Sa ginanap na malawakang Run After Contribution Evaders (RACE) campaign noong April 30, maraming employers ang nakatanggap ng notice of violation mula sa SSS. Makalipas ang isang buwan, marami sa kanila ang agad agad na tumalima sa kanilang mga obligasyon.
Dito na lamang sa lungsod ng Baguio, lahat ng binisitang employers ay nakapag-comply na sa SSS. Agad agad nilang inayos ang kanilang pagkukulang sa SSS tulad ng pagre-remit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado, pagususumite ng kanilang payroll accounts para ma-compute ang kanilang babayaran sa SSS, at ang ilan ay pumirma na ng aplikasyon para sa Installment Payment Plan para unti-unting mabayaran ang kanilang past-due contributions at naipong multa. Sa ginawang aksyon ng ating employers, napatunayan nating epektibo ang istratehiya ng SSS sa pagtugis sa delingkwenteng employers.
Gayunpaman, may ilang employers na tila nagmamatigas at hindi pinapansin ang sulat mula sa ahensiya. Ayon sa SSS Baguio, inaayos na ang mga dokumento ng ilang employers para i-endorso sa aming legal cluster unit at sila na ang magsasampa ng kaso laban sa mga ito.
Noong nakaraang linggo rin ay ibinalita ng SSS ang pagsasampa nito ng kasong criminal laban sa apat na employers dahil sa hindi pagreremit ng halos P15 milyong kontribusyon at multa. Ayon din sa balita, may 655 delinquent employers pa ang nakatakdang sampahan ng kaso dahil na rin sa paglabag sa probisyon ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018.
Kapartner natin ang employers sa pagbibigay ng karampatang benepisyo sa ating mga miyembrong nasa private sector. Subalit, hindi kami magaatubiling gamitin ang buong pwersa ng batas para sila ay parusahan dahil sa kawalan ng aksyon sa kabila ng aming paalala.
Seryoso ang aming SSS President and CEO Rolando Ledesma Macasaet noong sinabi niyang ipakukulong niya ang employers na patuloy na lumalabag sa batas. Nakokompormiso kasi ang benepisyo at pribilehiyo ng kanilang mga manggagawa sa tuwing hindi nila inireremit sa SSS ang kanilang kontribusyon. Kaya narito ang SSS para tuparin ang mandato nitong magbigay ng social security protection sa bawat manggagawang Pilipino at kolektahin ang hindi naireremit na kontribusyon at naipong multa. Mula sa pagsesend ng SSS Account Officers Statement of Accounts, billing at demand letters, pag-abot ng violation notices habang nagsasagawa ng RACE Campaign, hanggang sa pasasampa ng kasong kriminal para pagbayaran ang kanilang pagpapabaya sa kanilang mga obligasyon.
Sa kabilang banda, taos puso kaming nagpapasalamat sa mga employer na agarang nakipag-ugnayan sa aming opisina para makapagcomply. Sa wakas ay maganda ang estado ng kanilang rekords sa SSS matapos namin silang tulungan sa pagpoproseso ng kanilang aplikasyon sa Contribution Penalty Condonation Program. Naalala ko tuloy ang isang employer na nakausap ko noong nakaraang linggo. Isa siya sa mga binisita noong nag-RACE Campaign sa Baguio dahil sa hindi pagreremit ng kontribusyon ng kaniyang apat na empleyado. Wala siyang magawa noon kundi sumunod sa batas. Dahil nagqualify siya sa programang ito, magaan niyang nabayaran ang kaniyang delinquency.
Sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation Program, aalisin ang naipong penalty matapos bayaran ng employer ang principal delinquency at interes ng isang bagsakan o installment, depende sa halaga na babayaran.
Para sa mga employer na nakapagavail ng aming condonation program, sana ay matiyaga niyong bayaran ang inyong monthly amortizations hanggang sa pagtatapos ng payment term. Gawin niyo ito hindi dahil sa takot kayong makasuhan at makulong. Gawin niyo dahil dahil ito ang tama niyong gawin para sa kapakanan ng inyong mga empleyado.
Para sa mga employer na nananatiling delingkwente, panahon na para sumunod sa batas at huwag maging pabaya sa kanilang obligasyon. Laging bukas ang pintuan ng SSS para tulungan maisaayos ang kanilang delinquencies. Handang umalalay ang aming Accounts Officers sa anumang mga katanungan ng ating employers.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Ang Usapang SSS ay nasa radyo na rin! Tumutok sa 96.7 K-Lite tuwing Lunes, 8AM hanggang 9AM. Maaari rin kaming panoorin nang live sa 96.7 K-Lite FM FB page.