Para sa mga Pinoy, isa sa pinakamasayang bahagi ng taon ay ang “ber” months. September pa lang ay may nagpapatugtog na ng Christmas songs at nagsasabit na ng mga makukulay na dekorasyon. Syempre, excited na rin ang bawat manggagawa na makatanggap ng bonus para makapaghanda sa Noche Buena. Bukod sa kaliwa’t kanang family reunions at Christmas parties, tuwing “ber” months din nagsisidatingan ang mga kaanak mula sa ibang bansa para makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay na matagal nang hindi nakasama.
Bahagi ng kampanya ng SSS ang mandatory coverage ng mga OFWs o mga Pilipinong nagta-trabaho at naninirahan na sa ibang bansa. Sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, mandatory o compulsory ang coverage para sa mga land-based at sea-based OFWs na walang pang 60 taong gulang. Ang mga matagal nang naninirahan sa ibang bansa pero nanatiling Filipino citizen ay dapat ding mag miyembro sa SSS.
Ngayong 2022, ang minimum contribution ng OFWs ay P1,040 at P3,250 naman ang maximum contribution. Kapalit ng SSS contribution ay pitong benepisyo: Sickness, Maternity, Disability, Unemployment, Retirement, Death, at Funeral Benefit. Hindi pa kasama rito ang pribilehiyong magkapag-loan sa ilalim ng Salary, Calamity, Educational, at Pension Loan.
Maluwag din ang contribution payment schedule para sa mga OFWs. Ang kontribusyong para sa January hanggang September ay maaaring mabayaran hanggang sa huling araw ng paggawa sa October. Ang kontribusyon naman para sa buwan ng October hanggang December ay maaaring bayaran hanggang January sa susunod na taon.
Pinadali rin para sa OFWs ang pagbabayad ng kanilang contribution at loan dahil sa mga online payment facilities tulad ng Bayad Online (dating CIS Bayad Center, Inc.); Paymaya at iRemitx. Maaari rin nilang gamitin ang SSS Mobile App para makapagbayad ng SSS contribution sa pamamagitan ng PayMaya at BPI Online.
Samantala, may 28 foreign offices ang SSS sa iba’t-ibang panig ng mundo kung saan maaaring magpunta ang ating mga kababayan para sumangguni o magsumite ng mga dokumentong kinakailangan para sa kanilang benefit applications. Ang foreign offices ng SSS ay nasa Abu Dhabi, Al Khobar, Bahrain, Brunei, Calgary, Doha, Dubai, Hong Kong, Jeddah, Jordan, Kaohsiung, Kuala Lumpur, Kuwait, London, Los Angeles, Macau, Madrid, Milan, New York, Oman, Riyadh, Rome, San Francisco, Singapore, Taipei, Tel Aviv, Toronto at Vancouver. Ang lokasyon ng ating foreign offices ay makikita sa loob ng embahada ng Pilipinas. Sa katunayan, may isa rin tayong SSS office sa loob ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Office sa Ortigas.
Sa mga OFWs na uuwi dito sa Pilipinas ngayong “ber” months at hindi pa SSS member, isama niyo naman sa inyong itinerary ang pagbisita sa pinakamalapit na SSS branch para magparehistro. Mag-fill out kayo ng Overseas Worker Record of SS Form OW-1 at lakipan ng anumang government issued ID.
Kung hindi pa kayo nakarehistro sa My.SSS Portal, samantalahin niyo na rin ang pagkakataong magpaturo sa ating branch personnel sa SSS branches para makagawa ng sarili ninyong My.SSS account. Bagay na bagay ang online service na ito sa lahat ng OFWs dahil maaari nilang i-access ang kanilang SSS records nang hindi umaalis sa kanilang tahanan o opisina.
Kahit nakabalik na kayo sa ibang bansa, madali niyong makikita ang estado ng inyong transaksyon sa My.SSS gaya ng benefit claims, loan application, contribution at loan payments, at marami pang iba.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.