Noong nakaraan nating column, napag-usapan natin ang ukol sa prescriptive period o ang panahong ibinibigay kung kailan dapat mai-file ang SSS Sickness Benefit. Ngayon naman, pag-usapan natin kung paano ba kino-compute ng SSS ang sickness benefit na ibinibigay sa mga kwalipikadong miyembro.
Una sa lahat, kailangan maintindihan ng mga miyembro na ang halaga ng Sickness Benefit ay katumbas ng 90% ng Average Daily Salary Credit (ADSC) ng miyembro. Ito ang average ng tatlo o anim na pinakamataas na Monthly Salary Credit bago ang semestre ng pagkakasakit na dinivide sa 180 days. Samantala, ang MSC naman ay ang compensation base para sa kontribusyon at mga benepisyo na batay sa buwanang kita ng isang SSS member.
Para mas maunawaan ng ating mga miyembro, tignan natin ang kaso ng isang SSS member na si Jose. Nagkasakit at naadmit siya sa ospital ng 20 araw mula November 10, 2024 hanggang November 30, 2024. Aktibo siyang nagbabayad ng kontribusyon sa SSS sa halagang P2,800 kada buwan. Katumbas niyan ay P20,000 na Monthly Salary Credit (MSC).
Kung susuriin, ang kanyang semestre ng pagkakasakit ay mula July 2024 hanggang December 2024. Magbibilang tayo ng 12 buwan pabalik mula sa semestre ng kaniyang pagkakasakit. Ito ay mula July 2023 hanggang June 2024, kung saan nakapaghulog dapat siya ng hindi bababa sa tatlong buwan.
Kung kumpleto ang hulog ni Jose sa nakalipas na isang taon, pipiliin natin ang anim na pinakamataas na MSC at susumahin ito upang malaman ang kanyang total MSC. Matapos nito ay kailangan divide ang MSC sa 180 araw para malaman ang kanyang Average Daily Monthly Salary Credit (ADSC), na siya namang imu-multiply sa 90% para makuha ang halaga ng kanyang daily sickness allowance. Para makuha ang total sickness benefit ni Jose, kailangang sumahin ang kanyang daily sickness allowance sa bilang ng araw na naaprubahan ng SSS para sa kanyang pagkakasakit.
Kung ang Monthly Salary Credit ni Jose mula July 2023 hanggang June 2024 ay P20,000, kukuha lamang tayo ng anim na buwan mula rito, kaya ang kaniyang kabuuang MSC ay P120,000 (P20,000 x 6). Lalabas na ang ADSC ay P666.66 (P120,000.00/180). I-multiply ang P666.66 sa 90% para malaman ang daily sickness allowance. Batay sa ating computation, ang daily sickness allowance ni Jose ay P599.99.
Dahil ang naaprubahang sickness benefit ay sa loob ng 20 days, lalabas na ang kanyang kabuuang Sickness Benefit ay P11,999.88; o P599.99 kada araw.
Kapansinpansin na nakadepende ang halaga ng benepisyo sa halaga ng inihuhulog na kontribusyon ng miyembro. Mas mataas ang hulog, asahang mas mataas din ang matatanggap na benepisyo.
Nakadepende rin sa wastong buwan o schedule ng paghuhulog ng kontribusyon ang benepisyo. Kaya pinapayuhan natin ang mga miyembro na siguruhing nababayaran nang tama at ayon sa schedule ang kontribusyon kada buwan para maiwasan ang gaps sa kanilang records at maging qualified sa SSS benefits.
Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan.