Noong nakaraang linggo, tinalakay natin ang ukol sa SSS Mandatory Provident Fund (MPF) Program, isang retirement savings scheme na inilunsad ng SSS para sa mga miyembro na malalaki ang buwanang kita upang makatanggap ng karagdagang benepisyo sa kanilang pagreretiro bukod sa tatanggapin nila mula sa regular na Social Security (SS) benefit.
Awtomatikong nagiging bahagi ng MPF Program ang mga miyembrong naghuhulog sa ilalim ng P20,500 Monthly Salary Credit (MSC) pataas.
Sa pagkakataong ito, ibabahagi naman namin ang ikalawang provident fund program ng SSS para sa mga miyembro, anuman ang kanilang MSC. Ang MySSS Pension Booster o ang Voluntary Provident Fund Program ng SSS ay naglalayon na tulungan ang mga miyembro na palakihin ang kanilang matatanggap na benepisyo sa kanilang pagreretiro.
Sa halagang P500 ay maaari kang sumali at magkaroon ng account sa ilalim ng MySSS Pension Booster. Maaari maghulog ang mga miyembro sa nasabing programa ng P500 kada payment o higit pa. Kung ikaw ay may ekstrang pera na tinanggap, maaaring mong i-invest ang bahagi nito sa Pension Booster. Halimbawa, ikaw ay tumanggap ng incentive dahil nalagpasan ninyo ang sales target noong nakaraang taon, maaari mong ilagay sa Pension Booster ang bahagi ng natanggap mong incentive.
Ang Pension Booster ay hindi katulad ng regular na SSS contribution na dapat hinuhulugan mo kada buwan. Maaari kang maghulog sa iyong Pension Booster account tuwing mayroon kang extra funds. Subalit, hinihimok namin ang mga miyembro na regular na maghulog para lalong lumaki ang benepisyo na matatanggap nila sa pagreretiro.
Ikaw ay makapag-e-enroll sa programa gamit ang iyong MySSS account. Mag-login sa iyong account, piliin sa drop down menu ang “Services” at hanapin ang “Voluntary Pension Booster.” Sundan lamang ang mga nakasaad na instructions sa web page para mag-enrol.
Sa pagbabayad ng iyong Pension Booster contribution, mag-generate muna ng Payment Reference Number (PRN) sa iyong My.SSS account. Bago magpasok ng kontribusyon para sa Pension Booster, siguruhing bayad na ang SSS contribution sa kasalukuyang buwan. Halimbawa, kailangang bayad na ang SSS contribution para sa buwan ng Enero bago magbayad ng contribution sa Pension Booster.
Para naman sa mga miyembrong kabilang sa SSS MPF ngunit nais pang lumaki ang kanilang pension at madagdagan ang kanilang kita, maaari rin silang sumali sa Pension Booster. Para mag-qualify, dapat ay may isang posted contribution man lang sa regular Social Security (SS) program ang miyembro sa nakalipas na tatlong buwan. Tandaan na may 1% management fee lamang na icha-charge ang SSS sa total accumulated account value ng miyembro.
Halimbawang P500 kada buwan ang kontribusyon sa Pension Booster account, paano kaya ito pinalalago ng SSS?
Kagaya ng SSS MPF, ang Pension Booster contribution ng mga miyembro ay i-invest ng SSS alinsunod sa requirements nito ng liquidity, safety, security, at yield. Sa katapusan ng taon, magkakaroon ito ng investment income depende sa performance ng SSS investments. Noong 2024, ang projected annual return rate ay tinatayang nasa 7.2 percent. Ang maganda pa rito, ang kabuuang ipon at kita sa Pension Booster ay tax-free.
Sa ikalima o higit pang taon, maaari nang ma-withraw ng miyembro nang partial o full ang kaniyang naipon sa Pension Booster. Sa mga miyembro na nasa ikalawa hanggang ikaapat na taon ay maaari namang magsagawa ng partial o full withdrawal ngunit magkakaroon ito ng reduced income.
Tandaan na walang withdrawal ang maaaring gawin sa unang taon maliban kung may kinakaharap na extreme hardship situation ang miyembro. Ilan sa halimbawa nito ay ang critical illness, involuntary separation from employment, repatriation mula sa host country (kung OFW), at iba pang kaparehong situation na na-determina ng SSS.
Hanapin ang SSS Circular 2022-032 sa SSS Website www.sss.gov.ph para sa mga karagdagang detalye.
Bagamat maaari niyong kunin ang inyong ipon sa loob ng limang taon kung kinakailangan, mas hinihikayat pa rin ang lahat na huwag itong galawin hanggang sa kayo ay magretiro. Ang pinakamagandang feature nito ay wala itong lapsation o hindi kinakailangang magrenew kahit lagpas limang taon. Guaranteed na ang inyong ipon ay intact pa rin at siguradong may kitang interes kada taon.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.