Layunin ng bawat manggagawang Pilipino ang kumita at mag-ipon para may pangtustos sa pangaraw-araw na pangangailangan. Subalit, dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng medical emergency at mga prayoridad na gastusin gaya ng edukasyon, kapital sa negosyo, private investment o insurance, at pambayad sa biniling bahay o sasakyan, sadyang napakahirap ang mag-ipon. Sa katunayan, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nakakalimot na magtabi para sa kanilang sarili bilang pahahanda sa kanilang retirement o pagtanda.
Dahil batid ng SSS ang ganitong suliranin ng mga manggagawa, naisip nitong bumuo ng isang programa upang matulungan ang SSS members na lumaki ang kanilang maaaring maging pensyon sa tulong ng SSS Mandatory Provident Fund (MPF) Program.
Tulad ng aking nabanggit noong nakaraang linggo, ang MPF Program ay isang retirement savings scheme para sa SSS members upang makatanggap ng karagdagang benepisyo bukod sa regular Social Security (SS) benefits.
Sakop nito ang lahat ng SSS members na hindi pa tumatanggap ng final claim sa SSS tulad ng Total Disability, Retirement at Death Benefit at naghuhulog sa ilalim ng P20,500 Monthly Salary Credit (MSC) pataas.
Halimbawa, kung ang isang miyembro ay nagbayad sa ilalim ng P20,500 MSC batay sa 15% contribution rate, ang kaniyang monthly SSS contribution ay P3,075. Mula rito, mapupunta ang P3,000 sa kaniyang regular social security contribution. Samantala, ang P75 ay ihuhulog sa kaniyang MPF account bilang savings at investment. Kung ang MSC naman ng miyembro ay nasa maximum na P35,000, ang kontribusyon nito batay sa 15% contribution rate ay P5,250.00. Mula rito, ang P3,000 ay mapupunta sa kaniyang regular social security contribution at ang P2,250.00 naman ay magiging hulog niya MPF Program.
Ang mga miyembro na naghuhulog sa ilalim ng P20,500 MSC hanggang sa P35,000 ay awtomatikong mapapabilang sa MPF Program at magkakaroon ng individual account para sa kanilang kontribusyon sa nasabing retirement savings scheme. Wala nang enrolment na kailangang gawin ang mga kwalipikadong miyembro.
Pagdating sa employed members, ang kontribusyon sa MPF Program ay paghahatian ng employer at employee tulad sa hatian ng paghuhulog ng regular na SSS contribution.
Ang kontribusyon na inihuhulog ng mga mga miyembro na kabilang sa MPF Program ay i-i-invest ng SSS sa iba’t-ibang investment instruments upang mapangalagaan ang kapital at mapalago ang kita. Ang investment earnings na kikitain ng nasabing pondo ay ibabalik nang proporsyonal sa bawat account ng mga miyembro. Makikita ang kabuuang kontribusyon at kita sa kanilang My.SSS account. Mataas ang kumpiyansa ng pamunuan ng SSS sa 7.2% return of investment noong 2024. Malakas at masigla kasi ang ating merkado at ekonomiya ngayon.
Anumang halaga na maiipon ng mga miyembro o ang total accumulated account value ay matatanggap nila nang buo kasabay ng pagtanggap ng kanilang Retirement Benefit o Total Disability Benefit.
Bilang paglalarawan, tinatayang aabot sa higit P33,000 ang magiging buwanang pensyon ng isang miyembrong naghuhulog sa kaniyang MPF account simula pa noong January 2023, naghuhulog ng kontribusyon sa ilalim ng maximum Monthy Salary Credit at planong magretiro sa edad na 60 taong gulang. P16,600 kasi ang tinatayang halaga ng kanilang regular SSS pension samantalang lagpas P16,000 naman ang maaaring matanggap sa ilalim ng MPF Program na may 7.2% ROI.
Hindi lamang social security protection ang prayoridad ng SSS kundi ligtas at tax-free na retirement savings scheme para sa ating mga miyembro.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.