Simula nitong Hunyo, ipinatupad na ang iba’t-ibang online transactions sa SSS bilang bahagi ng aming digitalization efforts. Kaugnay din ito ng patuloy na pagsasaayos ng mga sistema gamit ang mga makabagong teknolohiya kung saan unti-unti na nating tinatanggal ang manual filing o over-the-counter transactions bunsod na rin ng pandemyang ating kinakaharap sa kasalukuyan. Sa ganitong paraan din ay hindi na kinakailangang gumastos sa pamasahe o gas papunta sa mga tanggapan ng SSS kung saan kahit nasa kanilang mga bahay o opisina ang ating mga miyembro at employers ay hindi makokompromiso ang kanilang oras, kalusugan, at kaligtasan.
Ang online transactions sa SSS ay alinsunod din sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamamagitan ng RA 11032 o kilala bilang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 na naglalayong mapabilis ang iba’t ibang transaksyon sa gobyerno.
Upang gawin ang online transactions, mahalagang may sariling My.SSS account ang ating miyembro at employers. Huwag mag-alala dahil madali at simple lang gumawa ng sariling account. Pumunta sa www.sss.gov.ph at piliin ang box na MEMBER o EMPLOYER. Hanapin ang katagang “Not yet registered in My.SSS?”. I-click ito at sundan lamang ang instructions. Mahalagang may aktibong e-mail address dahil dito ipinapadala ng SSS ang links at notifications tungkol sa kanilang application status.
Sa kasalukyan, maaari nang gamitin ang My.SSS account upang mag-sumite ang miyembro ng kanyang calamity at salary loan application, kasama ang unemployment benefit application, sickness, and maternity notification, at maging ang pagkuha ng Social Security (SS) Number. Samantala, ang employers at company representatives naman ay maaaring magpasa ng kanilang Employment Report o R1A (para sa mga bagong empleyado) at sickness benefit reimbursement application online para sa may initial at bagong claims na may aprubadong sickness notification. Pumunta lamang sa E-SERVICES tab ng inyong My.SSS account.
Maliban sa mga nabanggit, maaari na ring magpasa ng retirement at pension loan application, maging ang Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) compliance (na sinuspinde simula Pebrero 2020), na aking tatalakayin sa mga susunod na linggo.
===
See other columns:
Sa mga nagdaang kolum, napag-usapan natin ang tungkol sa checkless disbursement na ipinatutupad na rin ng SSS. Ibig sabihin nito, ang mga benepisyo at loan ay hindi na matatanggap ng miyembro sa pamamagitan ng tseke sa halip ay sa kanyang disbursement account o bangko na akreditado ng PESO-NET, Unified Multi-Purpose ID na inirehistro bilang ATM (UMID-ATM), electronic wallets katulad ng PayMaya, o kaya’y sa Remittance Transfer Companies/ Cash Payout Outlets tulad ng M-Lhuillier.
Upang maisakatuparan ng SSS ang checkless disbursement, importante ang kooperasyon ng ating miyembro at employers sa pamamagitan ng pag-rehistro ng kanilang aktibong bank account sa ilalim ng Bank Enrollment Module (BEM). Samantala, kailangang i-update ang kanilang mobile number sa My.SSS account kung pinili naman nilang matanggap ang kanilang benepisyo o loan sa pamamagitan ng electronic wallets at Remittance Transfer Companies/ Cash Payout Outlets.
Ipinatutupad na rin sa kasalukuyan ang checkless disbursement ng unemployment at funeral benefit, pati na rin sa salary at calamity loan. Muli, nais naming paalalahanan ang ating mga miyembro na i-double-check nila ang mga hinihinging impormasyon lalo na ang kanilang account number upang maiwasan ang delay sa pag-proseso at pagtanggap ng kanilang mga benepisyo mula sa SSS.
Marahil ang paggamit ng teknolohiya ay hindi madali para sa iilan, ngunit malaki ang maitutulong nito upang gawing simple, madali, at mabilis na transaksyon sa SSS. Panahon na upang maging bukas tayo sa pagbabago upang magpatuloy ang ating pamumuhay sa kabila ng pandemya.
===
Binabati ko ang SSS La Trinidad branch sa pamumuno ni Acting Branch Head Dominador Malatag kaugnay ng pagdiriwang ng kanilang 1st year anniversary. Nagbukas ang SSS La Trinidad Branch noong August 16, 2019 at ngayon ay patuloy silang nagbibigay ng makabuluhang serbisyo sa ating mga miyembro lalo na sa mga magsasaka at minero ng probinsya ng Benguet. Matatagpuan ang kanilang opisina sa G/F, Jewel Igorot Bldg., Km. 4, La Trinidad, Benguet. Muli, Congratulations sa mga empleyado ng SSS La Trinidad!
Kung may paksa o mga katanungan tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph.
You might also like: