ROSALES, Pangasinan (PIA) – Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Pangasinan Third District Engineering Office ang 3.4 kilometrong farm-to-market road (FMR) sa bayan ng Rosales na nagkakahalaga ng P30 milyon.
Ayon kay Tayug Mayor Tyrone Agabas, dating congressman na siyang nagsulong sa proyekto, ang FMR na sumasaklaw sa Barangay Bakit-Bakit sa Rosales patungo sa Barangay San Miguel sa Balungao, ay nagpapaikli ng oras ng byahe ng mga residente mula 25 minuto sa 10 minuto na lamang.
“Nabuo ang proyektong ito upang mapakinabangan ng mga pamayanan ng pagsasaka sa lalawigan ng Pangasinan. Ang mga magsasaka ngayon ay may mas madaling access sa paghahatid ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng bigas at mais sa merkado,” ani Agabas.
Kasama rin sa proyektong ito na pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act of 2022 ang paglalagay ng 42 yunit ng street solar LED lights.