Noong December 2022, inilabas ng Social Security System (SSS) ang Circular No. 2022-008c kung saan binanggit dito na extended muli ang Annual Confirmation of Pensioners Program hanggang March 31, 2023.
Malapit na pong dumating ang petsang iyon kung kaya’t magandang talakayin natin ang programang ito para malaman kung sino ba ang dapat mag-comply sa ACOP at paano ba ito gawin.
Ang ACOP ay isang proseso na isinasagawa ng SSS para masiguro na ang benepisyo ng mga miyembro ay napupunta sa tamang benepisyaryo. Sa ilalim nito, ang SSS retirement pensioners na naninirahan sa abroad, total disability pensioners, at survivor o death pensioners, kasama na rin ang kanilang dependent children o guardian ay kinakailangang mag-report sa SSS kada taon. Samantala, exempted sa prosesong ito ang retirement pensioners na naninirahan dito sa Pilipinas.
Ang usual schedule ng ACOP compliance para sa retirement pensioners na naninirahan sa abroad at total disability pensioners ay ang month of birth ng pensioner. Para sa survivor pensioners naman, ito ay ang month of birth ng yumaong miyembro, habang sa dependents at guardians ay ang month of birth ng miyembro o ng yumaong miyembro, alinman dito ang applicable.
Matatandaan na noong pumasok ang COVID-19 sa bansa noong 2020, isa sa mga unang hakbang na isinagawa ng SSS ay ang pansamantalang pagsuspinde sa ACOP. Bagama’t mahalaga ang pagsasagawa ng ACOP, naging mas matimbang para sa SSS na maprotektahan ang mga pensioner nito laban sa COVID-19 sa paraang hindi na nila kailangan pang lumabas ng bahay nila para patuloy na makatanggap ng pension.
Nang paluwagin ng pamahalaan ang quarantine restrictions at ang banta ng COVID-19 ay bumaba na, dahan-dahan ding ibinalik ng SSS ang prosesong ito. Ipinaalam din ng SSS sa publiko ang makabagong pamamaraan ng ACOP compliance na hindi na kinakailangan pa ng face-to-face transaction sa SSS branches.
Para mag-comply, kinakailangan lamang ipasa ng pensioner o dependent with guardian ang required documents sa SSS branch o foreign office, o OFW-Contact Services Section through email, mail, o courier.
Para sa mga pensioner na nasa abroad maliban sa total disability pensioners, maaari din silang mag-request ng video conference sa SSS para makapag-comply.
Para naman sa total disability pensioners na naninirahan sa Pilipinas, maaari din silang mag-request ng home visit o conduct of domiciliary medical service sa SSS.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa ACOP compliance, bisitahin ang https://crms.sss.gov.ph, i-click ang “Knowledgebase,” hanapin ang ACOP at i-click ito. Nandito ang listahan ng documentary requirements at kumpletong guidelines sa pagku-comply sa ACOP. Mayroon ding sample photos dito para lubos na maintindihan ng mga pensioner ang mga kinakailangang gawin.
Paano kung nakapag-comply na ang pensioner o dependent with guardian noong mga naunang deadline buhat nang resumption ng ACOP? Kinakailangan pa ba silang mag-comply muli? Hindi na nila kailangan pang mag-resubmit ng kanilang compliance. Kailangan na lamang nilang sundin ang usual schedule ng ACOP compliance na nabanggit kanina para masigurong patuloy ang kanilang pensyon.
Kung ang pensioner ay ngayong taon pa lamang nag-comply sa ACOP mula noong mag-resume ito, kailangan pa ba niyang magpasa muli ng ACOP compliance para sa 2023? Sa 2024 na sila magsusumite ng kanilang ACOP compliance, alinsunod sa usual schedule ng programa.
Ang layunin ng pagpapalawig ng ACOP ay upang bigyan pa ng sapat na panahon na makapagcomply ang mga SSS pensioners para masigurong tuloy-tuloy nilang matanggap ang kanilang buwanang pensyon. Kung matapos ang deadline ay hindi pa rin nakapagcomply sa ACOP, masu-suspinde ang kanilang pension simula May 2023.
Inaanyayahan rin naming kayong makinig sa “Usapang SSS” tuwing Lunes, 10:30AM-11:30AM sa DZWT 540 kHz at manood sa live FB stream ng “MPBC DZWT Kumpletos Rekados.”