Magandang balita po ang pabaon sa atin ng SSS sa pagtatapos ng taong 2022. Inilabas kasi noong nakaraang linggo ang datos mula sa ahensiya na umabot na sa P2.49 trilyong halaga ng benepisyo ang tinanggap ng milyon milyong miyembro, pensionado, at benepisyaryo mula sa SSS sa nakalipas na 65 taon. Iniulat rin na mayroong 45 million claims na ang tinanggap at prinoseso ng SSS simula nang itinatag ito noong 1957.
Ang mga datos na ito ang nagpapatunay na matatag at maasahan talaga ang SSS sa oras ng pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino. Ang pitong benepisyo gaya ng Sickness, Maternity, Disability, Unemployment, Retirement, Death at Funeral; at loan privileges tulad ng Salary Loan, Calamity Loan, Pension Loan, Educational Loan, at Housing Loan ang siyang nagbibigay pag-asa at tiwala sa mga miyembro na malalampasan nila ang anumang pagsubok pampinansyal basta’t nariyan ang SSS.
###
Isa pang good news mula sa SSS! Sa pagbisita ni SSS Vice President ng Public Affairs and Special Events Division Fernando Nicolas sa ating lungsod noong nakaraang linggo, sinabi niya na matatanggap na ng mga retirement at survivor pensioners ang kanilang 13th month bonus at December 2022 pension ngayong unang linggo ng Disyembre. Kada taon itong ibinibigay ng SSS sa mga pensioners bilang regalo tuwing pasko. Sa mga pensyonado na tumatanggap ng kanilang pension sa pagitan ng unang araw ng buwan hanggang a-kinse, matatanggap nila ang 13th month bonus at December 2022 pension sa December 1, 2022. Samantala, ang mga tumatanggap ng pension mula ika-16 hanggang katapusan ng buwan ay maaari nang mag-withdraw simula sa December 4. Idedeposito ito ng SSS sa kanilang bank account kung saan idinedeposito ang kanilang regular monthly pension. Kaya huwag pong magugulat kung dumoble ang halaga ng inyong natanggap ngayong Disyembre.
Sa nagdaang press conference, humingi rin ng tulong si VP Fernan sa mga media sa sa pagpapakalat ng tama at lehitimong impormasyon tungkol sa SSS upang labanan ang online scammers at fixers na naglipana sa social media. Malaki ang tulong ng media sa pagbibigay ng tamang gabay sa mga miyembro patungkol sa mga programa at serbisyong hatid ng SSS. Sabi ni VP Fernan, imbes na sa mga online fixers humingi ng tulong ang mga miyembro para sa kanilang mga online needs, mas maiging dumeretso na lamang sila sa E-Centers ng SSS branches para matulungan sila ng mismong empleyado ng SSS. Sa ganitong paraan, mas ligtas ang mga detalye ng miyembro at hindi makokompromiso ang kanilang mga personal na impormasyon.
###
Noong nakaraang linggo rin ay idinaos ang SSS Stakeholders’ Forum sa San Juan, La Union. Aabot sa 180 mula sa iba’t-ibang sektor ng probinsya ang dumalo tulad ng mga employers, cooperative members, TODA members, mga magsasaka at mangingisda, mga market vendors at ilang miyembro rin ng media. Mismong si SSS President at CEO Michael Regino ang nagbigay sa kanila ng iba’t-ibang updates at impormasyon mula sa SSS. Ayon kay PCEO Regino, ang SSS ay para sa lahat – mapa propesyonal man na nasa pribadong kumpanya o simpleng nagbebenta ng gulay sa palengke. Ang serbsiyo at benepisyo mula sa SSS ay pantay pantay na maibibigay sa lahat ng miyembro. Kasabay nito, hinimok ni PCEO Regino ang lahat ng mga nagsipagdalo sa forum na magregister na sa My.SSS account at gamitin ang iba’t-ibang digital services ng SSS. Ang mga ito ay ginawa para mas maging maginhawa, mabilis, at sigurado ang transaksyon sa SSS. Nagpasalamat rin si PCEO Regino sa informal sector groups na ipinagpapatuloy ang kanilang SSS membership. Ibinigay niya ang kasiguraduhan na malakas ang pananalapi at pondo ng SSS para sa kanilang pangangailangan. Hanggang 2054 pa ang pondo ng SSS ayon kay PCEO Regino at hindi titigil ang SSS sa paghahanap ng mga programa para mas mapaigting pa ang fund life ng ahensya.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.