Kadalasang biruan sa ating mga Pilipino na kung sino ang may makapal na pitaka ay siyang maraming pera. Pero paaano kung makapal ang pitaka mo hindi dahil sa pera kundi sa dami ng IDs at ATM cards?
Sa bagong proyekto ng SSS, pag-iisahin na ng SSS ang UMID at ATM sa iisang card. Ito ngayon ay tatawaging UMID ATM Pay Card. Maliban sa halaga nito bilang isa sa mga valid na government-issued IDs, ang UMID ATM Pay Card ay ay maaaring i-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module ng inyong My.SSS account dahil nakalink ito sa regular savings account ng miyembro kung saan idedeposito ang lahat ng kaniyang loan, benefit proceeds, pati refunds.
Sa umpisa ng implementasyon nito, tanging ang mga miyembro muna na may pending UMID application ang maaaring mag-upgrade sa UMID ATM Pay Card. Ito ay magiging available rin sa lahat ng mga mag-apply ng UMID card –para sa bagong application man o replacement.
Mula October 25, 2022 hanggang December 31, 2022, magpapadala ang SSS ng email at text messages sa mga nabanggit na aplikante para humingi ng kumpirmasyon kung nais nilang i-upgrade ang kanilang UMID Card sa UMID ATM Pay Cards.
Samantala, ang UMID applicants simula noong September 2021 hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa kasali sa programang ito. May ilalabas na hiwalay na advisory tungkol dito.
Para makapag-upgrade sa UMID Pay Cards, buksan lamang ang My.SSS account at i-access ang Data Sharing Consent for UMID ATM Pay Card na makikita sa Services Menu. Dito, binibigyan ng miyembro ang UnionBank ng consent para makuha nila ang iyong UMID Application Data. Kapag naisumite na ang consent, i-download ang UnionBank Mobile App sa pamamagitan ng pag-iscan sa QR code na makikita sa email invitation na natanggap. Maglalabas ang UnionBank Mobile App ng notification na matagumpay na nakapagbukas ang miyembro ng UMID ATM Pay Card account.
Ipapadala sa pamamagitan ng koreo ang mga UMID ATM Pay Card sa mailing address na inilagay ng miyembro sa kaniyang aplikasyon. May abiso ring matatanggap ang miyembro sa pamamagitan ng text kung idedeliver na ang kaniyang UMID ATM Pay Card.
Sa kasalukuyan, tanging ang UnionBank of the Philippines pa lang ang ka-partner ng SSS sa produksyon ng UMID ATM Pay Card. Subalit, sa susunod na taon ay madaragdagan pa ang mga bangko na magiging partner ng SSS sa UMID Pay Card upgrade.
Kung may karagdagang tanong tungkol sa UMID ATM Pay Card maaaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na SSS Branch sa inyong lugar o kaya sa UnionBank hotline 8841-8600 o magpadala ng mensahe sa kanilang customer service sa customer.service@unionbankph.com.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.