Nabanggit ko sa mga nagdaang kolumn ang tungkol sa ipinatutupad na digitization sa SSS. Habang limitado ang ating galaw bunsod ng COVID-19, dito natin makikita ang importansya ng hakbang na ito hindi lamang sa aming institusyon, kundi pati na rin sa ating mga miyembro, employers, at pensyonado. Marami sa mga transaksyon ngayon ang maaari nang magawa sa pamamagitan ng online at hindi na kailangan pang magsadya sa SSS branches. Ngayong hindi pa tayo lubos na nakakatiyak sa ating kaligtasan sa tuwing lumalabas tayo ng bahay, malaking tulong ang online at mobile facilities ng SSS upang makaiwas tayo sa pandemya.
Upang magkaroon ng online transaction sa SSS, mahalagang may sariling My.SSS account ang bawat miyembro. Sa pamamagitan ng My.SSS accounts, maaari nang mag-apply ng Salary Loan, Calamity Loan, Unemployment Benefit, Retirement Benefit claim, manghingi ng kopya ng records sa SSS, mag-request ng appointment schedule sa SSS, at kumuha ng Payment Reference Number (PRN). Maging ang Annual Confirmation of Pensioners o ACOP, bagama’t suspendido ito ay maaari na ring mag-comply online. Pinakabago naman rito ay ang online filing at checkless payment ng mga Funeral Benefit claims.
Samantala, ang employers naman ay maaari nang mag-sumite ng kanilang Sickness Benefit Reimbursement Application online. Bukod pa riyan ang mga nauna nang online applications para sa kanila gaya ng pag-file ng mga benepisyo at pagbabayad ng kontribsuyon at loan amortization ng kanilang mga empleyado gamit ang SSS web facilities.
Para sa SSS members na wala pang My.SSS account, pumunta lamang sa www.sss.gov.ph para doon magrehistro. Siguraduhin lamang na tama ang inilagay ninyong personal na impormasyon at aktibo ang inirehistro ninyong e-mail. Tandaan at isulat ang inyong password upang hindi makalimutan o ma-deactivate ang inyong account.
===
May nagtanong sa akin kung ano ang dapat gawin kung sakaling nakalimutan niya ang password ng kanyang My.SSS account? Huwag kayong mag-alala dahil madali na ngayon ang mag-reset ng password. Buksan ang opisyal na website ng SSS www.sss.gov.ph. Pumunta sa My.SSS login page at piliin ang membership account na nais mong i-reset (Member Login o Employer Login). Piliin at i-click ang link na Forgot User ID or Password. I-type ang CRN o Social Security (SS) Number at i-click ang Submit. Kung Employer o Household Employer naman, ilagay ang ER/HR Number at i-click ang Submit. Pumunta sa rehistradong e-mail address at buksan ang email mula sa SSS para i-click ang activation link. Dadalhin ka ngayon sa SSS website para ayusin ang bagong password.
===
Maliban sa My.SSS, maaaring gamitin ang Text SSS para makakuha ang miyembro ng Payment Reference Number (PRN); magtanong kung saan ang pinakamalapit na SSS branch; magbigay ng feedback; at magtanong hinggil sa iba pang impormasyon sa iyong SSS membership, contributions, claims information, loan status at benefit application requirements. Para magrehistro, i-text ang SSS REG <10-digit SSS number><Bdaymm/dd/yyyy> at ipadala sa 2600
===
Ang ordinaryong Pinoy ay may cellphone kaya maganda rin gamitin ang SSS Mobile App para makita ng miyembro ang kabuuang detalye ng kanyang contribution records, pati na rin ang status ng kanilang membership, loan, at benefit application. Maaari rin itong gamitin upang magpasa ng aplikasyon para sa kanyang salary/calamity loan at maternity notification, at mag-generate ng PRN. Ang SSS Mobile App ay libreng i-download sa Google Play Store, Apple App Store, at Huawei App Gallery. Gumagana ito sa Android 4.4 KitKat at IOS 8.0 o mas mataas pang Android Mobile operating system.
===
Napansin namin na marami pa rin sa ating mga miyembrong mula sa La Trinidad at Tublay o sa mga kalapit na bayan ng Benguet ang nagpupunta pa rin sa SSS Baguio Branch para magproseso ng kanilang SSS transactions. Dahil dito, nais naming ipaalala na mayroon na tayong sangay ng SSS sa La Trinidad na matatagpuan sa Ground Floor ng Jewel Igorot Bldg., Km.4 kung saan ang karaniwang transakyon sa Baguio ay maaari na ring gawin doon. Ngayong nasa General Community Quarantine (GCQ) ang La Trinidad, bukas ang kanilang opisina tuwing Lunes hanggang Biyernes, mula alas otso ng umaga hanggang alas dos ng hapon.
===
Kung may paksa o tanong tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan sa kolum na ito, magpadala lamang ng e-mail sa rillortac@sss.gov.ph
You might also like: