Matapos ang ating agresibong kampanya para sa SSS Pension Loan Program, nagsimula nang magsidatingan ang ilang mga katanungan at paglilinaw tungkol sa programang ito. Mula sa mga ito ay pumili tayo ng mga madalas na itinatanong ng karamihan para sagutin isa-isa sa column natin ngayong linggo:
Tanong: Para sa mga Retiree Pensioners lang ba ang SSS Pension Loan? Paano naman kaming mga survivor at disability pensioners?
Sagot: Sa ngayon, ang SSS Pension Loan ay nai-programa pa lamang sa mga Retiree Pensioners. Hindi pa po kasali ang mga Survivor at Disability Pensioners. Wala kasing insurance company na tumatanggap ng CLI para sa mga Total Disability Pensioners.
Tanong: Online ba ang application? Bakit yung kumpadre ko na nag-avail, pumunta daw sa SSS branch para mag-file? Mas mabilis daw matanggap kapag sa branch i-file?
Sagot: Kung first-time magpa-file o mag-aavail ng Pension Loan, gagawin ito sa SSS branch office at over-the counter itong ipa-file dahil bibigyan kasi ng SSS ang pensioner-borrower ng Unionbank Quick card na kung saan paglalaanan ng kaniyang loan proceeds. Sa susunod na nais muling mag-avail ng pension loan, pwede na itong gawin online gamit ang kanilang My.SSS account.
Tanong: Rejected yung Pension Loan application ng lolo ko dahil daw lagpas na raw siya sa age requirement?
Sagot: Sa ilalim ng programang ito, maaaring lamang makautang ang isang pensyonado na 85 taon pababa ang edad sa katapusan ng termino ng pautang.
Tanong: Magkano ang pwedeng utangin sa ilalim ng Pension Loan Program ng SSS?
Sagot: Depende sa buwanang pension ng Retiree Pensioner. Maaaring manghiram ng katumbas ng kanyang 3 months, 6 months, 9 months o 12 months basic pension, kasama na ang karagdagang P1,000 benepisyo na ibinigay sa lahat ng SSS pensioners noong Enero 2017. Babayaran ang pension loan sa loob ng anim na buwan kung katumbas ito ng tatlong buwang pensyon, 12 buwan naman kung katumbas ito ng anim na buwang pensyon, at 24 buwan kung katumbas ito ng siyam o 12 buwang pensyon.
Tanong: Ano ang CLI at ano ang kinalaman nito sa aming Pension Loan?
Sagot: Ang CLI o Credit Life Insurance ay siyang magbibigay ng proteksyon at garantiya sa pagbabayad ng utang ng ating retiree pensioners kung sakaling sa hindi inaasahang pangyayari ay mamatay sila at may natitira pang balanse sa kanilang utang. Samakatuwid, hindi na po-problemahin ng naiwang pamilya ang utang ng pensioner-borrower dahil babayaran na ito ng insurance.
Tanong: Magkano ang interest sa Pension Loan at paano ito babayaran ng Retiree Pensioner?
Sagot: 10% kada taon ang interes nito at kinukwenta ito batay sa lumiliit na balance (diminishing balance) sa panahon ng pagbabayad. Magiging bahagi ito ng monthly amortization o 0.83% kada buwan.
Tanong: Retiree pensioner ang Dad ko pero US-based siya ngayon. Pwede ba siya mag-avail ng Pension Loan?
Sagot: Hindi pa po. Sa ngayon, ang maaaring mag-avail ng Pension Loan ay mga retiree-pensioners na naninirahan dito sa Pilipinas. Subalit, pinaga-aaralan na ng SSS kung paano isasama sa programa ang mga Retiree Pensioners na naninirahan sa labas ng bansa.
Tanong: Bakit kailangan pang kumuha ng Unionbank Quickcard para sa Pension Loan? Hindi pa ba sapat ang aming mga bank accounts na kung saan pumapasok ang aming SSS pension?
Sagot: Sa kasalukuyan, sa Unionbank Quick Card at Unified Multipurpose Identification (UMID) Card na nakaenroll bilang ATM Card lang maaaring i-deposit ang mga pension loan proceeds. Subalit, kasalukuyan nang inaayos ng SSS na mapabilang ang mga PESONet participating banks para sa mas malawak na loan disbursement channels. Hintayin lamang ang aming susunod na mga anunsyo.
===
Para sa mga karagdagang impormasyon, sundan lamang ang SSS sa aming opisyal na Facebook page at YouTube channel sa “Philippine Social Security System,” sa Instagram sa “mysssph”, Twitter sa “PHLSSS,” o sumali sa aming SSS Viber Community sa “MYSSSPH UPDATES.” Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.