Sa pagpapatuloy ng ating special column ngayong buwan bilang bahagi ng SSS’ 66th Anniversary ngayong September, magbalik tanaw tayo sa kasaysayan ng SSS. Taong 1957 nang buksan ng SSS ang pintuan nito sa mga manggagawang Pilipino upang magbigay ng proteksyong panlipunan o tinatawag na social security.
Bagama’t maganda ang adhikain nito sa kapakanan ng mga manggagawa, nagpatuloy ang mg pag-aaral, pagsusuri at debate sa pagitan ng mga namumuno at mga negosyante, kabilang ang labor groups.
Balikan natin ang 1940s matapos ang World War II. Inutusan ng dating Pangulong Manuel Roxas ang kongreso na bumuo ng social security program upang matulungan ang mga Pilipinong dumanas ng hirap sa himagsikan. Sa kasamaang palad, namatay si Pangulong Roxas bago pa man maisakatuparan ang kanyang mga plano.
Buti na lamang at ipinagpatuloy ni Pangulong Elpidio Quirino ang utos ng dating Pangulong Roxas. Noong July 7, 1948, nilagdaan ni Pangulong Quirino ang Executive Order (EO) 150 para bumuo ng Social Security Study Commission. Ang komisyong ito ang bumalangkas at naglabas ng Social Security Act na siya namang isinumite sa kongreso.
Noong 1954, sa pangunguna nina Representative Floro Crisologo at sina Senador Cipriano Primicias at Manuel Briones, naipasa ang panukala sa kongreso at kinalaunan ay pinirmahan ni Pangulong Ramon Magsaysay para maging ganap na batas ang Republic Act (RA) 1161 o ang Social Security Act of 1954.
Kahit naisabatas na ang Social Security Act, hindi ito agad agad naipatupad dahil tinutulan ito ng mga negosyante at labor groups. Makalipas ng ilang taong debate ay napirmahan na rin sa wakas ang RA 1792 noong 1957 na siyang nag-amyenda sa orihinal na Social Security Act. Noong September 1, 1957, tuluyan nang ipinatupad ang Social Security Act of 1954 sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Carlos Garcia.
Sa mga sumunod na administrasyon, may idinagdag na mga panukala upang palawakin ang pagbibigay ng social security protection sa mga manggagawang Pilipino.
Noong September 7, 1979, pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Presidential Decree (PD) No. 1636 na siyang sasakop sa mga self-employed members. Kinalaunan, isanama na rin ang mga magsasaka at mangingisda bilang miyembro ng SSS.
Pinirmahan naman ni Pangulong Fidel Ramos noong 1997 ang RA 8282 o Social Security Act of 1997. Dala ng bagong batas ang mas magandang benepisyo, pinalawak na SSS coverage, pinahusay na investment programs, mas mabigat na parusa para sa mga lumalabag na employers, pagkakaroon ng contribution penalty condonation program, at voluntary provident fund para sa mga miyembro.
Noong 2019, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11199 o ang pinakabagong Social Security Act of 2018 na nagbibigay ng kapangyarihan sa Social Security Commission (SSC) na mag-condone ng penalty at mag-adjust ng kontribusyon. Idinagdag din ang Unemployment Insurance bilang pang-pitong benepisyo para sa mga miyembro at nariyan ang mandatory coverage para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Inilabas din noong 2019 ang Actuarial Studies na nagsasabing ang fund life ng SSS ay aabot pa hanggang 2054. Patunay na ang SSS ay nananatiling malakas at matatag upang makapagbigay ng makabuluhang benepisyo sa lahat ng miyembro, pensyonado at mga benepisyaryo nito.
Noong 2022, inilunsad naman ang mandatory at voluntary provident fund ng SSS para sa lahat ng mga miyembrong nais madagdagan ang kanilang savings. Ngayong 2023, mas inilapit pa ng SSS ang serbisyo nito sa tulong ng Service on Wheels, E-Center sa Brarangay.
Tunay ngang mahaba at makulay ang kasaysayan ng SSS. Ngunit, Nakita natin ang pagpupursigi ng mga nagdaang lider upang isulong ang layuning makapagbigay ng sapat na proteksyon at dekalidad na serbisyo sa bawat manggagawa, pensyonado at mga benpisyaryo nito. Kahit lumipas pa ang ilang dekada, iisa pa rin ang layunin ng SSS – ang makapagbigay ng serbisyong mapagkakatiwalaan at proteksyong maaasahan.
Kung may paksa o katanungan sa SSS na nais niyong pag-usapan, mag-email lamang sa rillortac@sss.gov.ph