Ang mga iba’t-ibang transaksyon sa pamahalaan ay mas pinadali na ngayong panahon ng makabagong teknolohiya. Halos lahat, online na. Sa SSS, isa sa ginawang online service ay ang pagkuha ng SS number.
Noong kumuha ako ng aking SS number mahigit dalawampung taon na ang nakararaan, kinailangan ko pang pumila sa branch at mag-fill out ng form. Sa araw mismo ng aking aplikasyon ay nabigyan naman ako ng SS number.
Ngayon, dahil sa digitalization ng SSS, kahit nasaan ka, basta’t may internet connection ay makakakuha ka na ng SS Number online. Mas pinadali at mas pinaigsi ang proseso.
Para sa SS Number Application online, bisitahin ang website ng SSS www.sss.gov.ph. I-click ang icon na “No SS Number yet? Get it here! Apply online” na makikita sa ibaba ng webpage.
Ida-direct ka sa panibagong web page at aabisuhan kang mag-apply online. May lalabas na guide sa screen para sa pag-fill out ng inyong E1 o Personal Record. Sa pagfill-out ng iyong impormasyon, papipiliin ka kung ang ire-rehistro mong pangalan ay ang iyong kumpletong pangalan, apelyido at unang pangalan lamang, apelyido lamang o unang pangalan lamang. Hindi rin maaari ang mga special characters sa pagpaparehistro. Kung may special character ang pangalan, aabisuhan kang personal na magpunta sa anumang sangay ng SSS para doon magrehistro.
Matapos ilagay ang mga kinakailangang impormasyon, i-click ang “Submit.” May ipapadalang link sa iyong registered email address para ipagpatuloy mo ang iyong aplikasyon at i-upload ang supporting documents gaya ng birth o baptismal certificate. Kaya naman lagi kaming nagpapaalala na siguruhing aktibo ang iyong registered e-mail address sa SSS sa pagpapatuloy ng iyong aplikasyon. Pinapayuhan din ang aplikante na ihanda ang mga file na i-a upload at hindi dapat ito lalagpas sa 3MB na file size.
Bibigyan ka lamang ng limang araw para ipagpatuloy ang iyong aplikasyon. Kung lumagpas sa limang araw, mababalewala ang link at kinakailangan mo muling magpasa ng panibagong aplikasyon.
Idouble check ang mga nilagay na impormasyon pati na rin ang supporting documents na inupload bago i-click ang “Generate SS Number” button. Matapos nito ay lalabas na sa screen ang SS Number at option na iprint/idownload ang Personal Record/Unified Multipurpose ID Card Application (E-1/E-6), SS Transaction Number Slip at SS Number Slip. Makakatanggap ka rin ng email confirmation na kung saan nakasaad ang iyong SS Number at kopya ng Personal Record/Unified Multipurpose ID Card Application (E-1/E-6), SS Transaction Number Slip at SS Number Slip.
Tandaan na hangga’t hindi ka nakakapagsumite ng supporting documents ay mananatiling temporary ang iyong membership status. Kapag naisumite mo na ang mga ito at naiproseso na ito ng SSS, mapapalitan na ang iyong membership bilang permanent.
Permanente mo nang gagamitin ang SS number na inisyu sa iyo. Ibig sabihin, hindi mo na kailangan kumuha ng panibagong SS number kung magbago ang pinapasukan mong trabaho. Isusumite mo lang ang iyong SS Number sa bago mong employer at iyan na ang gagamitin nila sa tuwing huhulugan nila ang iyong kontribusyon at iba mo pang mga transaksyon sa SSS.
Ganiyan lang kabilis at kaginhawa ang pagkuha ng SS number ngayon. Salamat sa programang digitalization ng SSS. Kaya naman sa mga wala pang SS number, lalo na sa mga aktibong naghahanap ng trabaho sa ngayon, online na po ang pagkuha ng SS number.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.