Noong nakaraang linggo ay naimbitahan tayo ng ilang mga negosyante at vendor sa palengke para ituro sa kanila kung paano gamitin ang My.SSS Portal at kung ano ang magandang maidudulot nito sa kanila. Bagamat marami sa kanila ay hirap pa sa teknolohiya, hindi naman ito naging hadlang para subukan ang digital platform ng SSS. Sabi nga ng isa sa kanila, kailangan nila itong matutunan para makasabay sila sa mabilis na takbo ng modernisasyon.
Ang My.SSS ay portal ng ating mga miyembro at employers para sa online transactions ng SSS. Importante na ang lahat ng miyembro, employers, at maging mga pensionado, ay mayroong My.SSS account.
Ang unang hakbang sa pagkakaroon ng My.SSS account ay ang pagkakaroon ng aktibong e-mail address. Doon kasi ipinapadala ng SSS ang registration notifications at kalaunan ay doon na rin sila makakatanggap ng status o updates tungkol sa kanilang SSS transactions.
Kapag mayroon ng e-mail address, magpunta lamang sa SSS website www.sss.gov.ph. Bago na ngayon ang itsura ng SSS Website. Mas madali nang mag-navigate dahil ang icons ay nakabase sa pangangailangan ng bawat users. Pagpasok mo pa lamang sa web page nito ay makikita mo na ang icon na “Create a My.SSS account or login” at pindutin ang Create account. I-reredirect ang user sa isang template kung saan kinakailangan i-click ang “I CERTIFY” at “PROCEED.” Sagutan ang mga hinihinging impormasyon lalo na ang mga may pulang marka. Matapos nito, pindutin ang “SUBMIT” at abangan ang e-mail notification sa rehistradong email address.
Mula sa ipinadalang e-mail ng SSS, gumawa ng password at i-encode ang huling anim na numero ng inyong Social Security (SS) Number. Kapag naging successful ang step na ito, ireredirect na ang miyembro sa kanyang My.SSS account dashboard at pasasagutan ng Security Questions para i-verify ng SSS ang identity ng miyembro kung sakaling makalimutan nito ang kaniyang password.
Kung natanggap na ng system ang sagot sa Security Questions, babalik ito sa member account dashboard at makikita rito ang kanilang litrato, pangalan, SS Number at petsa kung kailan papalitan o i-update ang account password ng miyembro.
Makikita rin sa dashboard Home, Member Info, Inquiry, benefits, Loans, Services, at Payment Reference Number menus.
Sa ilalim ng Member Info, makikita ang Member Details, Update Contact Info, Change Password, Employment History, Appointment System, UMID/SSS ID Details at Update Security Questions. Sa ilalim ng Inquiry, nariyan ang Benefits, Contributions, Eligibility, Loan Info at RTC/CPO Reference Number Inquiry.
Sa Benefits drop-down, maaari kang magsubmit ng iba’t-ibang applications online at hindi na kailangang pumunta sa opisina ng SSS. Nariyan ang pagsusumite ng Maternity Notification, Maternity Benefit, Adjustment for Maternity Benefit, Sickness Benefit, Adjustment for Sickness Benefit, Unemployment Benefit, Retirement Benefit, Disability Claim, Funeral Benefit at Death Benefit.
Loan naman ang sumunod sa drop-down menu at mula rito ay maari kang magapply ng Salary Loan, Calamity Loan, Pension Loan at Conso Loan o ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loan with Condonation of Penalty Program.
Sa Services naman, doon i-eenrol ang inyong bank accounts sa ilalim ng Disbursement Modules; Membership Records kung saan maaaring magsumite ng Request for Member Data Change, makapagrequest ng Upgrade to UMID ATM Pay Card, mag-enroll sa Voluntary Pension Booster at mag-enroll para sa Auto Debit Arrangement. Panghuli sa menu ang Payment Reference Number kung saan dito makaka-generate ng PRN para sa contribution at loan payments.
Mission accomplished na naman tayo dahil naipabatid natin ang ginhawang dulot ng pagkakaroon ng My.SSS Account at kung paano gamitin ito. Pabor ito sa kanila dahil hindi na nila kailangang iwanan ang kanilang mga pwesto para makapag-transact sa SSS. Mas komportable, mas ligtas at lalong lalong mas pinabilis na ang kanilang ugnayan sa SSS.
Para sa mga wala pang My.SSS account, bukas ang E-centers ng SSS branches para i-assist kayo sa registration. May ilang mga barangay din na may SSS E-Centers para matulungan kayo sa inyong registration.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.