay na
- Marriage Certificate ng mga magulang at pormal na nakarehistro sa LCR o PSA, kung ang petsa ng pagkamatay ng miyembro ay bago 24 May 1997
- Panghuli, affidavit na nagpapatunay na nakadepende ang mga magulang sa suportang ibinibigay ng namatay na miyembro.
Tandaan po natin na ang pagproseso ng SSS Death Benefit ay mabusisi sapagkat nais ng SSS na maibigay ang tamang halaga ng benepisyo sa tamang claimant. Bukod sa mga basic documentary requirement, ang mga karagdagang dokumento ay kailangang isumite sa SSS depende sa claimant at sa dokumentong pinirmahan ng namatay na miyembro.
Para sa karagdagang impormasyon sa SSS Death Benefit Claim, pumunta lamang sa link na ito sa aming opsiyal na website: https://www.sss.gov.ph/death-benefit/.