Bago matapos ang buwan ng Abril, isinagawa ng SSS ang malawakang Run After Contribution Evaders (RACE) Campaign sa buong bansa. Aabot sa 108 sangay ng SSS ang sabay-sabay na bumisita sa kani-kanilang mga nasasakupang delingkwenteng employers para paalalahanan sila sa kanilang mga legal na obligasyon sa SSS.
Hindi na bago ang SSS RACE campaign. Sa katunayan, 2017 pa inilunsad ang kampanyang ito sa National Capital Region (NCR). Noong una ay nagpapaskil ang SSS ng Show Cause Order sa mga establisyimento upang bigyan sila ng 15 araw para mag-comply sa SSS. Kalaunan ay inilunsad na rin ito sa mga probinsya para kalampagin ang mas maraming employers na tuparin ang kanilang mga obligasyon gaya ng pagrerehistro ng kanilang kumpanya sa SSS; pagrereport sa SSS ng tamang bilang ng kanilang empleyado; pagreremit sa SSS ng kontribusyon ng kanilang empleyado kahit pa ikinaltas na nila ito sa kanilang buwanang sahod; at pagpapakita ng anumang dokumento tulad ng payroll o SSS collection list.
Ngunit, noong dumating ang pandemya, batid ng SSS na marami sa mga employers ang nawalan ng kita o nalugi dahil sa mahabang lockdown kaya naman napabayaan nila ang kanilang obligasyon sa SSS. Sa pagnanais ng ahensiya na tulungan silang makabawi, inilunsad ng SSS ang mga programang tulad ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program at ang Contribution Penalty Condonation and Restructuring Program.
Ang dalawang programang ito ang iniaalok ngayon ng SSS habang nagsasagawa ng RACE Campaign. Inaanyayahan ang mga employers na magpunta sa SSS na nakakasakop sa kanila sa loob ng 15 araw mula nang matanggap ang written notice at bibigyan sila ng pagkakataon na maisaayos ang kanilang mga obligasyon.
Hangga’t maaari ay nais pa rin ng SSS na bigyan ng pagkakataon na makapagbayad ang ating mga employers para naman matamasa ng kanilang mga empleyado ang mga benepisyo at pribiliheyo sa SSS. Mahalaga ang SSS sa bawat empleyado dahil karapatan nilang magkaroon ng social security protection. Ang bawat kontribusyon ay may katumbas na benepisyo kung sila man ay magkasakit, manganak, mabalda, mawalan ng trabaho, magretiro, hanggang sa sila ay mamatay. Maliban dito, ang kanilang mahal sa buhay o mga itinalagang benepisyaro ay maaaring makatanggap ng benepisyo sa SSS basta’t pasok ang mga ito sa mga alituntunin ng SSS.
Tandaan na ang paglabag sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 ay maaaring mahantong sa 6 hanggang 12 na taon na pagkakakulong at pagbabayad ng multa. Kaya naman ganoon na lamang ang aming pagkumbinsi sa mga employers na bayaran ang kanilang delinquency sa SSS para hindi na sila maabala sa mahabang legal na proseso. Kakatapos pa lamang ng National Labor Day Celebration. Marapat lamang na gawing prayoridad ng negosyante ang social security protection ng kanilang manggagawa. Suklian nila ng maayos na pamamahala at pagsunod sa batas ang sipag at dedikasyon ng kanilang mga manggagawa.
Magpadala lamang ng email sa mediaaffairs@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.