Sa pag-usad ng digitalization program ng SSS, unti-unti nang nadadagdagan ang mga benefit applications na magagawa online at isa na rito ang Retirement Benefit Application.
Sakop ng online program na ito ang lahat ng employee-members na may edad 60 hanggang 64 at hiwalay na sa trabaho, land-based OFWs at Voluntary Members na at least 60 years old sa petsa ng pag-file ng claim o lahat ng miyembro (depende sa kategorya) na at least 65 years old sa petsa ng pag-file ng claim. Ang underground at surface mineworkes naman ay maaari nang mag-file ng retirement application online sa edad na 50 years old bilang optional retirement at 65 years old bilang technical retirement. Samantala, maaari nang mag-file ng retirement ang mga hinete kapag tumungtong na sila sa technical retirement age na 55 years old.
Kapag pasok kayo sa mga nabanggit na qualifications, hindi niyo na kailangan pumunta sa SSS branches para magfa-file ng inyong retirement benefit. Importanteng nakarehisto na kayo sa My.SSS bago mag-file ng retirement application. Sundan lamang ang hakbang sa paggawa ng My.SSS o hanapin sa link na ito: https://baguioheraldexpressonline.com/mga-online-transactions-sa-my-sss-ipinatupad-na/. Kapag mayroon nang My.SSS, isunod naman ang pag-rehistro ng bank account sa Disbursement Account Enrollment Module. Makikita sa link na ito ang paraan ng pagrerehistro sa DAEM: https://baguioheraldexpressonline.com/mga-paglilinaw-tungkol-sa-salary-loan-daem-aat-legal-beneficiaries/
Para sa kapakanan ng mga magreretiro o plano nang mag-file ng kanilang retirement benefit sa SSS, narito ang mga qualifying conditions. Una, dapat ay mayroon nang 120 months na kontribusyon bago ang semestere ng pagpa-file ng retirement application. Halimbawa, kung ang miyembro ay mag-60 na ngayong June 2021, dapat ay mayroon na siyang 120 posted contributions noong December 2020. Kung hindi nakumpleto ang 120 months, subalit 60 years old o higit pa ang miyembro at nais na niyang kunin ang benepisyo, makukuha naman niya in lumpsum ang kanyang benepisyo. Subalit, kung nais naman kumpletuhin ng self-employed o voluntary members ang kinakailangan na 120 months, pwede pa rin nilang ipagpatuloy ang paghuhulog ng kontribusyon hanggang sa matapos nila ito para makapagfile ng retirement pension sa SSS.
Pangalawang qualifying condition ay dapat aktibo ang Social Security (SS) number ng miyembro. Ibig sabihin, ang SS number ng miyembro ay hindi dapat kanselado o hindi hihigit sa isa. May ilang miyembro rin kasi na mayroong higit sa isang SS number kaya dapat munang kanselahin ang iba. Kailangang i-request ang cancellation sa SSS branch bago mag-file ng retirement pension. Pangatlo, dapat ay walang outstanding balance sa Stock Investment Loan Program (SILP)/ Privatization Loan Program/Educational Loan/Vocational Technology Loan ang miyembro kung magpa-file na ng retirement pension. Subalit, papayagan naman siyang mag-file kahit mayroon siyang outstanding loan balance sa Salary/Calamity o Salary Loan Early Renewal Program. Pang-apat, dapat ay walang dependent na anak, at panghuli, hindi dapat self-employed o walang nakarehistrong negosyo sa pangalan ng member kung siya ay edad 65 years old pababa.
Kung hindi ka pasok sa mga sumusunod na qualifications, pinapayuhan ang mga aplikante na i-submit ang kanilang retirement application sa pinakamalapit na sangay ng SSS branch. Siguraduhin lamang na sundin ang number coding na ipinapatupad sa mga branches. Mas makabubuti rin na makapag-set muna ng appointment sa SSS branches para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at mapanatili ang social distancing sa aming mga opisina.
Para sa mga magreretiro na, handog ng SSS ang online application na ito sa inyo. Malaking tulong ito lalo na sa mga ayaw pang lumabas ng kanilang tirahan dahil pa rin sa nararanasan nating pandemya. Gamitin po ninyo ito para na rin sa ligtas, mabilis at komportableng transaksyon sa SSS.
===
Para sa mga karagdagang impormasyon, sundan lamang ang SSS sa aming opisyal na Facebook page at YouTube channel sa “Philippine Social Security System,” sa Instagram sa “mysssph”, Twitter sa “PHLSSS,” o sumali sa aming SSS Viber Community sa “MYSSSPH UPDATES.” Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.